29 Hunyo 2023
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo
[Pagmimisa sa Araw ng Dakilang Kapistahan]
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 15th century) San Pedro y San Pablo by Master of San Ildefonso (fl. 1475–1500), as well as the actual work of art itself from the National Sculpture Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Hindi mananaig laban sa Simbahan "kahit ang kapangyarihan ng kamatayan" (Mateo 16, 18). Sa mga salitang ito na binigkas ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, noong Kanyang hinirang at inatasan si Apostol San Pedro upang maging unang Santo Papa ng Kanyang Simbahan sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito nakasentro ang maringal na pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang araw na ito ay inilaan upang magpasalamat sa Mahal na Poon para sa biyaya ng kabanalan, kagitingan, at katapatan ng dalawang dakilang Santo ng Simbahan na sina Apostol San Pedro at San Pablo na itinuturing ng Simbahan bilang mga haligi nito.
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa hindi pagpapabaya ng Diyos sa tunay na Simbahan. Lagi Niyang sinasamahan at pinapatnubayan ang Simbahang itinatag ni Kristo sa ibabaw ng batong si Apostol San Pedro. Patunay lamang ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro at ang dakilang apostol at misyonero sa mga Hentil na si Apostol San Pablo ng palagiang pagkupkop at pagkalinga ng Panginoong Diyos sa tunay na Simbahan ni Kristo. Sa pamamagitan ng dalawang dakilang apostol na ito at ang iba pang mga apostol at misyonero at pati na rin ang mga sumunod sa kanila sa mga sumunod na salinlahi, pinatunayan ng Poong Jesus Nazareno na hindi Niya pinabayaan kailanman ang Kanyang Simbahan. Pati sa kasalukuyang panahon, patuloy na sinasamahan, kinukupkop, at kinakalinga ni Jesus Nazareno ang Kanyang Simbahan.
Nakasentro sa mga pagsubok na hinarap, tiniis, at dinanas ng dalawang apostol na walang iba kundi sina Apostol San Pedro at San Pablo ang mga salaysay sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa para sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong ipinadala ng Panginoong Diyos ang isa sa Kanyang mga anghel upang iligtas at itakas si Apostol San Pedro na noon ay nasa bilangguan mula sa kamatayan sa kamay ni Haring Herodes na nagpapugot sa ulo ni Apostol Santo Santiago Mayor. Gayon din ang nais ipahiwatig at ilarawan ni Apostol San Pablo sa kanyang patotoo kay San Timoteo sa Ikalawang Pagbasa para sa araw na ito na inilaan sa karangalan nilang dalawa ni Apostol San Pedro. Ang kaniyang buhay bilang isang apostol at misyonero ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi naging madali para sa kanya dahil marami siyang hinarap, tiniis, at dinanas na pagsubok at pag-uusig sa buhay. Subalit, sa kabila nito, gaya ni Apostol San Pedro, ipinasiya ni Apostol San Pablo na manatiling matatag at matapat sa Panginoon hanggang sa huli. Pinatotohanan ng dalawang dakilang santong ito ng Simbahan na sina Apostol San Pedro at San Pablo sa pamamagitan ng pasiya nilang ito ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa maringal na pagdiriwang sa araw na ito: "Ang D'yos ang Siyang nagligtas sa aking takot at sindak" (Salmo 33, 5). Isa lamang ang ibig sabihin nito: ang Diyos ay hindi pabaya. Lagi Niyang sinasamahan at kinakalinga ang Simbahan.
Ipinapaalala sa atin sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito na walang makakapagbagsak at makakapanaig laban sa tunay na Simbahan dahil sa biyaya ng Diyos. Lumipas man ang maraming panahon at salinlahi, nanatili pa ring matatag ang tunay na Simbahan. Patunay lamang nito na tapat ang Diyos sa Simbahan sa hirap at ginhawa. Hindi Niya pababayaan ang Simbahan kailanman. Ang dalawang dakilang santong kinikilala bilang mga haligi ng Simbahan na sina Apostol San Pedro at San Pablo at pati na rin ang kanilang mga kasama sa kasamahan ng mga banal sa langit ay ang mga patunay nito.
Bilang mga deboto at mananampalatayang Katolikong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Panginoong Jesus Nazareno, tunay nga tayong mapalad dahil hindi tayo pinababayaan ng Mahal na Poon. Lagi tayong sasamahan, iingatan, tutulungan, at ipagsasanggalang. Ang dalawang dakilang santo ng Simbahan na sina Apostol San Pedro at San Pablo at ang iba pang mga kasama nila sa kasamahan ng mga banal sa langit ay ang patunay nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento