Huwebes, Hulyo 27, 2023

KUNG HINDI SIYA, SINO?

11 Agosto 2023 
Paggunita kay Santa Clara, dalaga 
Deuteronomio 4, 32-40/Salmo 76/Mateo 16, 24-28 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1693) Santa Clara ahuyentando a los infieles con la Eucaristía by Isidoro Arredondo (1657–1702), as well as the actual work of art from the Museo del Prado and presently in the Spanish Council of State, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Sino o ano ang ating iibigin nang buong puso at katapatan? Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Panginoong Hesukristo sa ilalim ng Kanyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno na sumasagisag sa dakila Niyang pag-ibig para sa atin ay nakasentro sa tanong na ito. Tayong lahat ay inaanyayahan ng Simbahan sa araw na ito na suriin natin nang mabuti ang ating mga sarili habang pinagninilayan ang tanong na ito. Sino o ano ang buong puso nating mamahalin nang buong puso at katapatan? 

Ang pahayag ni Moises sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa tanong ng pag-ibig at katapatan ng mga Israel. Sa pamamagitan ng pahayag na ito, ipinapaalala ni Moises kung kanino nga ba dapat ibigay at ialay ng mga Israelita nang buong puso at pananalig ang kanilang pag-ibig at katapatan. Tanging sa Panginoong Diyos lamang dapat nila ibigay o ihandog ang pag-ibig at katapatan, kung si Moises mismo ang tatanungin. Subalit, mayroon namang kalayaan ang mga Israelita upang gumawa ng pasiya. Ito ang dahilan kung bakit binigkas ni Moises ang mga salitang ito sa mga Israelita sa Unang Pagbasa. 

Nakasentro sa pag-ibig at katapatan sa Diyos ang mga salitang binigkas ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, sa Kaniyang pangaral sa Ebanghelyo. Itinuro ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang mga alagad kung ano nga ba talaga ang dapat gawin ng mga nagnanais sumunod sa Kaniya. Kinakailangan nilang isentro ang kanilang buhay sa Diyos at laging unahin ang Panginoong Diyos sa kanilang buhay. Ang magiging patunay nito ay ang paglimot nila sa kanilang mga sarili, pagpasan ng kanilang mga krus, at pagsunod sa Kaniya araw-araw (Mateo 16, 24). Buong puso nilang ibinibigay o inihahandog sa Diyos ang kanilang mga sarili sa pamamagitan nito. Mahirap man gawin ito, lalung-lalo na sa mga sandali ng pagsubok at pag-uusig, subalit kung si Jesus Nazareno na ating Mahal na Poon ay tunay nating iniibig at nais sundan nang buong pananalig at katapatan, gagawin natin ito. 

Habang pinagninilayan natin ang tanong na ito, inaanyayahan tayo ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito na alalahanin at pagnilayan ang lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Panginoong Diyos (Salmo 76, 12a). Nais ng Diyos na makilala natin Siya bilang isang bathalang mapagmahal at mahabagin. Sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang gawang ito, nililigawan tayo ng Diyos. Ang dakila Niyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin ay Kaniyang ipinapahayag sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang gawang ito. Katunayan, ito ang sinasagisag ng bawat larawan o imahen ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na nagpasan ng Krus na Banal para sa atin. Alang-alang sa atin, hindi Siya sumuko sa bigat ng Krus. Bagkus, patuloy Siyang nakibaka at ipinagpatuloy ang misyon Niyang tubusin at iligtas tayo sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay. 

Tayong lahat ay patuloy na nililigawan at sinusuyo ng Poong Jesus Nazareno. Ano ang ating tugon sa Kaniyang panliligaw at pagsuyo? Ibibigay rin ba natin ang ating pag-ibig, pagsamba, pananalig, at katapatan sa Kanya? O sa iba natin ito ibibigay? Kung hindi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, kanino ba natin ito ibibigay? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento