22 Hulyo 2023
Kapistahan ni Santa Maria Magdalena
Awit ni Solomon 3, 1-4a (o kaya: 2 Corinto 5, 14-17)/Salmo 62/Juan 20, 1-2. 11-18
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1605 and 1610) Penitent Magdalen by El Greco (1541–1614), as well as the actual work of art itself from a Private Collection via Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Pananabik ang tema ng mga salita sa Unang Pagbasa mula sa Awit ni Solomon. Ang dalawang nag-iibigan ay nagpapahayag ng kanilang pananabik para sa isa't isa. Sabik na sabik sila para sa isa't isa. Hindi sapat para sa kanila na magkita o magtitigan na lamang sila. Bagkus, nais nilang makapiling ang isa't isa. Ang isa'y naghintay para sa pagdating ng iniirog habang ang isa naman ay nagtungo sa kinaroroonan ng kanyang minamahal. Ipinasiya ng isa na hintayin ang pagdating ng minamahal habang ang isa naman ay nagpasiyang magtungo sa kinaroroonan ng kanyang minamahal. Iyan ang pananabik ng dalawang nag-iibigan. Sa alternatibong Unang Pagbasa, isinentro ni Apostol San Pablo ang kanyang pangaral sa pananabik ng Diyos para sa ating lahat sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan. Ang bawat isa sa atin ay tunay ngang kinasasabikan ng Diyos at patuloy pa rin Siyang nananabik para sa atin. Katunayan, ito ang dahilan kung bakit Niya tayo iniligtas sa pamamagitan ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang Diyos ay nasasabik na tayong lahat ay iligtas at gawin tayong Kanyang mga anak at lingkod.
Sa Salmong Tugunan, malakas na inihayag ng tampok na mag-aawit ang kanyang pananabik para sa Diyos. Ang Panginoong Diyos ang tangi niyang kinasasabikan sa lahat. Sa Ebanghelyo, lumuluhang inihayag na Santa Maria Magdalena ang kanyang taos-pusong pananabik para sa Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, na akala niyang patay pa. Inakala niyang hindi na ginalang si Kristo sa pamamagitan ng pagnanakaw sa Kanyang bangkay sapagkat nawawala ang Kanyang bangkay. Subalit, nagbago ang lahat noong nagpakita't ipinakilala ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ang Kanyang sarili kay Santa Maria Magdalena. Napawi ang lahat ng mga luha ni Santa Maria Magdalena at ang kanyang mga hapis, dalamhati, at luha ay tuluyan nang pinalitan ng kagalakan at tuwa sapagkat tunay ngang nabuhay na mag-uli si Jesus Nazareno.
Ang Poong Jesus Nazareno mismo ay ang patunay na tayong lahat ay pinananabikan ng Diyos. Nananabik ang Panginoong Diyos para sa ating pagpanig at ang panahong makakapiling natin Siya sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit magpakailanman. Kaya, habang patuloy tayong namumuhay at naglalakbay dito sa mundo, lagi tayong binibigyan ng pagkakataon ng Panginoong Diyos na pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan, magbalik-loob sa Kanya, at magsikap na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin bilang patunay ng ating taos-pusong pagpanig sa Kanya nang buong katapatan. Kung ang Panginoong Diyos ay nananabik para sa atin, nananabik rin ba tayo para sa Diyos? Siya ba ang ating kinasasabikan?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento