Sabado, Hulyo 15, 2023

BUHAY NA WALANG HANGGAN

28 Hulyo 2023 
Biyernes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Exodo 20, 1-17/Salmo 18/Mateo 13, 18-23 

Screenshot: QUIAPO CHURCH OFFICIAL - 6AM #OnlineMass - 09 July 2023 - 14th Sunday in Ordinary Time (Facebook Live and YouTube

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Panginoon sa ilalim ng Kaniyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay nakasentro sa biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit. Kinamit mismo ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang biyayang ito para sa atin. Sa pamamagitan ng Banal na Krus na Kaniyang pinasan at pinagpakuan sa Kaniya sa banal na bundok na kilala sa tawag na Golgota o Kalbaryo at ang Kanyang Muling Pagkabuhay, nakamit ni Jesus Nazareno para sa atin ang biyayang ito. 

Sa Ebanghelyo, ipinaliwanag ng Poong Jesus Nazareno ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. Napakalinaw kung ano ang nais ituro ni Jesus Nazareno sa lahat. Itinuturo ni Jesus Nazareno kung paano natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan na Kaniyang kinamit para sa tanan sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Bagamat ang talinghagang ito ay Kanyang isinalaysay sa mga tao bago Niya harapin ang Kanyang Misteryo Paskwal, ipinahiwatig na ng Poong Jesus Nazareno na makakamit ng lahat ng mga tao ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan Niya na magliligtas sa lahat ng mga tao sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. 

Paano natin mapapahayag ang ating pagtanggap sa biyayang ito na ipinagkaloob sa atin ng Poong Jesus Nazareno? Tuparin ang Kanyang mga utos. Maging masunurin sa mga utos ng Panginoong Diyos. Inilahad sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ang Sampung Utos ng Diyos na ibinigay Niya kay Moises sa Bundok ng Sinai. Ang mga utos na ito ay ibinigay ng Diyos upang bigyan ng pagkakataon ang mga Israelita na ipahayag sa Kanya ang kanilang taos-pusong pag-ibig, katapatan, at pagsamba sa Kanya. Hanggang sa kasalukuyang panahon, ang bawat tao sa mundo ay patuloy na binibigyan ng pagkakataon ng Panginoon na ipahayag at patunayan ang taos-puso at tapat nilang pag-ibig at pagsamba sa Kanya. Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan, ang Panginoong Diyos lamang ang nagtataglay ng Salitang bumubuhay (Juan 6, 68k). Sabi rin sa Salmong Tugunan na nagdudulot ng bagong buhay ang lahat ng mga utos ng Diyos (Salmo 18, 8). Kung susundin natin ang mga utos at loobin ng Panginoon, ang biyaya ng buhay na Kanyang kaloob ay ating tinatanggap. 

Nais ba nating magkaroon ng buhay na walang hanggan? Tanggapin at sundin ang mga utos at loobin ng Panginoong Diyos. Maging taos-puso at tapat tayo sa ating pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Diyos hanggang sa huling sandali ng ating buhay at paglalakbay dito sa mundong ito na pansamantala lamang sa pamamagitan ng taos-pusong pakikinig at pagtupad sa Kanyang mga utos at loobin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento