14 Agosto 2023
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria
[Pagmimisa sa Bisperas]
1 Cronica 15, 3-4. 15-16; 16, 1-2/Salmo 131/1 Corinto 15, 54b-57/Lucas 11, 27-28
This faithful photographic reproduction of the painting (Between c. 1485 and c. 1850) Mary Queen of Heaven by the Master of the Legend of Saint Lucy (circa 1435–1506/1509), as well as the actual work of art itself from the National Gallery of Art in Washington D.C., is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Ang mga Pagbasa para sa Bisperas ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria ay nakasentro sa dapat nating asamin at paghandaang mabuti bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno, dapat nating asamin ang biyaya ng buhay na walang hanggan kapiling Siya sa langit. Dapat nating paghandaan ang buhay sa kabila, sa piling ng Diyos sa langit, habang namumuhay at naglalakbay tayo sa mundong ito. Katulad ito ng paghahanda ng ating mga sarili na kamtin ang mga pinapangarap at inaasam sa buhay dito sa mundong ito. Ganyan rin dapat tayo kasigasig pagdating sa ating mga espirituwal na pamumuhay. Asamin natin ang buhay na walang hanggan sa piling ni Jesus Nazareno sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit at ngayon pa lamang ay magsimula tayong maghanda nang puspusan para sa buhay na walang hanggan sa langit kapiling ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagiging banal, tapat, at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin habang tayo'y namumuhay at naglalakbay dito sa mundong ito nang pansamantala.
Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang pagdadala sa Kaban ng Tipan sa lugar na inilaan para dito na walang iba kundi ang toldang inihanda ni Haring David. Gaya ng Kaban ng Tipan sa Lumang Tipan, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay iniakyat rin sa langit nang dumating ang wakas ng kaniyang buhay dito sa mundo. Hindi lamang ang kaluluwa ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang iniakyat sa langit kundi pati na rin ang mismo niyang katawan sapagkat siya mismo ang Kaban ng Bagong Tipan. Ito ay dahil nanahan sa kaniyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan bago isilang sa mundong ito ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno. Noong iakyat sa langit ang Mahal na Ina, ang langit ay nagalak at nagsaya. Katunayan, ang galak at saya sa langit noong iniakyat roon ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay higit pa sa galak at saya ng mga tao sa Unang Pagbasa. Dahil dinala niya ang Poong Jesus Nazareno, ang ipinakilala sa Ikalawang Pagbasa bilang Diyos na nagkamit ng tagumpay laban sa kamatayan, nagalak ang tanang nasa langit nang iakyat si Maria.
Paano tayo mapapabilang sa mga banal na buong galak na nagpupuri, umaawit, at sumasamba sa Panginoong Diyos magpakailanman sa langit, gaya ng inilarawan sa isa sa mga taludtod sa Salmong Tugunan? Tanggapin ang paanyaya ng Panginoong Diyos na makapiling Siya sa langit magpakailanman sa pamamagitan ng araw-araw na pakikinig at pagsunod sa Kaniyang kalooban. Kapag pinakinggan at tinupad natin ang Salita ng Diyos na naghahayag ng Kanyang plano at kalooban para sa atin, ating tinatanggap nang taos-puso ang paanyaya Niya sa atin na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Sa pamamagitan nito, dinadala natin sa ating mga puso ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Nais ba nating makapiling ang Poong Jesus Nazareno? Makinig at sumunod sa mga utos at loobin Niya para sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento