Huwebes, Hulyo 20, 2023

MGA PINAHAHALAGAHAN SA BUHAY

30 Hulyo 2023 
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
1 Hari 3, 5. 7-12/Salmo 118/Roma 8, 28-30/Mateo 13, 44-52 

Screenshot: Banal na Misa | 8:00 n.g.
(January 6, 2023 - The National Shrine and Parish of the Divine Mercy Facebook)

Hindi magkakatulad ng mga pananaw at pinahahalagahan sa buhay ang lahat ng tao sa mundong ito. Magkaiba ang uri ng pag-iisip at lohika ng iba't ibang tao sa isa't isa. Mayroon rin namang mga pagkakataon sa buhay kung saan makakatagpo tayo ng isang taong katulad nating mag-isip. Iyon nga lamang, ang mga pagkakataong yaon ay bibihira lamang mangyari. Hindi ito nangangahulugang maaari na nating bigyan ng pahintulot ang mga kriminal na pairalin ang kanilang mga patakaran at pamantayan o kaya naman ay magiging manhid na lamang tayo sa walang awang paglabag sa lahat ng mga karapatang pantao katulad na lamang ng karapatang mamuhay, kahit gawin pa ito ng mga opisyal sa pamahalaan. 

Ang bawat isa sa atin ay inaaanyayahan ng Simbahan sa Linggong ito na pagnilayan nang mabuti ang ating mga pinahahalagahan sa buhay. Ito ay dahil nakasentro sa tanong na ito ang mga Pagbasa para sa Linggong ito. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay tinutulungan ng Simbahan na suriin natin ang ating mga sarili nang sa gayo'y mapagtanto natin ang sagot sa tanong tungkol sa ating mga pinahahalagahan sa buhay at kung kailangan nating baguhin ang ating mga pananaw at pinahahalagahan sa buhay. 

Itinampok sa salaysay sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ang pasiya ng bagong hari ng Israel na walang iba kundi si Haring Solomon. Sa pasiya niyang ito, ipinakita ni Solomon ang kanyang mga pinahalagahan. Buong kababaang-loob niyang inaming bata pa lamang siya at kapos sa karanasan sa pagiging isang hari o tagapamahala o pinuno. Nais ni Haring Solomon na maging isang mabuting hari para sa bayang Israel, katulad ng kanyang yumaong amang si Haring David. Dahil dito, buong kababaang-loob na humingi ng karunungan si Solomon mula sa Panginoong Diyos. 'Di hamak na mas mahalaga para kay Solomon na magkaroon ng karunungan dahil hindi biro ang tungkuling inatasan sa kanya ng Diyos bilang hari. Aanhin pa niya ang kapangyarihan at kayamanan dito sa mundo kung hindi niya magagamapanan nang mabuti ang mga responsibilidad niya bilang hari ng Israel, ang bayan ng Diyos? 

Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo na ang bawat isa sa atin ay tunay ngang pinahalagahan ng Diyos. Inilarawan ni Apostol San Pablo na itinalaga ng Diyos na maging Kaniya ang lahat ng mga tinawag Niya ayon sa Kaniyang panukala upang maging Kaniya (Roma 8, 28-29). Habang namumuhay at naglalakbay tayo sa mundong ito nang pansamantala, lagi tayong pinagkakalooban ng Panginoong Diyos ng pagkakataong mapabilang sa Kanyang mga tinawag at itinalaga upang maging Kanya. Ano ang dapat nating gawin? Isabuhay ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Iniibig ko nang lubos, tanang utos Mo, Poong D'yos" (Salmo 118, 97a). Kapag ipinasiya nating isabuhay ang mga salitang ito, inihahayag natin ang ating "Oo" at pagtalima sa kaloobang ito ng Panginoong Diyos. 

Nakasentro rin sa paksang ito ang talinghaga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Inilarawan sa talinghagang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang ginawa ng Diyos para sa lubos Niyang pinahalagahan na walang iba kundi ang sangkatauhan. Bagamat mga makasalanan ang buong sangkatauhan, handa pa rin ang Diyos na gawin ang lahat upang mailigtas sila. Gaya ng tampok na mangangalakal na humanap sa mamahaling perlas sa talinghagang isinalaysay ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo, ginawa ng Diyos ang lahat upang mailigtas ang sangkatauhan dahil tunay Niya silang iniibig at pinahalagahan. Ito ay Kaniyang ginawa sa pamamagitan ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Katulad rin ng tampok na mangangalakal sa talinghaga ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo, walang nakapigil sa Panginoong Diyos na isakatuparan ang kalooban Niyang ito. 

Tayong lahat ay tinatanong sa Linggong ito - ano ang ating mga pinahahalagahan sa buhay? Ang mga pinahahalagahan ba natin sa buhay ay dapat pa rin nating ipaglaban o kaya dapat na ba natin itong palitan at baguhin? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento