24 Hunyo 2023
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista
[Pagmimisa sa Araw ng Dakilang Kapistahan]
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1600) Saint John the Baptist by Giovanni Baglione (1566–1643), as well as the actual work of art itself from a Private Collection, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and other areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Ang Pambungad na Antipona para sa Banal na Misa sa araw na ito na inilaan para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista ay isang buod ng kaniyang buhay at misyon sa mundong ito: "Ang Dakilang si San Juan Bautista, sugo ng Poong Maykapal, saksi sa kaliwanagan upang maging handang tunay para kay Kristo ang tanan" (Juan 1, 6-7; Lucas 1, 17). Sa mga salitang ito na maaari nating ituring na isang maikling buod ng kanyang buhay at misyon, inilarawan nang buong linaw ang tanging dahilan kung bakit itinuturing ng Simbahan na dakila si San Juan Bautista. Ito ay walang iba kundi ang kanyang buong kababaang-loob na pagtupad sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos bilang tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas at Tagapagligtas na ipinangako na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno.
Nakasentro sa pagiging dakila ng mga lingkod ng Diyos katulad ni San Juan Bautista ang mga Pagbasa para sa araw na ito na inilaan para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista. Gaya na lamang ng iba pang mga lingkod ng Panginoong Diyos sa kasaysayan, dakila si San Juan Bautista dahil buong kababaang-loob, katapatan, at pananalig niyang tinupad ang misyong ibinigay sa kanya ng Panginoong Diyos. Inilarawan sa mga Pagbasa para sa araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista kung bakit napakaespesyal ang mga misyon ng mga hinirang ng Diyos upang maging Kaniyang mga lingkod. Sa Unang Pagbasa, buong lakas at linaw na inihayag na planadong-planado ng Diyos ang lahat. Bago pa isilang sa daigdig ang Kanyang mga lingkod, alam na Niya kung ano ang Kaniyang ipagagawa sa kanila na ganap Niyang hihirangin pagsapit ng panahong Siya rin ang magtatakda. Planadong-planado ng Diyos ang lahat. Sa katotohanang ito nakatuon ang Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo. Sa Ikalawang Pagbasa, binanggit ni Apostol San Pablo ang naging papel at misyon ni San Juan Bautista bilang tagapaghanda ng daraanan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagsilang at pagpapangalan sa anak ng magkabiyak ng pusong sina Zacarias at Elisabet na walang iba kundi "Juan," ang pangalang inihayag ng Arkanghel na si San Gabriel sa ama nitong si Zacarias bago ipinaglihi ang nasabing sanggol. Ang katotohanang ito ay siya ring pinagtuunan ng pansin sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. Planadong-planado ang lahat para sa mga lingkod ng Diyos. Alam ng Diyos kung ano ang ipagagawa Niya sa kanila bago pa ito mangyari.
Ipinapaalala sa atin sa araw na ito na planadong-planado ng Panginoong Diyos ang lahat ng bagay para sa Kaniyang mga lingkod na hinirang. Alam Niya kung ano ang misyong ibibigay Niya sa bawat isa sa atin bago pa man tayo isilang sa mundo. May papel, misyon, at tungkuling nakalaan na para sa atin. Ang mga ito ay inilaan para sa atin ng Diyos. Tayo mismo ang magtutuklas nito at magpapasiya kung tutuparin nga ba natin ito. Nasa mga kamay natin ang pasiya kung tutularan natin ang lahat ng mga dakilang lingkod ng Diyos gaya na lamang ni San Juan Bautista.
Sa pamamagitan ng pagtupad natin sa misyong ibinibigay sa atin ng Diyos, tayong lahat ay nagiging mga biyaya ng Diyos. Gaya ni San Juan Bautista, naging biyaya siya mula sa Diyos sapagkat tinupad niya ang misyong ibinigay sa kanya ng Panginoong Diyos. Bagamat mayroong mga hindi tumanggap sa kanya gaya ng nagpabilanggo sa kanya na si Haring Herodes at ang asawa ng kapatid niyang si Felipe na kinakasama niya na si Herodias na nagnanais ipapatay siya, biyaya pa rin si San Juan Bautista. Sa pamamagitan ng kaniyang kusang-loob na pasiyang maging isang biyaya ng Diyos na inihayag ng kusang-loob at buong kababaang-loob na pagtupad sa kanyang misyon, binigyan niya ng higit na kaluwalhatian at pagdakila ang Diyos.
Dakila ang mga biyaya ng Diyos. Ito ang kalooban ng Diyos noon pa mang una. Nais ng Diyos na maging dakila tayo sa pamamagitan ng pagiging Kanyang mga biyaya sa lahat. Ito ang dahilan kung bakit naglaan Siya ng mga misyon at tungkulin para sa ating lahat bago pa man isilang sa mundong ito. Bilang gantimpala para sa lahat ng mga magpapasiyang tuparin ang misyong Kanyang inilaan para sa kanila nang buong kababaang-loob, katapatan, at pananalig hanggang wakas, dadakilain rin Niya sila sapagkat lalo nila Siyang dinakila sa pamamagitan ng pagtupad sa misyong inilaan para sa kanila sa simula pa lamang.
Mayroon tayong misyon bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno. Ang misyong inilaan para sa atin sa simula pa lamang ay maging mga dakilang biyaya ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtupad nito, ang Panginoon ay lalo nating dinarakila, pinupuri, at niluluwalhati. Gagawin Niya tayong dakila bilang gantimpala para sa ating katapatan at pananalig sa Kanya na inihahayag ng kusang-loob na pagtupad natin sa misyong Kanyang inilaan para sa atin nang buong kababaang-loob sa wakas ng ating buhay sa daigdig na ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento