Biyernes, Hunyo 30, 2023

DAHIL SA KABUTIHAN NG DIYOS

7 Hulyo 2023 
Biyernes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Genesis 23, 1-4. 19; 24, 1-8. 62-67/Salmo 103/Mateo 9, 9-13 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1620) Calling of St Matthew by Bernardo Strozzi (1581–1644), as well as the actual work of art itself from the Worcester Art Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This work is in the public domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 

Ang Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito ng Biyernes na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay tungkol sa Kanyang pagtawag sa isa sa mga naging Kanyang mga apostol na walang iba kundi si Apostol San Mateo. Bagamat ang mga maniningil ng buwis o publikano katulad na lamang ni Apostol San Mateo ay kinamuhian ng maraming mga Israelita noong kapanahunang yaon dahil sa kanilang paningin ay tinalikuran, ipinagkanulo, at ibinenta nila ang bayang Israel kapalit ng salapi mula sa imperyo ng Roma, ipinasiya pa rin ng Panginoong Jesus Nazareno na tawagin at hirangin si Apostol San Mateo upang maging kabilang sa Kanyang mga alagad. Mula sa pagiging isang maniningil ng buwis o publikano, si Apostol San Mateo ay naging isang tapat na apostol ng Poong Jesus Nazareno na naging Kanya ring saksi hanggang sa kanyang kamatayan bilang martir. Dahil sa pagkakataong ibinigay sa kanya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, tunay ngang nagbago ang buhay ni Apostol San Mateo. 

Itinampok ang kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito sapagkat nais ng Simbahan na muling bigyan ng pansin at pagnilayan ang kabutihan ng Diyos. Ang kabutihan ng Diyos ay tunay at totoo. Hindi ito isang kathang-isip, palaisipan, o guni-guni. Oo, tiyak na maraming ulit na nating naririnig mula sa Simbahan na ang kabutihan ng Diyos ay tunay at totoo, subalit, hindi sapat ang mga paalalang ito na lagi nating naririnig mula sa Simbahan upang mailarawan at maunawaan natin bilang mga tao dito sa mundong ito ang misteryo at katotohanang ito. Ito ang katotohanan tungkol sa Diyos. Tunay ngang mabuti ang Panginoon. Ang katotohanang ito ay hindi dapat limutin ninuman kailanman. 

Kabutihan ng Diyos ang dahilan kung bakit naging matagumpay ang paghahanap ng isang asawa para kay Isaac sa Unang Pagbasa. Dahil sa Kanyang kabutihan, isang anghel mula sa langit ang Kanyang isinugo sa pinakamatandang katiwala ni Abraham upang tulungan siya sa paghahanap ng mapapangasawa ni Isaac. Ito rin mismo ang dahilan kung bakit tinawag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno si Apostol San Mateo sa Ebanghelyo. Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "Pasalamat tayo sa D'yos, kabutihan Niya'y lubos" (Salmo 105, 1a). Ito rin ang mensahe at aral na nais iparating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno nang Kanyang sabihin sa wakas ng Ebanghelyo para sa araw na ito ng Biyernes: "Naparito Ako upang hanapin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal" (Mateo 9, 13). Ang dakilang patunay nito ay ang Banal na Krus na Kanyang pinasan at pinagpakuan at ang muli Niyang Pagkabuhay. 

Pinapatunayan ng lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos mula noon hanggang sa kasalukuyan ang Kanyang walang hanggang kabutihan. Dahil sa kabutihan ng Panginoong Diyos, ipinasiya Niyang ipinakita sa atin ang Kanyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa sa atin. Ang pinakadakilang patunay nito ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento