6 Agosto 2023
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (A)
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Mateo 17, 1-9
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1308 and 1311) Transfiguration by Duccio di Buoninsegna (1255–1319), as well as the actual work of art itself from the National Gallery in Westminster, Central London, England, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Malinaw naman na hindi ito isang uri ng sining. Bagkus, isa itong kasuklam-suklam na gawa sapagkat nilapastangan ang Diyos sa gawaing ito. Sa halip na parangalan, purihin, at sambahin ang Panginoong Diyos, pinili nila Siyang gawing katatawanan at walang tigil nila Siyang nilait, niyurakan, at nilapastangan sa pamamagitan nito. Pati ang sagisag ng Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin, ang imahen ng Panginoong Jesus Nazareno na nagpasan sa Banal na Krus na pinagpakuan sa Kanya sa banal na bundok ng Kalbaryo, ay hindi nila pinatawad. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi nila binigyan ng galang, parangal, papuri, at pagsamba.
Nakakalungkot isipin ito habang pinagninilayan natin bilang Simbahan sa Linggong ito ang isang napakahalagang kaganapan sa buhay ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, na walang iba kundi ang Kaniyang Pagbabagong-Anyo sa banal na bundok na kilala bilang Bundok ng Tabor. Sa kaganapang ito, ang Amang nasa langit ay muling nagsalita upang si Kristo Hesus, ang Nazareno, ay ipakilala bilang Kaniyang minamahal na Anak na nararapat lamang pakinggan at sundin ng tanan. Subalit, sa kasalukuyang panahon, napakalinaw na mayroong mga hindi sumusunod sa bilin at utos na ito ng Amang nasa langit. Paglilibak, panlalait, at pangungutya ang ibinigay sa Nuestro Padre Jesus Nazareno kaysa sa paggalang at pagsamba.
Inilarawan ni Propeta Daniel sa kanyang pahayag sa Unang Pagbasa ang kanyang mga nakita sa isang pangitain. Nakita ni Propeta Daniel sa nasabing pangitain kung paanong hinandugan ng santinakpan ng papuri, parangal, paggalang, at pagsamba ang nabubuhay magpakailanman. Sa Ikalawang Pagbasa, pinatotohanan ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro ang kadakilaan ng Panginoon na nahayag sa Bundok ng Tabor noong ang Poong Jesus Nazareno ay nagbagong-anyo, gaya ng inilarawan ni San Mateo sa Ebanghelyo.
Ang Amang nasa langit ay muling nagsalita mula sa langit upang ipakilala ang walang hanggan at tunay na Hari, Panginoon, at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno at iutos ang sangkatauhan na makinig sa Kaniya. Sa pamamagitan nito, itinuro sa atin ng Amang nasa langit kung paano nating maibibigay kay Kristo kung ano ang nararapat sa Kanya na walang iba kundi ang tapat at taos-puso nating papuri, paggalang, pagbubunyi, parangal, at pagsamba sa Kanya. Kapag ginawa natin ito, ang Ama at ang Espiritu Santo ay inaalayan at hinahandugan rin natin ng ating tapat na pagpupuri, pagpaparangal, paggalang, pagbubunyi, at pagsamba. Iyon nga lamang, parang hindi na ito ginagawa.
Hindi lamang sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam na gawain katulad ng mga malalaswa't mapagkutyang pagsasayaw habang pinatutugtog ang mga binaboy na bersyon ng mga panalanging gaya ng "Ama Namin" na isinaliw sa musika sa ngalan ng "sining" nilalapastangan ang Panginoon. Minsan nga, minura ang Panginoon. Ang salitang ginamit ng pinakamataas na opisyal nang minsan niyang murahin ang Diyos ay "estupido." Nilait niya ang Panginoon sa pamamagitan ng pagtawag sa Kaniya ng "estupido." Dagdag na rin dito ang mga pumalakpak at naghiwayan noong ginawa iyon ng taong iyon na may hawak sa pinakamataas na posisyon sa bansa noon. Ito ay dahil marami sa kanila ang nagturing sa taong iyon bilang diyos-diyosan.
Lalo lamang dumarami at lumalaganap ang mga kahibangang ito habang patuloy na tumatakbo ang oras at panahon. Ang Panginoong Diyos ay nilalait-lait, kinukutya, hinahamak-hamak, niyuyurakan, minamaliit, at nilalapastangan ng nakararami nang ganoon na lamang. Parang napakadaling gawin yaon sa halip na ibigay sa Kanya ang nararapat. Kahibangan ang lahat ng ito!
Panahon na upang itigil ang mga kahibangang ito! Ibigay natin sa Panginoong Diyos ang nararapat. Taos-puso nating ihandog sa Kaniya ang ating mga papuri, parangal, katapatan, pagbubunyi, pag-ibig, at pagsamba sa Kaniya na Siyang tumubos sa atin sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil sa Kaniyang walang hanggang biyaya, pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob para sa atin. Kahit na hindi tayo karapat-dapat sapagkat mga makasalanan tayo, ginawa pa rin Niya ito para sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento