Sabado, Hulyo 1, 2023

ANG HARING MAAMO AT MABABANG-LOOB

9 Hulyo 2023 
Ika-14 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Zacarias 9, 9-10/Salmo 144/Roma 8, 9. 11-13/Mateo 11, 25-30 

Screenshot: #QuiapoChurch Official 9AM #OnlineMass • Solemnity of #SaintPeter and #SaintPaul (Quiapo Church Facebook Live and YouTube)

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakatuon sa kaamuan at kababaang-loob ng tunay na Hari at Manunubos na si Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno. Isang pahiwatig nito ay ang inilalarawan ng bawat larawan o imahen ni Kristo sa ilalim ng Kanyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno, lalo na ang imaheng nakadambana sa Simbahan ng Quiapo na dinarayo ng iba't ibang mga deboto at mananampalataya. 

Bagamat hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating pagiging makasalanan, ipinasiya pa rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging maamo at mababang-loob noong dumating Siya sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Ang kaamuan at kababaang-loob na ito na ipinasiyang ipinakita ni Jesus Nazareno ay ang natatanging dahilan kung bakit tayong lahat ay Kanyang iniligtas sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus na Kaniyang pinasan patungong Kalbaryo at pinagpakuan sa Kaniya at ang maluwalhati Niyang Muling Pagkabuhay sa ikatlong araw. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang propesiyang tinupad ng Panginoong Hesukristo, ang Nazareno, noong maluwalhati Siyang pumasok sa banal na lungsod ng Herusalem upang harapin at tuparin ang Kanyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas na taun-taong ginugunita ng Simbahan tuwing sasapit ang Linggo ng Palaspas. Napakalinaw kung paanong isinalungguhit at binigyan ng pansin sa propesiyang ito ang kaamuan at kababaang-loob ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Tinupad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang propesiyang ito noong dumating Siya sa daigdig na ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. Katunayan, sa bawat oras at sandali ng Kanyang misyon sa mundong ito, namuhay Siya nang maamo at may kababaang-loob, hindi lamang noong pumasok Siya sa Herusalem. 

Kaamuan at kababaang-loob ay Siya ring dahilan kung bakit inaanyayahan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang lahat na lumapit sa Kanya upang makasumpong ng tunay na kapahingahan at kaginhawaan sa Mabuting Balita. Katunayan, ipinakilala ng Poong Jesus Nazareno ang Kanyang sarili bilang maamo at mababang-loob sa bahagi ring yaon sa Ebanghelyo (Mateo 11, 29). Kahit hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito dahil sa ating pagiging mga makasalanan, tayong lahat ay inaanyayahan pa rin ni Jesus Nazareno na lumapit sa Kanya. Ito ay dahil tunay Niya tayong lahat ay Kaniyang minamahal at kinahahabagan. 

Nakasentro rin sa kaamuan at kababaang-loob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Inilarawan ni Apostol San Pablo kung paanong ang kaamuan at kababaang-loob ni Jesus Nazareno ay nagdulot ng kaligtasan sa sangkatauhan. Dahil sa kaamuan at kababaang-loob ng Panginoong Jesus Nazareno, nagkaroon ng kaligtasan at kalayaan mula sa pagkaalipin sa ilalim ng kasalanan para sa sangkatauhan. Bagamat hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kasalanan, ipinasiya pa rin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na maging maamo at mababang-loob upang mailigtas Niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay dahil sa Kanyang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob. Iyan ang Poong Jesus Nazareno. Gaya ng sabi sa isa sa mga taludtod sa Salmo para sa Misa sa araw na ito, "Ang Panginoong D'yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag" (Salmo 144, 8). 

Tayong lahat ay tunay ngang mapalad sapagkat ang ating Panginoon, Tagapagligtas, at Hari ay maamo at mababang-loob. Ang Kanyang kaamuan at kababaang-loob ay nagdulot ng kaligtasan sa lahat. Dahil sa Kanyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ipinasiya pa rin Niya itong gawin para sa atin. Siya'y walang iba kundi si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento