Huwebes, Hunyo 1, 2023

ANG ANYO NG TUNAY NATING SINASAMBA

11 Hunyo 2023 
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-Banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (A) 
Deuteronomio 8, 2-3. 14b-16a/Salmo 147/1 Corinto 10, 16-17/Juan 6, 51-58 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1750) Allegory of the Holy Eucharist by Miguel Cabrera, as well as the actual work of art itself from Colección Blaisten in Mexico, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 70 years or fewer due to its age. The said faithful photographic reproduction and work of art is in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 

Tayong mga Katoliko ay madalas na binabatikos ng mga taga-ibang sekta. Isa sa mga dahilan kung bakit madalas tayong binabatikos ng mga taga-ibang sekta ay ang ating paggamit natin sa mga imahen. Sa kanilang pananaw, ang mga imaheng ito, katulad na lamang ng imahen ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ay itinuturing nating mga Katoliko bilang mga diyos-diyosan at sinasamba. Para sa kanila, tayong mga Katoliko ay sumasamba raw sa mga imahen at mga diyos-diyosan. 

Bilang mga Katoliko, hindi natin sinasamba ang mga imahen. Ang mga imaheng ito ay atin lamang pinararangalan at binibigyan ng galang at halaga sapagkat ang mga ito ay mga sagisag lamang ng Panginoon at maging ng mga banal na tao na marapat lamang nating tingalain at tularan bilang mga huwaran ng kabanalan gaya na lamang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ni San Jose, ni San Juan Bautista, at maging ang mga kababayan nating sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod. 

Iisa lamang ang ating sinasamba. Ang tunay na Diyos lamang ang tanging sinasamba natin bilang mga Katolikong bumubuo sa tunay na Simbahang tatag mismo ni Kristo. Siya lamang at wala nang iba. Noong nakaraang Linggo, itinatampok at binigyan ng pansin ang tunay na pagkakilanlan ng tunay na Diyos na ating sinasamba bilang mga Katoliko. Ang tunay na Diyos na ating sinasamba bilang Simbahan ay iisa lamang, at mayrong Tatlong Personang bumubuo sa iisang Diyos na ito na walang iba kundi ang Ama, ang Anak na si Kristo, at ang Espiritu Santo. Sa Linggong ito, itinututok tayo ng tunay na Simbahan sa anyo ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo, ang Poong Jesus Nazareno. Mapalad tayo sapagkat lagi natin Siyang nakakasama araw-araw sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, dumarating sa ating piling si Jesus Nazareno upang ipagkaloob sa atin nang kusang-loob ang Kanyang Katawan at Dugo bilang tunay na pagkain at inumin.  

Dahil napakaespesyal ng pagdiriwang na ito, sa pagdiriwang ng Banal na Misa para sa Linggong ito, mayroong Awit Tungkol sa Mabuting Balita o Sequencia. Ang awit na ito, katulad ng iba pang mga Pagbasa para sa Linggong ito, ay nakasentro sa tunay na presensya ng Panginoong Jesus Nazareno sa Banal na Eukaristiya. Hindi ito isang larawan, sagisag, o paalala lamang ni Kristo. Bagkus, ang tinapay at alak sa Banal na Misa ay si Kristo mismo. Tunay ngang nasa piling natin sa tuwing ipinagdiriwang ang pinakamataas na uri ng panalangin na walang iba kundi ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Sa Unang Pagbasa, nakasentro sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos para sa bayang Israel ang pangaral ni Moises sa mga tao. Inihayag ni Moises na nararapat lamang alalahanin kung paanong ipinamalas ng Panginoong Diyos ang Kanyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa sa kanila sa pamamagitan ng pagpapalaya sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto at pagpaulan ng manna mula sa langit sa isa sa mga yugto ng kanilang paglalakbay sa ilang patungo sa lupang ipinangako. Sa Salmo, ang tampok na mang-aawit ay nag-aanyaya sa lahat na magpuri at sumamba sa Panginoong Diyos sapagkat tunay nga Siyang mabuti, mapagmahal, mahabagin, at nagmamagandang-loob (Salmo 147, 12a). Sa tunay na presensya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa anyo ng tinapay at alak sa Misa nakasentro at nakatutok ang detalyadong pangaral ni Apostol San Pablo sa lahat ng mga sinaunang Kristiyano sa Corinto na para rin sa ating lahat sa kasalukuyang panahon sa Ikalawang Pagbasa. Sa Ebanghelyo, buong lakas na ipinakilala ni Jesus Nazareno ang Kanyang sarili bilang tunay na espirituwal na pagkain at inumin. 

Mapalad tayong mga Katolikong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan dahil laging dumarating sa ating piling ang tunay na Diyos na si Jesus Nazareno. Dahil sa Kanyang walang hanggang kabutihan, pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ang Mahal na Poon ay laging dumarating sa ating piling sa anyo ng tinapay at alak sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa upang kusang-loob na ipagkaloob sa atin ang tunay na pagkain at inuming pang-espirituwal na walang iba kundi ang Katawan at Dugo Niyang Kabanal-banalan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento