Biyernes, Hunyo 16, 2023

HINIRANG BAGO PA ISILANG

23 Hunyo 2023 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
[Pagmimisa sa Bisperas]
Jeremias 1, 4-10/Salmo 70/1 Pedro 1, 8-12/Lucas 1, 5-17 

Tiyak na hanggang sa kasalukuyang panahon, kapag tinanong ang ilan o kaya naman sa nakakaraming mga Pilipinong Katoliko kung sino nga ba ang Pintakasi o Patron ng napakasikat na Simbahan ng Quiapo, mayroong mga sasagot na ang Panginoon sa ilalim ng Kanyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno ay ang Patron ng nasabing Basilika Menor at Arkidiyosesanong Dambana. Hanggang sa kasalukuyan, tiyak na mayroon pa ring mga sasagot noon. Lingid sa kaalaman ng nakakarami na hindi ang Poong Jesus Nazareno ang Patron ng Simbahan. Bagkus, ang Patron o Pintakasi nito ay walang iba kundi si San Juan Bautista na tagapaghanda ng Kaniyang daraanan at kamag-anak. Kaya nga, ang nasabing Simbahan ay kilala rin bilang "Parokya ni San Juan Bautista." Ang Titular na Patron ay si San Juan Bautista. 

Subalit, alam naman nating pinupuntahan at dinarayo ng maraming mga deboto at mananampalataya ang Simbahan ng Quiapo para mamintuho kay Kristo sa ilalim ng Kanyang titulong Poong Jesus Nazareno. Tiyak na itinutuon nila ang kanilang mga pansin at pinagninilayan ang larawan ng Panginoong itim ang kulay ng balat na labis ngang nahihirapan sa pagpasan sa Banal na Krus patungo sa bundok ng Kalbaryo na tinatawag ring Golgota. Kinakausap at idinudulog nila kay Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno, na buong kababaang-loob at kusang-loob na nagpakasakit at nag-alay ng buhay sa Krus alang-alang sa sangkatauhan, ang kanilang mga panalangin. Hindi nila sinasamba ang imahen ng Poong Jesus Nazareno. Bagkus, ang imahen o larawang ito ni Kristo Hesus ay kanilang pinaparangalan at ginagamit sa pagninilay upang ipaalala sa kanila kung sino ang kausap nila sa tuwing mananalangin sila. 

Ang Titular na Patron o Pintakasi ng Simbahan ng Quiapo ay si San Juan Bautista na kamag-anak ng Panginoong Hesukristo na kilala rin natin sa Kanyang titulo bilang Poong Jesus Nazareno at tagapaghanda ng Kanyang daraanan. Subalit, ang tanging dahilan kung bakit nagsisitungo sa Simbahan ng Quiapo ang lahat ng mga deboto at mga mananampalatayang Katoliko ay walang iba kundi ang Panginoon sa ilalim ng titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno na inilalarawan ng pagpasan Niya ng Banal na Krus. Mas iniuugnay pa nga ng maraming mananampalataya ang makasaysayang Simbahan ng Quiapo sa Nazarenong nagpakasakit kaysa sa Titular na Patron nito na walang iba kundi si San Juan Bautista. 

Ikatatampo ba ni San Juan Bautista na sinasadya ng maraming mananamapalataya ang kanyang kamag-anak na si Jesus Nazareno sa Simbahang siya mismo ang Titular na Patron? Malulungkot nga ba si San Juan Bautista sa katotohanang hindi alam ng marami na siya mismo ang Titular na Patron ng Simbahan ng Quiapo? Hindi. Kung tutuusin, ikatutuwa pa nga ni San Juan Bautista na dinarayo ng maraming mga deboto at mananampalataya ang maraming Simbahan, lalo na ang mga Simbahan kung saan siya mismo ang Titular na Patron katulad na lamang ng makasaysayang Simbahan ng Quiapo, upang manalangin sa Panginoon at Haring si Kristo na kilala rin bilang Poong Jesus Nazareno. Ipinahiwatig ito ng mga salitang binigkas mismo ni San Juan Bautista sa wakas ng kanyang misyon at tungkulin bilang tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan na si Jesus Nazareno: "Kinakailangang Siya ay maging dakila at ako nama'y mababa" (Juan 3, 30). 

Nakasentro sa mga konsepto ng misyon at pananagutan ang mga Pagbasa para sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa Bisperas ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista. Sa Unang Pagbasa, malakas na inihayag ng Panginoong Diyos sa binatang Kanyang hinirang at inatasan upang maging Kanyang propeta na si Propeta Jeremias ang pagkahirang Niya sa nasabing binata. Malakas na inihayag ng banal at mahabaging Panginoong Diyos kay Propeta Jeremias na hinirang na siya bago pa siya isilang sa mundo. Ito rin ang paksang nais pagtuunan ng pansin ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. Ang Panginoong Diyos lamang ang tanging maaasahan ng lahat, lalung-lalo na ng Kanyang mga lingkod. Siya mismong humihirang at umaatas sa Kanyang mga lingkod na hinirang bago pa man sila isilang dito sa mundong ito ay tunay ngang maaasahan sa lahat ng oras at sandali. Ipinasiya rin ni Apostol San Pedro na hinirang at inatasan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang maging unang Santo Papa ng Simbahan na isentro ang kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa sa paksang ito. Ang misyon ng mga propeta sa Matandang Tipan at ang misyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan ay ipinasiya niyang pagtuunan ng pansin. Bago pa man isilang sa mundong ito ang mga propeta, hinirang at inatasan na sila ng Diyos para sa nasabing gampanin. Maging ang misyon at tungkulin ng Panginoong Jesus Nazareno ay nahayag bago Siya ipanganak sa mundo ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Sa Ebanghelyo, isinalaysay kung paanong ibinalita kay Zacarias ng isang anghel mula sa langit na walang iba kundi ang Arkanghel na si San Gabriel ang mabuting balita ng katuparan ng kanilang mga panalangin sa Diyos na biyayaan sila ng isang anak sa pamamagitan ng sanggol na si San Juan Bautista. Inihayag rin sa sandaling iyon ang magiging misyon ni San Juan Bautista. Ang misyong ito na kaloob ng Panginoon ay tutuparin ni San Juan Bautista pagdating ng takdang panahon. 

Kaya naman, hindi magtatampo si San Juan Bautista kung sakali mang nakalimutan ng nakakarami na siya mismo ang Titular na Patron ng mga masisikat na Simbahan gaya na lamang ng makasaysayang Simbahan ng Quiapo. Hindi siya malulungkot, manlulumo, at magtatampo dahil mas iniuugnay ng nakakaraming mga deboto ang Simbahan ng Quiapo sa kamag-anak niyang si Jesus Nazareno na buong kababaang-loob at kusang-loob na naghain ng Kanyang buhay para sa ating kaligtasan, gaya ng inilalarawan ng Kanyang banal na imahen na nakadambana sa nasabing Simbahan. Bagkus, matutuwa pa nga si San Juan Bautista na nagtutungo ang maraming mga deboto at mananampalataya sa isang Simbahang siya ang Titular na Patron sapagkat hindi naman niya misyon ang agawan ng papel si Kristo. Ang kanyang pananagutan at tungkulin ay inihayag bago isilang sa mundo. Hinirang ng Panginoong Diyos si San Juan Bautista bago isilang upang ihanda ang daraanan ng Poong Jesus Nazareno na tunay ngang dumating sa mundo upang iligtas ang sangkatauhan dahil sa pag-ibig. Wala nang iba pang hinangad si Juan Bautista kundi tuparin ito hanggang sa huli. 

Gaya ni San Juan Bautista, mayroon tayong misyon mula sa Diyos. Tayong lahat ay hinirang at inatasan ng Diyos para sa isang napakahalagang misyon at gampananin bago pa man tayo isilang sa mundong ito. Sa pamamagitan ng pagtupad sa misyon at gampananing ito na inilaan ng Panginoong Diyos para sa atin bago isilang dito sa mundo, lalo natin Siyang binibigyan at hinahandugan ng higit na papuri, pasasalamat, pagsamba, parangal, at luwalhati. 

Hinirang at inatasan ng Diyos para sa isang napakahalagang misyon at gampanin bago tayo isilang sa mundong ito. Ang Diyos ay naglaan ng misyon at gampanin para sa atin bago pa tayo isilang sa mundong ito hindi upang maging dahilan ng ating pagmamataas at pagmamayabang. Bagkus, hinirang at inatasan tayo ng Panginoong Diyos para sa nasabing misyon at gampanin upang lalo natin mabigyan ng higit na luwalhati ang Kanyang Kabanal-Banalang Ngalan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento