Huwebes, Hunyo 15, 2023

PAGHAHANDA PARA SA LANGIT

23 Hunyo 2023 
Biyernes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
2 Corinto 11, 18. 21b-30/Salmo 33/Mateo 6, 19-23 

Screenshot: QUIAPO CHURCH OFFICIAL - 3PM #OnlineMass - 11 June 2023 - Solemnity of the Body and Blood of Christ (Quiapo Church Facebook Live and YouTube)

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes, araw na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata kay Kristo sa ilalim ng Kanyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay nakasentro sa biyaya ng buhay na walang hanggan sa langit. Sa pamamagitan nito, pinaalalahanan tayo ng Simbahan na hindi sa pamamagitan ng kamatayan magwawakas ang lahat ng bagay para sa atin. Tayong lahat na bumubuo sa Simbahan ay mayroong pagkakataong makapiling ang Poong Jesus Nazareno sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit sa katapusan ng ating buhay dito sa mundong ito kung saan ang lahat ng bagay ay pansamantala lamang. Ito ay dahil lamang sa Banal na Krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo ang mga hirap at pagsubok na kanyang pinagdaanan habang tinutupad niya ang kanyang misyon bilang apostol at misyonero. Katunayan, sa wakas ng kanyang pangaral sa Unang Pagbasa, buong lakas at linaw na ipinagmalaki ni Apostol San Pablo ang kanyang mga kahinaan (2 Corinto 11, 30). Bagamat si Apostol San Pablo ay hinirang at inatasan ng Panginoon upang maging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita, hindi ito nangangahulugang nawala nang tuluyan ang kanyang mga kahinaan. Ang mga kahinaan ni Apostol San Pablo bilang tao ay nanatili pa rin. Subalit, sa kabila ng katotohanang ito, ipinasiya pa rin niyang maging tapat at masunurin sa Diyos. Mahirap pero nagawa pa rin niya ito. Dahil sa pasiyang ito, itinatampok at pinararangalan siya ng Simbahan sapagkat ang walang hanggang biyaya ng Panginoon ay kanyang natamasa sa Kanyang piling sa langit, katulad ng iba pang mga kasama niyang mga banal na tao roon. 

Nakasentro sa nasabing tema ang naging pangaral ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga apostol sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Bagamat binigkas ito ng Panginoong Jesus Nazareno ang mga salitang ito sa mga unang bahagi ng Kanyang ministeryo, ayon sa salaysay sa Ebanghelyo ni San Mateo, hindi Siya nag-aksaya ng panahon upang ilarawan sa Kanyang mga apostol ang katotohanan ng pagiging Kanyang mga tagasunod na magiging Kanya ring mga saksi sa lahat ng mga tao sa mundong ito pagdating ng panahon. Uusigin sila dahil sa kanilang ugnayan sa Panginoon. Subalit, hindi layunin ni Jesus Nazareno na panghinaan ang kanilang mga loob. Binigkas ni Jesus Nazareno ang mga salitang ito sa mga apostol upang palakasin ang mga puso't loobin nila. Sa gayon, handa na sila sa lahat ng uri ng pag-uusig. Kapag ang mga pag-uusig nila ay tiniis nila nang buong katapatan at pag-asa sa Panginoon hanggang sa wakas ng kanilang buhay at misyon sa lupa, matatamasa nila ang walang hanggang biyaya ng Panginoon sa Kanyang kaharian sa langit. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito, tutulungan ng Diyos ang lahat ng mga matuwid at banal (Salmo 33, 18b). Ang mga matuwid at banal ay nanatiling tapat sa Diyos hanggang sa huli. Sa kabila ng mga hirap at pagsubok sa buhay, at sa kabila rin ng kanilang mga kahinaan bilang tao, pipiliin pa rin nilang maging tapat sa Panginoon sa pamamagitan ng pamumuhay nang matuwid at banal. Tatahakin nila ang landas ng kabanalan, gaano man ito kahirap. Nalulugod ngang tunay ang Diyos sa kanilang pasiyang maging tapat sa Kanya na inihahayag ng kanilang pagiging mga banal at matuwid. Labis na ikinalulugod ng Panginoong Diyos ang kanilang kusang-loob at taos-pusong pagsisikap na maging banal at matuwid. 

Ipinapaalala sa atin na hindi matatagpuan dito sa mundong ito ang buhay na walang hanggan. Kapag ipinagpilitan nating hanapin ang buhay na walang hanggan dito sa mundong ito, inaaksaya lamang natin ang panahon. Ang buhay sa mundong ito ay pansamantala lamang. Matatagpuan at masusumpungan lamang natin sa piling ng Diyos sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit ang biyayang ito. Habang ang bawat isa sa atin nabubuhay at naglalakbay nang pansamantala dito sa mundong ito, lagi tayong binibiyayaan ng pagkakataong matamasa ang biyayang ito na mula sa Kanya. Sa pamamagitan lamang ng pagsusumikap na maging banal at matuwid nang taos-puso araw-araw, sa kabila ng ating mga kahinaan, ipagkakaloob ng Panginoon sa atin ang biyayang ito sa wakas ng ating buhay sa mundo. 

Habang namumuhay at naglalakbay pa tayo sa mundong ito, lagi tayong binibigyan ng pagkakataong matamasa ang walang hanggang biyaya ng Panginoong Diyos sa langit. Gamitin natin nang mabuti ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin upang maging banal at matuwid. Kapag lagi nating paghahandaan ang buhay sa piling ng Poong Jesus Nazareno sa langit sa pamamagitan ng palagiang pagsusumikap maging banal at matuwid nang taos-puso at tapat sa kabila ng ating mga kahinaan bilang tao, matatamasa natin ang walang hanggang buhay at biyayang kaloob Niya sa atin sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento