Sabado, Hunyo 10, 2023

MAGKAUGNAY ANG ATING MISYON AT PAGKAKILANLAN

18 Hunyo 2023 
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Exodo 19, 2-6a/Salmo 99/Roma 5, 6-11/Mateo 9, 36-10, 8 

This faithful photographic reproduction of the painting Ordenación y Primera Misa de San Juan de Mata (English: Ordination of John of Matha) by Vicente Carducho, as well as the actual work of art itself from the Museo del Prado, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, due to its age. 

May isang napakahalagang katotohanan tungkol sa ating pagkakilanlan bilang mga Katolikong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag mismo ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ang katotohanang ito ay ang paksa o temang nais pagtuunan ng pansin, talakayin, at pagnilayan ng mga Pagbasa para sa Linggong ito sapagkat tiyak na lingid sa kaalaman ng marami sa atin ang katotohanang ito. Lahat tayong mga Katolikong bumubuo sa tunay na Simbahang tatag mismo ni Kristo ay binibigyan ng isang napakagandang pagkakataon ng Simbahan sa Linggong ito upang imulat ang ating mga sarili sa katotohanang ito tungkol sa ating pagkakilanlan. Hindi lamang tumutukoy sa mga gusali ang salitang "Simbahan" kundi ito ay tumutukoy rin sa atin na bumubuo sa kawan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mundo. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ng Panginoong Diyos kay Moises na Kanyang inatasang ihatid at ilahad ang Kanyang mga salitang ito sa mga Israelita ang Kanyang biyaya para sa Kanyang bayan. Inihayag ng Panginoong Diyos na hinirang at inatasan Niya ang bayang Israel upang maging Kanya. Ang bayang Israel ay hinirang ng Panginoong Diyos upang maging bayan ng mga saserdoteng maglilingkod sa Kaniya (Exodo 19, 6a). Ang larawan ng Panginoong Diyos na humihirang at umaatas sa Kanyang mga lingkod ay muling isinalungguhit sa Salmong Tugunan. Ipinasiya ni Apostol San Pablo na talakayin rin ito sa Ikalawang Pagbasa. Tinalakay niya kung paanong ibinilang Niya tayo sa Kanyang pamilya bilang Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, ang mga apostol ay hinirang at inatasan ni Kristo upang mangaral tungkol sa pagkahari ng Diyos. Maituturing itong isang pasulyap ng magiging misyon ng mga apostol na kanilang sisimulang gawin matapos umakyat sa Kanyang kaharian sa langit si Jesus Nazareno matapos tuparin ang Kanyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan.

Ito ang katotohanan tungkol sa ating pagkakilanlan bilang mga Katoliko. Tayong lahat ay hinirang, inatasan, at itinalaga ng Diyos upang maging Kanyang mga lingkod. Sa pamamagitan ng ating tapat na paglingkod sa Kanya, tayong lahat ay nagiging mga saksi at daluyan ng Kanyang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa sa lahat. Kung paanong dumating ang biyaya ng kaligtasan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, gayon din naman, mayroon tayong misyon at tungkulin bilang mga tagapaghatid at tagapagpalaganap ng awa, habag, pag-ibig, kagandahang-loob, at biyaya ng Diyos na una Niyang ipinakita sa ating lahat sa pamamagitan ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Nakakalungkot nga lamang isipin na mas pinipili at ninanais ng nakararami, lalung-lalo na sa kasalukuyang panahon, na maging tagapaghatid at tagapagpalaganap ng iba't ibang uri ng kasinungalingan. Kusang-loob silang maninira, magsisinungaling, at magpapakalat ng pekeng balita upang mapabango ang sinusuportahan para lamang sa salapi. Mas malinaw ito sa mundo ng pulitika. Puro mga paninira, pekeng balita, at kasinungalingan ang kanilang ipinapalaganap. Higit na nakakalungkot tungkol dito, ginagawa rin ito ng ilang mga Katoliko. Alang-alang sa kanilang mga sinusuportahan, handa silang isantabi ang lahat ng mga itinuro ni Kristo na inilalahad ng Simbahan upang magkalat ng paninira, kasinungalingan, at pekeng balita. Kakalimutan nila ang Panginoon at ang Simbahan para lamang sa kanilang mga sinusuportahan, kahit na tiwali, magnanakaw, at mamamatay-tao ang kanilang mga sinusportahan. Hindi ito ang dapat nating gawin bilang mga pinili, hinirang, at itinalaga ng Panginoong Diyos upang maging Kanyang mga tapat na lingkod na nagpapalaganap ng Kanyang awa, biyaya, habag, pag-ibig, at kagandahang-loob. 

Tayong lahat ay hinirang at inatasan ng Panginoong Diyos upang maging Kanyang mga tapat na lingkod na nagpapalaganap ng Kanyang biyaya, awa, habag, pag-ibig, at kagandahang-loob. Ang misyon, tungkulin, at pananagutang ito ay hindi para sa Santo Papa, mga kardinal, mga obispo, mga pari, at mga madre lamang. Bagkus, ang pananagutan, misyon, at tungkuling ito ay para sa ating lahat dahil mayroon itong ugnayan sa ating pagkakilanlan bilang mga Katoliko. Kapag tinupad natin nang buong katapatan sa Diyos ang misyong ito, ipinagmamalaki natin ang ating pagkakilanlan bilang mga Katolikong bumubuo sa tunay na Simbahang tatag ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. 

Hindi natin maihihiwalay ang ating misyon sa ating pagkakilanlan bilang mga taong pinili, hinirang, at inatasan ng Diyos upang maging Kanyang mga lingkod na bubuo sa Simbahan. Bagkus, ang dalawang ito ay may isang napakalalim at napaahalagang ugnayan na kahit kailan ay hindi mababali. Isang bahagi ng ating pagkakilanlan bilang mga pinagindapat ng Panginoon na bumuo sa tunay na Simbahan ang ating misyon bilang mga tagapagpalaganap ng Kanyang awa, habag, kagandahang-loob, pag-ibig, at biyayang walang maliw. Ang katotohanang ito ay hindi dapat limutin. 

Lagi nating tatandaan. Ang ating misyon bilang mga tagapagpalaganap ng biyaya, habag, awa, pag-ibig, at kagandahang-loob ng Diyos ay mayroong ugnayan sa ating pagkakilanlan bilang Kanyang mga hinirang at inatasan upang maging Kanyang mga tapat na lingkod na bumubuo sa Kanyang Simbahan. Kapag lagi nating tinupad ang misyong ito, binibigyan natin ng papuri, pasasalamat, at pagsamba ang Panginoong Diyos na humirang at nagtalaga sa atin upang maging Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento