15 Agosto 2023
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria
[Pagmimisa sa Araw]
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 15th century) Polittico dell’Annunziata (Assunzione di Maria) by Pietro Perugino (1448–1523), as well as the actual work of art itself, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Lingid sa kaalaman ng karamihan na isa ring mahalagang araw para sa pamayanan ng Basilika Menor at Pambansang Dambana ng Mahal na Poong Jesus Nazareno at Parokya ni San Juan Bautista na mas kilala ng nakararami bilang Simbahan ng Quiapo ang ika-15 ng Agosto. Sa Kalendaryo ng mga liturhikal na pagdiriwang at gawain sa Simbahan ng Quiapo, ang ika-15 araw ng Agosto ng bawat taon ay inilaan para sa maringal na pagdiriwang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na iniakyat sa langit sa ilalim ng kaniyang titulong Nuestra Señora de la Buena Hora. Kung isasalin natin sa wikang Pilipino ang titulong ito ng Mahal na Ina, ang ibig sabihin nito ay "Mahal na Birhen ng Mabuting Oras (Panahon)." Siya ang Patronesa ng Simbahan ng Quiapo.
Kinikilala, tinatawag, at pinararangalan natin bilang Simbahan ang Mahal na Inang si Mariang Birhen bilang Birhen ng Mabuting Oras (Panahon) hindi dahil tinuturing natin siyang diyosa o bathala. Sa totoo lamang, walang magagawa ang Mahal na Birhen gamit ang kanyang sariling kapangyarihan at kakayanan. Bagkus, ang ating pagkilala, pagtawag, at pagbibigay ng parangal sa Mahal na Inang si Maria sa ilalim ng titulong Birhen ng Mabuting Oras (Panahon) ay pagkilala sa kanyang pananalig at tiwala sa oras at panahong inilaan at itinakda ng Panginoong Diyos para sa pagsasakatuparan ng Kaniyang mga kahanga-hangang gawa, gaya ng pagligtas ng Diyos sa kanya bago isilang ni Santa Ana (Kalinis-linisang Paglilihi o Inmaculada Concepcion), at ang pag-aakyat sa kanyang katawan at kaluluwa sa langit sa wakas ng kanyang buhay dito sa mundong ito. Sa langit, itinampok at itinaas siya ng Banal na Santatlo bilang Reyna, gaya ng ipinahiwatig sa Unang Pagbasa at maging sa Salmong Tugunan. Ito ang nais isalungguhit ng titulong ito ng Mahal na Birhen.
Gaya ng Mahal na Birheng Maria, dapat nating ibigay ang ating pananalig at tiwala sa oras at panahong inilaan at itinakda ng Diyos. Huwag tayong mawalan ng pananalig at tiwala sa oras at panahong inilaan at itinakda ng Panginoong Diyos. Ni minsan sa kasaysayan ay nauwi sa kabiguan ang lahat ng mga plano at kalooban ng Diyos sa mga oras at panahong Kanyang inilaan at itinakda.
Nakasentro sa oras at panahong inilaan ng Diyos para sa pagsasakatuparan ng mga kahanga-hanga Niyang gawa. Sa huling bahagi ng Unang Pagbasa, ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Mesiyas na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay inihayag sa tanan. Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipinako sa Krus na Banal at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw ay darating muli bilang Hari at Hukom upang iligtas ang lahat ng mga naging tapat sa Kaniya hanggang sa huli. Sa paksang rin ito nakasentro ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Tayo'y iniligtas ni Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno, mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Pinagkalooban tayo ni Kristo ng pagkakataong tanggapin ang paanyaya sa atin na tahakin ang daan o landas ng kabanalan sa pamamagitan ng kahanga-hangang gawang ito. Dahil dito, malakas na inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na nawala na nang tuluyan ang tagumpay at kamandag ng kamatayan dahil sa tagumpay ng Panginoong Jesus Nazareno na naganap sa oras at panahong itinakda ng Diyos. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay iniligtas ng Panginoon. Noong sumapit ang oras at panahong itinakda ng Diyos, hindi Niya tayo iniwan sa ere, tinalikuran, at pinabayaan nang ganoon na lamang upang mapahamak. Bagkus, tayong lahat ay ipinasiya Niyang iligtas sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas, Manunubos, at Hari na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Sa Ebanghelyo, inilahad ang Awit ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na walang iba kundi ang Magnificat. Ang awiting ito ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay isang pagpapatotoo sa pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos na pinatutunayan ng Kanyang mga kahanga-hangang gawa. Katunayan, ginamit ng Diyos ang Mahal na Inang si Mariang Birhen mismo upang maging patunay ng paksa o tema ng awit-papuring ito na kaniyang inawit nang kaniyang dalawan ang kamag-anak niyang si Elisabet na nagdadalantao rin noong mga sandaling yaon sa Banal na Ebanghelyo. Mula sa kaniyang payak na pamumuhay bilang isang dalaga sa Nazaret, itinaas siya ng Diyos sa pamamagitan ng pagkahirang sa kaniya upang maging ina ni Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na dumating sa sanlibutan upang tubusin ang lahat ng mga tao sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay sa oras at panahong itinakda ng Diyos.
Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria na laging mayroong mabuting mangyayari sa lahat ng mga oras at panahong itinakda ng Diyos. Ang Panginoong Diyos ay hindi nagtatakda ng mga oras at panahon upang maghatid at magdulot ng kasamaan sa atin. Bagkus, sa mga oras at panahong Kaniyang itinakda, inihahatid ng Panginoong Diyos ang Kaniyang pag-ibig, kabutihan, awa, habag, at kagandahang-loob para sa atin.
Habang namumuhay at naglalakbay pa tayo dito sa lupa nang pansamantala lamang, ipakita natin ang ating pananalig at tiwala sa oras at panahong itinakda ng Diyos sa pamamagitan ng araw-araw na pagsusumikap na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Inihahayag natin sa pamamagitan nito ang taos-puso nating desisyong pumanig, manalig, at tumalima sa Panginoong Diyos nang buong katapatan hanggang sa huli. Kapag ito ang ating ipinasiyang gawin hanggang sa huli, ang Reynang Ina na walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen at ang mga banal at mga koro ng anghel sa langit ay makakasama natin magpakailanman sa kaharian ng Diyos sa langit na nagpupuri at sumasamba nang walang humpay sa tunay na Haring walang hanggan na walang iba kundi si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Manalig sa oras at panahong itinakda ng Panginoong Diyos. Siya naman talaga ang dapat pagkatiwalaan, panaligan, sundin, sambahin, at mahalin. Hinding-hindi Niya tayo bibiguin, ipapahamak, pababayaan, o gagawan ng masama kailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento