25 Hunyo 2023
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Jeremias 20, 10-13/Salmo 68/Roma 5, 12-15/Mateo 10, 26-33
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 19th century) Triumph of Faith - Christian Martyrs in the Time of Nero by Eugene Thirion, as well as the actual work of art itself, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and origins where the copyright term is the author's life plus 70 years or fewer due to its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the US Copyright Office) before 1928.
Sa Unang Pagbasa, isinentro ni Propeta Jeremias ang kanyang pahayag sa paksa ng hindi pagtanggap at pag-uusig sa mga propetang hinirang ng Diyos katulad niya sa mga kamay ng nakakarami sa bayang Israel. Bagamat hinirang ng Diyos ang bayang Israel upang maging Kanyang bayan, marami sa mga taong naroroon ang nagpairal ng katigasan ng ulo at puso. Ito ang dahilan kung bakit nila inusig ang mga propetang gaya ni Jeremias noon. Sa halip na dinggin ang kanilang mga pahayag na galing sa Diyos, pinilit pa rin nilang iligpit ang mga katulad ni Propeta Jeremias. Ang temang ito ay tinalakay at pinagtuunan rin ng pansin sa pahayag ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Inilarawan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Kanyang mga alagad sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ang katotohanan tungkol sa pagiging Kanyang mga apostol, tagasunod, at saksi. Dahil sa kanilang ugnayan kay Jesus Nazareno, uusigin sila ng nakakarami.
Tunay nga namang napakahirap maging mga apostol, tagasunod, at saksi ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kahit sa kasalukuyan, napakahirap itong gawin sapagkat hindi pa rin tumitigil ang pag-uusig sa Simbahan. Subalit, paano nanatiling tapat ang mga lingkod na tinawag, pinili, at hinirang ng Diyos? Inilarawan sa Salmong Tugunan, sa Ikalawang Pagbasa, at maging sa Ebanghelyo kung paano sila nanatiling tapat sa Diyos. Nakasentro sa paksa ng pag-asa sa Diyos ang awit sa Salmong Tugunan. Ang kagandahang-loob ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan ay ang paksang ipinasiyang bigyan ng pansin ni Apostol San Pedro sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Pinalakas ni Jesus Nazareno ang loob ng mga apostol sa Ebanghelyo nang Kanyang ipaalala sa mga apostol kung sino lamang ang dapat katakutan na walang iba kundi ang Diyos. Higit na makapangyarihan ang Panginoong Diyos kaysa sa mga tao. Siya lamang ang makakapagpasiya kung sa langit o impyerno ipapadala ang bawat tao sa wakas ng ating buhay dito sa mundong ito (Ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo ay garantisadong papasok sa langit sa katapusan ng paglilinis sa kanila roon).
Ang tanong para sa atin sa Linggong ito ay laging tinatanong araw-araw. Nais nga ba nating makasama ang Diyos sa langit sa wakas ng ating pamumuhay at paglalakbay sa mundong ito? Ang ating mga gawa habang namumuhay at naglalakbay tayo sa mundong ito ang magiging basehan ng huling hatol ng Panginoong Diyos para sa atin kapag sumapit ang oras ng ating paglisan sa mundo. Lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong maging banal at tapat sa Kanya upang makasama Siya sa langit sa wakas ng ating buhay sa mundong ito. Kapag namuhay tayo nang banal at tapat sa Diyos, ipinapahayag natin ang pagtanggap natin sa Kanyang biyayang nagliligtas.
Napakahirap ngang maging mga tapat na apostol, tagasunod, at saksi ng Panginoon at Manunubos nating si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Subalit, gaano mang kahirap gawin ito dahil sa dami ng mga pag-uusig, tiisin, at pagsubok sa buhay, kung tunay natin Siyang iniibig at sinasamba, lagi nating sisikaping maging banal at tapat sa Kanya habang tayo'y nabubuhay sa mundong ito. Nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na makasama Niya tayo sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit sa wakas ng ating buhay sa mundong ito. Pagbigyan nawa natin ang Kanyang hiling.
Lagi nawa nating piliing maging banal at tapat sa Diyos habang tayo'y nabubuhay at naglalakbay pa dito sa mundo. Ang Kanyang huling hatol sa wakas ng ating buhay sa mundong ito ay kinukumpirma lamang ng ating mga ginawa sa bawat sandali ng ating pansamantalang buhay sa mundong ito. Nais man Niya tayong iligtas mula sa walang hanggang kapahamakan sa impyerno at isama sa Kanyang kaharian sa langit kung saan matatamasa ang buhay na walang hanggan sa Kanyang piling, hindi Niya ito magagawa kung hindi natin ibibigay ang ating pahintulot na nahahayag ng ating pagsisikap na maging banal at tapat sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento