13 Hunyo 2023
Paggunita kay San Antonio de Padua, pari at pantas ng Simbahan
Martes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
2 Corinto 1, 18-22/Salmo 118/Mateo 5, 13-16
This faithful photographic reproduction of the painting (c. first half of the 17th century) St Anthony of Padua with Christ Child by Antonio de Pereda (1611–1678) [detail], as well as the actual painting itself from Museum of Fine Arts, Budapest through the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and other areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan upang gunitain ang buhay at ang kabanalan ng pari at pantas ng Simbahang si San Antonio de Padua. Bagamat kinikilala siya ng Simbahan bilang pintakasi ng mga nawawalang bagay, hindi lamang sa katangian at katotohanang ito kinikilala at pinararangalan ng Simbahan si San Antonio de Padua. Tiyak na lingid sa isipan ng maraming mga Katoliko, lalung-lalo na sa kasalukuyang panahon, ang pagiging dalubhasa sa Banal na Kasulatan ng Santong ginugunita sa espesyal na araw na ito na walang iba kundi si San Antonio de Padua. Ito ang dahilan kung bakit si San Antonio de Padua ay kinikilala at pinararangalan rin ng Simbahan bilang isa sa mga pantas ng Simbahan.
Subalit, ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay hindi tungkol sa pagkakaroon ng angking katalinuhan at husay na isang biyaya mula sa Panginoong Diyos. Oo, isang biyaya mula sa Diyos ang katalinuhan at husay ni San Antonio de Padua sa pag-unawa at pagpapaliwanag ng Banal na Kasulatan sa mga tao, subalit hindi ito naging dahilan para kay San Antonio de Padua na magmataas o maging mayabang. Kahit ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon ang talino at husay na unawain at ipaliwanag sa mga tao noon ang Banal na Kasulatan, hindi siya nagmataas o nagyabang dahil dito. Nanatili pa rin ang kaniyang kaamuan at kababaang-loob. Ang pagpapalang ito ay kaniyang ginamit upang akayin ang mga tao patungo sa Panginoong Diyos.
Malakas na winika ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na mga asin at ilaw ng sanlibutan ang lahat ng mga nagpasiyang sumunod sa Kanya. Ang asin at ilaw ng sanlibutan ay ang mga tunay na matapat at masunurin sa Kanya. Ito rin ang aral na ipinapaalala ni Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa para sa araw na ito. Bilang mga Kristiyano, dapat tayong maging tapat at masunurin sa Diyos. Kapag tayo'y naging tapat at masunurin sa Diyos, magagampanan natin ang ating pananagutan sa Kanya bilang mga asin at ilaw ng sanlibutan. Ang liwanag na magniningning sa atin ay hindi galing sa atin kundi sa Diyos mismo. Gaya ng nasasaad sa Salmo: "Tumanglaw Ka sa lingkod Mo at pagpalain Mo ako" (Salmo 118, 135a).
Bilang mga tunay na matapat at masunurin sa Diyos na Kanyang inatasan bilang mga asin at ilaw ng sanlibutan, ang kulay, lasa, at liwanag natin ay hindi mula sa mga sarili natin kundi sa Kanya. Siya mismo ang nagkakaloob ng lasa, kulay, at liwanag na dapat nating ipalaganap bilang mga asin at ilaw ng sanlibutan. Isang halimbawa nito ay walang iba kundi ang Santong ginugunita sa araw na ito na walang iba kundi ang pari at pantas ng Simbahang si San Antonio de Padua.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento