16 Hunyo 2023
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno (A)
Deuteronomio 7, 6-11/Salmo 102/1 Juan 4, 7-16/Mateo 11, 25-30
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1767) Sacro cuore di Jesù (English: Sacred Heart of Jesus) by Pompeo Batoni (1708–1787), as well as the actual work of art itself in the northern side of the Chapel of Il Gesù in Rome, Italy, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay nakasentro sa misteryo ng awa, pag-ibig, kagandahang-loob, at habag ng Panginoong Diyos. Sa Unang Pagbasa, malakas na inihayag ni Moises sa mga Israelita na pinili at hinirang sila ng Diyos upang maging Kanyang bayan dahil tunay Niya silang iniibig. Dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na piliin at hirangin ang Israel upang maging Kanyang bayan na Siya ring dahilan kung bakit ipinasiya Niyang magbitiw ng pangako sa kanilang mga ninuno (Deuteronomio 7, 8). Nakasentro rin sa pag-ibig ng Diyos na walang hanggan ang awit ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. Bukod-tangi ang pag-ibig ng Diyos sapagkat ito ay walang hanggan at walang maliw, katulad ng inilarawan sa Salmong Tugunan (Salmo 102, 17). Sa Ikalawang Pagbasa, isinentro rin ni Apostol San Juan ang kanyang pangaral sa pag-ibig ng Panginoong Diyos. Mula sa simula hanggang sa wakas ng pangaral na ito, si Apostol San Juan ay hindi tumigil sa pagpapaalala sa lahat tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Sa Ebanghelyo, nakasentro sa pag-ibig ng Diyos ang mga salitang binigkas ng Poong Nazareno. Ang tanging dahilan kung bakit niloob ng Panginoong Diyos na ihayag sa mga mababang-loob at mga aba ang Kanyang kalooban at kung bakit inaanyayahan Niya ang lahat ng mga napapagal at nabibigatan sa kanilang mga pasanin sa buhay na lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na nagkatawang-tao na Diyos rin katulad Niya na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Iyan ang pag-ibig ng Diyos na tunay ngang walang maliw at dakila.
Ito ang nais ipaalala ng Kamahal-Mahalang Puso ng Poong Jesus Nazareno. Tunay ngang mahabagin at mapagmahal ang Diyos. Hindi isang kathang-isip, guni-guni, o kaya konsepto ang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos. Bagkus, ito ay tunay at totoo. Walang hanggan at dakila ngang tunay ang kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa ng Diyos na Kaniyang inihayag sa atin sa pamamagitan ng Mahal na Puso ng Panginoong Jesus Nazareno.
Kaya naman, sa maraming mga larawan ng Mahal na Puso ni Hesus, tila itinuturo sa atin ni Kristo ang Kanyang Pusong nakalantad. Mayroon pa ngang mga larawan o imahen kung saan hinahawak pa nga ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang Mahal na Puso. Tila ipinapaalala sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na patuloy pa ring umaalab ang apoy sa Kanyang Puso dahil sa Kanyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin. Ito ang dahilan kung bakit Niya ipinasiyang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay, ang Misteryo Paskwal. Hanggang ngayon, hindi pa rin Siya tumitigil na mahalin, kalingain, kaawaan, at kahabagan tayo, bagamat hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito dahil sa dami ng ating mga kasalanan. Kahit masugatan nang paulit-ulit ang Kanyang Kamahal-Mahalang Puso dahil sa ating mga kasalanan, patuloy pa rin Niya tayong minamahal at kahahabagan. Habang patuloy tayong namumuhay sa daigdig na ito, patuloy Niya tayong pinagkakalooban ng maraming mga pagkakataon upang maging banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Tayong lahat ay hinding-hindi Niya susukuan sa kabila ng ating mga kasalanan.
Tunay ngang dakila ang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos. Ito ang mensahe at paalala ng Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ng Poong Jesus Nazareno sa ating lahat. Habang patuloy tayong namumuhay at naglalakbay dito sa mundong ito, hindi Niya tayo susukuan at mawawalan ng pag-asa para sa atin. Patuloy Niya tayong bibigyan ng pagkakataon upang maging banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Ito ang natatanging dahilan kung bakit mayroong Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Ang walang maliw at dakilang pag-ibig, awa, habag, kagandahang-loob, at kabutihan ng Diyos na inilalarawan sa ating lahat ng Kabanal-Banalan at Kamahal-Mahalang Puso ng Panginoong Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento