2 Hulyo 2023
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
2 Hari 4, 8-11. 14-16a/Salmo 88/Roma 6, 3-4. 8-11/Mateo 10, 37-42
Screenshot: #QuiapoChurch 12:15 PM #OnlineMass • 24 June 2023 Solemnity of the Nativity of #SaintJohnTheBaptist (Quiapo Church Facebook Live and YouTube)
"Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin" (Salmo 88, 2a). Nakasentro sa mga salitang ito sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ang mga Pagbasa para sa liturhikal na pagdiriwang sa Linggong ito. Subalit, isang kakaibang uri ng pagsambit at pagpapatotoo tungkol sa walang hanggang pag-ibig ng Panginoong Diyos ang nais bigyan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa Linggong ito. Ang mga Pagbasa para sa Banal na Misa sa Linggong ito ay makakatulong sa pagninilay tungkol sa nasabing uri ng pagpapatotoo tungkol sa pag-ibig ng Diyos na walang hanggan.
Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol na hindi maaaring maging Kanyang tagasunod yaong mga hindi umiibig sa Kanya nang higit sa kanilang mga magulang at mga anak, hindi nagpapasan ng mga sariling krus at sumusunod sa Kanya, at ang mga naniniwalang mas mahalaga ang buhay sa mundong ito kahit na pansamantala lamang ito. Isinalungguhit ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng mga salitang ito ang kahalagahan ng paglimot at pagtalikod sa sarili. Para sa Panginoong Jesus Nazareno, ito ang unang hakbang na kailangang tahakin ng mga naghahangad na maging Kanyang mga tagasunod. Hindi Niya sinasabing walang saysay ang buhay sa mundong ito at mga pamilya. Bagkus, sinasabi Niya na hindi sa mga bagay sa mundong ito na pansamantala lamang at mawawala rin na parang bula lamang pagdating ng takdang panahon nakatuon ang pansin ng mga nagnanais maging Kanyang mga tagasunod at lingkod kundi sa mga bagay na nauukol sa langit. Matatamasa lamang natin ito kung handa tayong isuko at ihahandog ang ating buong sarili sa Panginoon.
Nakasentro sa puntong isinalungguhit ni Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno, sa unang bahagi ng Ebanghelyo para sa Linggong ito ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Inilarawan ni Apostol San Pablo sa pangaral niyang ito kung bakit ang unang hakbang ng pagiging tagasunod at lingkod ng Nazarenong si Kristo Hesus na ating Panginoon at Manunubos ay ang paglimot sa sarili. Kapag ang mga bagay na nauukol sa ating mga sarili ay ating tinalikuran at nilimot, tinatanggap natin ang tunay nating pagkakilanlan at misyon na inilaan mismo ng Poong Jesus Nazareno para sa atin noon pa man. Hindi tayo para sa mundong ito kundi tayong lahat ay para kay Kristo, ang minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno, na nagligtas sa ating lahat sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay.
Kapag tinanggap natin ang bago nating pagkakilanlan at misyon bilang mga tapat na tagasunod at lingkod ng Panginoong Hesukristo, ang Nazareno, tayo'y magiging mga daluyan ng Kanyang biyaya, pag-ibig, kagandahang-loob, habag at awa sa lahat, gaya ni Propeta Eliseo sa Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, tinanggap ng isang mag-asawa si Propeta Eliseo. Dahil sa kanilang pagtanggap kay Propeta Eliseo, biniyayaan sila ng Diyos. Katunayan, inihayag mismo ni Propeta Eliseo sa wakas ng salaysay sa Unang Pagbasa ang biyayang ipagkakaloob ng Panginoong Diyos sa mag-asawang ito - magkakaroon sila ng anak (2 Hari 4, 16a). Ang puntong ito ay isinalungguhit ni Jesus Nazareno sa ikalawa't huling bahagi ng Ebanghelyo. Bilang mga tagasunod at lingkod ng Panginoon, magiging daluyan tayo ng Kanyang biyaya, habag, at awa. Sa pamamagitan nito, ipinapalaganap natin ang biyaya, habag, at awa ng Diyos. Dapat muna nating tanggapin ang tunay na pagkakilanlan at misyong bigay ng Diyos sa atin bago maisakatuparan ang Kanyang kaloobang ito para sa atin.
Ang paglimot at pagtalikod sa sarili ay isa ngang kakaibang pamamaraan o uri ng pagpapatotoo tungkol sa walang hanggang biyaya, pag-ibig, habag, at awa ng Diyos. Subalit, ito ang dapat nating gawin upang makapagpatotoo tayo tungkol sa walang hanggang biyaya, pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Panginoon. Kapag ipinasiya nating talikuran at limutin ang ating mga sarili, tinatanggap natin nang buong puso ang bagong pagkakilanlan at misyong inilaan para sa atin ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, tayo ay nagiging Kanyang mga salamin at mga daluyan ng Kanyang dakilang pagmamahal, kagandahang-loob, awa, habag, at biyayang walang hanggan.
Upang maging taos-puso at bukal sa ating kalooban ang ating pagpapatotoo tungkol sa walang hanggang pag-ibig, awa, habag, kagandahang-loob, at biyaya ng Diyos, kailangan nating talikdan at limutin ang ating mga sarili, lalung-lalo na ang ating mga makasalanang gawain at pamumuhay. Kapag ito ang ating ginawa, magiging mga daluyan ng Kanyang walang hanggang pag-ibig, kagandahang-loob, awa, habag, at biyaya ng Diyos ang bawat isa sa atin. Ito ang uri ng pagpapatotoong nais makita ng Panginoong Diyos mula sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento