Biyernes, Hunyo 9, 2023

BIYAYA NG MALINIS NA PUSO

17 Hunyo 2023 
Paggunita sa Kalinis-Linisang Puso ng Birheng Maria 
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51

This faithful photographic reproduction of this devotional type image of the Immaculate Heart of the Virgin Mary from a 19th century Missal is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

Matapos ipagdiwang ang Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus, ang Sabado kasunod ng nasabing Dakilang Kapistahan ay inilaan ng Simbahan upang gunitain ang Kalinis-Linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria. Ang Puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay malinis, dalisay, at busilak dahil sa kanyang ugnayan sa Diyos. Kusang-loob at buong katapatang ipinasiya ng Mahal na Ina na pumasok sa isang malalim na ugnayan sa Diyos. Ipinasiya niyang isentro ang kanyang puso at loobin sa Diyos at sa Kanyang kalooban. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Mahal na Birhen ang kanyang pahintulot sa Diyos na gawing dalisay, busilak, at malinis ang kaniyang puso. Hindi naging Kalinisan-Linisan ang Puso ng Mahal na Ina gamit ang sariling kapangyarihan. Bagkus, ito ay isang gawa ng Panginoon na kusang-loob na pinahintulutan ng Mahal na Ina. Ito ang natatanging dahilan kung bakit malalim ang ugnayan ng Kalinis-Linisang Puso ng Birheng Maria sa Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno na kanyang minamahal na Anak. 

Itinuturo sa atin ng mga Pagbasa para sa araw na ito kung paano tayo maaaring magkaroon ng isang malinis, dalisay, at busilak na puso katulad ng Puso ng ating Ina, ang Mahal na Birheng Maria. Kahit hindi tayo iniligtas mula sa bahid ng kasalanan bago isilang sa mundong ito, gaya ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, maaari pa rin tayong magkaroon ng isang malinis, dalisay, at busilak na puso gaya niya. Tampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang ginawa ng Mahal na Inang si Maria matapos hanapin ang Batang Panginoong Jesus Nazareno sa Templo. Hindi niya maunawaan nang lubusan ang paliwanag ng Batang Poong Jesus Nazareno tungkol sa Kanyang pag-iwan sa Herusalem matapos ang Pista ng Paskuwa. Subalit, iningatan ni Maria sa kanyang puso ang buong pangyayari, lalo na ang mga salitang binigkas ng Batang Jesus Nazareno. Inihayag niya sa pamamagitan nito ang kanyang pagtanggap sa mga loobin ng Diyos nang buong kababaang-loob, pananalig, at taos-puso. 

Kapag ginawa natin ang isinagawa ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa wakas ng tampok na salaysay sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito, ipinapahayag natin ang ating taos-pusong pagtanggap sa kalooban ng Panginoon. Sa pamamagitan nito, inihahayag natin ang ating taos-pusong naising magkaroon ng isang bagong pusong ginawang dalisay, busilak, at malinis ng Panginoong Diyos. Magiging tapat at taos-puso tayo sa pag-aalay ng papuri, pasasalamat, at pagsamba sa butihing Panginoong Diyos, katulad ng lingkod ng Diyos na itinatampok sa propesiya ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa at ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. Ang mga may pusong nilinis, dinalisay, at binusilak ng Panginoon lamang ang makakapag-alay ng tapat at taos-pusong papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Kanya. 

Habang namumuhay at naglalakbay dito sa mundong ito, ang bawat isa sa atin ay mayroong pagkakataong magkaroon ng isang pusong tunay ngang malinis, dalisay, at busilak katulad ng Puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Pumasok tayo sa isang malalim na ugnayan sa Panginoon. Maging tapat at taos-puso tayo sa ating ugnayan sa Diyos. Isentro natin ang buo nating puso at sarili sa Kanya at sa Kanyang kalooban. Sa pamamagitan nito, inihahayag natin ang ating taos-pusong pagtanggap sa biyaya ng isang bagong pusong nilinis, dinalisay, at binusilak ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento