30 Hunyo 2023
Biyernes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Paggunita sa Mga Unang Martir ng Banal na Sambayanan ng Diyos sa Roma
Genesis 17, 1. 9-10. 15-22/Salmo 127/Mateo 8, 1-4
Screenshot: #QuiapoChurch OFFICIAL 10AM #OnlineMass • 23 June 2023 • Friday of the 11th Week in Ordinary Time (Quiapo Church Facebook Live and YouTube)
"Ibig Ko, gumaling ka" (Mateo 8, 3). Ang mga salitang ito ay binigkas ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, sa ketonging buong kababaang-loob na lumapit sa Kanya upang manikluhod sa Kanya na pagalingin siya sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Napakalinaw kung ano ang nais iparating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, hindi lamang sa ketonging Kaniyang pinagaling sa Banal na Ebanghelyo, kundi pati na rin sa lahat ng mga taong nakakasaksi sa nasabing himala at maging sa maraming makikinig ng salaysay na ito mula sa Simbahan. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay puspos ng habag at awa para sa lahat.
Habag at awa ang pumukaw sa Poong Jesus Nazareno na pagalingin ang ketonging lumapit at nanikluhod sa Kaniya nang buong kababaang-loob at pananalig sa Banal na Ebanghelyo. Sa halip na pagkaitan ng habag at awa ang nasabing ketongin upang mabilis Niyang mailayo ang Kanyang sarili, ipinasiya Niya itong ipakita. Hindi umiwas o tumakbo ang Poong Jesus Nazareno mula sa ketonging ito. Bagkus, ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na ipagkaloob sa ketonging ito ang Kanyang biyaya, habag, at kagandahang-loob na nagdudulot ng kagalingan. Kahit iniwasan ng marami noong panahong yaon ang ketonging ito at ang iba pang mga ketonging katulad niya, hindi inilayo ng Poong Jesus Nazareno ang Kanyang sarili mula sa ketongin at pati rin mula sa mga kapwa niyang ketongin.
Ang habag at awa ng Diyos ay hindi isang panibagong konsepto. Hindi ito ipinakilala sa lahat sa kauna-unahang pagkakataon sa pamamagitan ni Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno. Noon pa man, naipahayag na ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at mga kahanga-hangang gawa ang Kanyang habag at awa. Maraming ulit itong ginawa ng Diyos. Isa lamang sa napakaraming mga pagkakataong ipinasiya ng Diyos na ipakita ang Kanyang habag at awa sa lahat ng tao ay sa mismong salaysay ng kaganapang inilahad at itinampok sa Unang Pagbasa. Ipinasiya ng Panginoon na gumawa ng tipan sa pagitan Niya at ni Abram na mas kilala ngayon ng nakakarami bilang si Abraham sa Unang Pagbasa dahil sa Kanyang habag at awa.
Subalit, sa lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos para sa sangkatauhan, walang makahihigit o maakapantay sa Kanyang pinakadakilang gawa na walang iba kundi ang pagligtas sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Gaya ng inilalarawan ng bawat imahen o larawan ni Kristo sa ilalim ng Kaniyang titulo na itinatampok at pinagninilayan tuwing sasapit ang araw ng Biyernes, ang titulong Poong Jesus Nazareno, habag at awa ang pumukaw at umudyok sa Diyos na iligtas tayong lahat mula sa kasalanan at kamatayan. Ito ang dahilan kung bakit buong puso ang naging pasiya ng Poong Senor na si Jesus Nazareno na harapin ang Kaniyang Misteryo Paskwal na sinasagisag ng Banal na Krus na Kanyang pinasan. Ipinasiya itong gawin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno para sa atin dahil sa Kanyang walang hangang habag at awa para sa atin.
Bilang mga deboto at mananampalataya, ano ang dapat nating gawin? Tularan ang halimbawang ipinakita ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sundin ang kalooban ng Diyos. Ibahagi sa kapwa ang habag at awa ng Diyos. Maging mga tagapagpalaganap at mga daluyan ng habag at awa ng Panginoong Diyos. Huwag natin itong ipagkait o ipagdamot sa kapwa. Tandaan, hindi ipinagkait o ipinagdamot sa atin ng Poong Jesus Nazareno ang Kanyang habag at awa sa atin. Kaya naman, walang karapatan ang sinuman sa atin na ipagkait sa ating kapwa ang habag at awa ng Mahal na Poon. Sa halip na ipagkait ang habag at awa ng Poon, dapat natin itong ipalaganap at ibahagi dahil ito ay para sa lahat.
Dahil sa Kanyang habag at awa, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay patuloy na gumagawa ng maraming mga kahanga-hangang bagay para sa ating ikabubuti. Sa pamamagitan nito, pinapatunayan ng Poong Jesus Nazareno na walang maliw ang Kanyang habag at awa para sa atin. Hindi Niya tayo sinusukuan habang tayong lahat ay patuloy na namumuhay at naglalakbay dito sa mundo. Para sa lahat ang Kanyang habag at awa. Bilang mga deboto at mananampalataya, dapat nating ipalaganap at ibahagi ang habag at awa ng Panginoong Jesus Nazareno sa kapwa, lalung-lalo na sa mga kapus-palad.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento