Biyernes, Hulyo 7, 2023

SAPAGKAT SIYA LAMANG ANG TUNAY NA DIYOS

16 Hulyo 2023 
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 10-11/Salmo 64/Roma 8, 18-23/Mateo 13, 1-23 (o kaya: 13, 1-9) 

This faithful photographic representation of the painting The Apparition of Our Lady of Mount Carmel to Saint Simon Stock (c. 17th century), as well as the actual work of art itself, which is the painted altarpiece itself in the Parish Church of Santa Maria do Bispo, Montemor-o-Novo, Portugal, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

Kapag ang ika-16 ng Hulyo ay hindi tumapat sa isang araw ng Linggo, ginugunita ng buong Simbahan ang Mahal na Inang si Mariang Birhen sa ilalim ng isa sa kanyang mga titulo, ang titulo ng Birhen ng Bundok del Carmen, maliban na lamang sa mga Simbahan gaya ng mga Parokya, Dambana, o Kapilya na si Maria sa ilalim ng titulong ito ay ang Titular na Pintakasi. Tiyak na mapapatanong ang ilan kung saan galing ang Bundok del Carmen at ano ang ugnayan ng bundok na ito sa Mahal na Ina. Ang titulong ito ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay isang napakagandang paalala ng dakilang tagumpay ng Panginoong Diyos laban sa diyus-diyusang si Baal sa Bundok ng Carmelo. Sa nasabing paligsahan, nagpaulan ng apoy mula sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit ang Diyos bilang tugon sa mga panalangin ni Elias na Kaniyang propetang hirang. Pinatunayan ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng kahanga-hangang gawang ito na tanging Siya lamang ang tunay na Diyos at wala nang iba. Walang makakahigit o makakapantay man lamang sa tunay na Diyos na walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Siya lamang ang tunay at nag-iisang Diyos. 

"Ganyan din ang Aking mga salita, magaganap nito ang lahat Kong nasa" (Isaias 55, 11). Sa mga salitang ito ng Panginoong Diyos na inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa Linggong ito. Ang mga salitang ito ng Panginoong Diyos na inilahad ni Propeta Isaias sa bayang Israel, ang bayang hinirang ng Diyos, sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ay ang patunay na tanging Siya lamang ay ang tunay na Diyos. Dahil ang Panginoon ay ang tunay na Diyos, ang anumang Kanyang naisin at loobin ay Kanyang mapangyayari. Walang ibang diyos o bathala, maliban lamang sa Panginoon. 

Ang Diyos ay inilarawan sa Salmong Tugunan at sa talinghagang isinalaysay ni Kristo sa Ebanghelyo para sa Linggong ito bilang isang manghahasik. Bilang manghahasik, mga bagay na mabubuti at banal ang inihahasik Niya. Katunayan, ang Kaniyang mga inihahasik ay ang Kanyang biyaya, pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob. Isa lamang ang dahilan kung bakit Niya itong ipinasiyang gawin - ito ang gusto Niyang gawin. Katunayan, ito rin ang dahilan kung bakit ang Panginoong Jesus Nazareno ay dumating sa mundong ito upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Dahil ninais ng Diyos na gawin iyon, nangyari iyon. 

Nakasenro rin sa kalooban ng Diyos ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito. Isang maikling buod ng iba't ibang mga pag-uusig, hirap, at sakit na hinarap at tiniis ng mga sinaunang Kristiyano, kabilang na rito ang apostol at misyonero sa mga Hentil na si Apostol San Pablo, ang kanyang inilarawan upang ipaliwanag ang kalooban ng Diyos. Nais ng Diyos na bigyan ng pag-asa ang lahat at dakilain ang lahat ng Kanyang mga anak. Inaanyayahan tayo ng Panginoong Diyos na maging bahagi ng Kanyang pamilya. Nais ng Diyos na ampunin tayo bilang Kanyang mga anak. Tinatanggap natin ang paanyayang ito ng Panginoong Diyos para sa atin sa pamamagitan ng ating pang-araw-araw na pagsisikap na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Iyon ang pahayag at patunay ng ating taos-pusong katapatan sa Kanya.

Dahil ang Panginoong Diyos lamang ay ang tunay na Diyos, nagagawa Niya ang lahat ng anumang naisin at loobin Niya. Marami Siyang mga kahanga-hangang bagay na ginawa bilang patunay na Siya mismo ang tunay na Diyos. Nais rin ng Diyos na gawin tayong mga instrumento at daluyan ng Kanyang biyaya, pagmamahal, awa, habag, at kagandahang-loob. Dapat lamang nating ibigay ang ating taos-pusong pananalig at pahintulot sa Kanya upang ang Kanyang kalooban at naisin para sa ating lahat ay maisagawa Niya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento