Biyernes, Hunyo 23, 2023

MAHAL MO BA SI JESUS NAZARENO?

28 Hunyo 2023 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 18/Galacia 1, 11-20/Juan 21, 15-19 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1616) Christ's Charge to Peter by Peter Paul Rubens (1577–1640), as well as the actual work of art itself from The Wallace Collection in London, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States of America, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.

Binigkas ng yumaong dating Santo Papa na si Papa Benito XVI ang mga salitang ito sa mga huling sandali ng kanyang buhay sa mundong ito: "Hesus, iniibig Kita." Pag-ibig na tunay ngang dalisay at tapat para kay Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno, ay ang ipinasiyang ipahayag ni Papa Benito XVI gamit ang kanyang natitirang lakas at hininga sa mga nalalabing sandali ng kanyang buhay at paglalakbay sa mundong ito na pansamantala lamang. Bago magwakas ang kanyang buhay at paglalakbay dito sa mundong ito, hindi nag-atubili si Papa Benito XVI na ipahayag ang kanyang tapat na pag-ibig, pagsamba, at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Nakatuon sa tema ng tapat at dalisay na pag-ibig para kay Kristo ang mga Pagbasa para sa Bisperas ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo. Pag-ibig para sa Simbahan ay ang dahilan kung bakit inatasan ng Poong Jesus Nazareno si Apostol San Pedro upang maging unang Santo Papa nito at si Apostol San Pablo upang maging Kanyang apostol at misyonero sa mga Hentil. Ang kanilang tugon sa ginawang paghirang sa kanila ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay katulad rin ng tugon ng iba pang mga apostol at banal - pagsunod sa Kanyang kalooban. Kusang-loob at buong kababaang-loob nilang tinupad ang misyon at tungkuling ibinigay sa kanila ni Jesus Nazareno upang maipahayag nila sa pamamagitan nito ang tapat at dalisay nilang pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Kanya. 

Tampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang tatlong ulit na pagpapahayag ng pag-ibig ni Apostol San Pedro sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Bukod sa tatlong ulit na pagtatanong ng Panginoong Jesus Nazareno kay Apostol San Pedro at ang tatlong ulit na pagpapahayag ng pag-ibig ni Apostol San Pedro, tatlong ulit ring inutusan ni Jesus Nazareno si Apostol San Pedro na pakainin ang Kanyang kawan sa mundo na walang iba kundi ang Simbahan. Sa Unang Pagbasa, tinupad ni Apostol San Pedro ang utos at habiling ito ng Poong Jesus Nazareno. Naging isang daluyan ng pag-ibig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng paghatid niya ng mabuting biyayang ito sa isang lalaking isinilang na lumpo. Ang makapangyarihang pag-ibig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na nagdudulot ng kagalingan ay kanyang inihatid sa lalaking ito na isinilang na lumpo. Tunay ngang nahihigit ang biyayang ito kaysa sa ginto, pilak, o anumang pilak at kayamanan sa mundo. Ito rin ang ginawa ni Apostol San Pablo na kanyang inilarawan sa Ikalawang Pagbasa. Bagamat marami siyang mga inusig na Kristiyano noong una, hinirang siya ng Poong Jesus Nazareno upang ipangaral sa mga Hentil ang Mabuting Balita. Sa pamamagitan nito, ipinalaganap ni Apostol San Pablo ang biyaya ng pag-ibig at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos na nagdudulot ng kaligtasan at bagong buhay. Iyon ang kaniyang tugon sa ginawang pagpapakita ng Diyos ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. 

Iniibig ba natin si Jesus Nazareno? Sundin natin ang Kanyang kalooban. Maaaring mayroong mga pagkakaiba sa mga spesipikong pamamaraan, subalit ang Kaniyang kalooban para sa atin ay iisa lamang. Ang Kaniyang kalooban para sa atin ay ihatid sa tanan ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Kung paanong hindi ipinagkait sa atin ng Panginoong Jesus Nazareno ang biyayang ito, gayon din naman, huwag rin nating ipagkait o ipagdamot ito sa iba. Bagkus, dapat natin itong ipalaganap. Tayong lahat ay dapat maging mga daluyan ng awa, pag-ibig, at kagandahang-loob ng Poong Jesus Nazareno para sa ating kapwa. 

Kung magiging daluyan tayo ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ipinapahayag natin ang ating tapat at dalisay na pag-ibig para sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento