Biyernes, Hulyo 14, 2023

DAHILAN NG ATING PAGSUNOD SA POONG JESUS NAZARENO

25 Hulyo 2023 
Kapistahan ni Apostol Santiago 
2 Corinto 4, 7-15/Salmo 125/Mateo 20, 20-28

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1597) Santiago Apóstol by Vicente Requena the Younger (1556–1606), as well as the actual work of art itself from the Museu de Belles Arts de València is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

"Ang hirap na babatain Ko'y babatahin nga ninyo" (Mateo 20, 23). Ito ang mga salitang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa dalawa Niyang alagad na walang iba kundi ang magkapatid na sina Apostol Santo Santiago Mayor at Apostol San Juan matapos makiusap para sa kanilang dalawa ang kanilang ina. Katunayan, para rin sa kanilang ina ang pahayag na ito ng Panginoon. Ang pakiusap ng ina ng magkapatid na sina Apostol Santo Santiago Mayor at Apostol San Juan ay ipagkaloob sa dalawang alagad na ito ang karapatan at karangalang maupo sa Kanyang kanan at kaliwa sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit. Ipinaliwanag ng Poong Jesus Nazareno na hindi tungkol sa karangalan at karapatan ang pagiging Kanyang mga alagad, apostol, at tagasunod. Kung iyon ang pakay ng bawat isa sa atin sa pagiging mga alagad at tagasunod ng Poong Jesus Nazareno, nagkamali tayo ng pinasok. 

Kung hindi tungkol sa karangalan, karapatan, at posisyon ang pagiging tagasunod at alagad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, tungkol saan nga ba ito? Inilarawan ito sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Ang pagiging mga alagad at tagasunod ng Poong Jesus Nazareno ay dapat maging tungkol sa ating pagsamba, pag-ibig, at katapatan sa Kanya. Hindi paghahangad ng mataas na posisyon o maupo sa kanan o kaliwa ng Poong Jesus Nazareno ang dapat pumukaw sa atin na sumunod sa Kanya. Bagkus, dapat sumunod tayo sa Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil tunay nga natin Siyang iniibig at sinasamba nang buong katapatan hanggang sa huli. 

Ito ang dahilan kung bakit ipinasiyang isentro ng Poong Jesus Nazareno sa tema ng pagdurusa ang Kanyang tugon sa ina ng magkapatid na sina Apostol Santo Santiago Mayor at Apostol San Juan sa Ebanghelyo para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito. Katunayan, ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ay ang mismong tema o paksa ring ito na walang iba kundi sa dapat maging dahilan ng ating pasiyang maging mga tagasunod ng Mahal na Poon. Ang dapat magbigay sa atin ng motibasyon o pumukaw sa atin na sumunod kay Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ay walang iba kundi ang taos-puso nating pag-ibig, pagsamba, pananalig, at katapatan sa Kanya. 

Hindi dapat tayo maging mga tagasunod ng Nuestro Padre Jesus Nazareno nang sa gayon ay makamit ang posisyon at karapatang maupo sa Kanyang kanan at kaliwa sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit. Bagkus, ang dapat maging dahilan ng ating pasiyang sumunod sa Mahal na Poon ay ang ating pag-ibig, pagsamba, pananalig, at katapatan sa Kanya. Ito ang tutulong sa atin na harapin, tiisin, at pagtagumpayan ang iba't ibang uri ng pag-uusig at pagsubok sa buhay dito sa mundong ito. Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan: "Ang nagtanim na may luha ay aaning natutuwa" (Salmo 125, 5). Kapag ang pakay natin sa pagiging mga tagasunod ng Poong Jesus Nazareno ay ang ating taos-pusong pag-ibig, pagsamba, pananalig, at katapatan sa Kanya, tayong lahat ay mapupuspos ng tuwa sapagkat makakapiling na rin natin sa wakas ng ating buhay dito sa mundo na pansamantala lamang ang tunay nating iniibig at sinasamba na walang iba kundi si Jesus Nazareno. 

Sumunod tayo sa Mahal na Poong Jesus Nazareno hindi dahil nais nating makamit ang pinakamataas na posisyon sa langit o maupo sa Kaniyang kanan at kaliwa. Ang dapat pumukaw sa atin na sumunod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay walang iba kundi ang taos-puso nating pag-ibig at pagsamba sa Kanya na magbibigay sa atin ng lakas na manatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento