Sabado, Hulyo 8, 2023

ANG DAHILAN KUNG BAKIT MAY SIMBAHAN

21 Hulyo 2023 
Biyernes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Exodo 11, 10-12. 14/Salmo 115/Mateo 12, 1-8 

SCREENSHOT: QUIAPO CHURCH OFFICIAL - 6PM #OnlineMass - 02 July 2023 13th Sunday in Ordinary Time (Facebook Live and YouTube)

Bilang mga Katoliko, tiyak na maraming ulit na nating tinalakay at pinagnilayan ang temang nais pagtuunan ng pansin ng Simbahan sa araw na ito ng Biyernes. Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Panginoon sa ilalim ng Kanyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay muling nakasentro sa Kanyang biyaya, pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob. Oo, maraming ulit na natin itong naririnig at maraming ulit na rin nating pinagnilayan ang paksang ito. Subalit, dahil itinatampok ang banal na imahen o larawan ni Kristo na nagpasan ng Banal na Krus, nararapat lamang na ituon muli ang ating mga isipan at puso sa katotohanang ito. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang mga utos ng Panginoong Diyos kina Moises at Aaron tungkol sa pagdiriwang ng Paskuwa. Ipinagdiriwang ang Paskuwa upang gunitain ang pasiya ng Diyos na iligtas ang bayang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Kahit maaari na lamang pabayaan ng Panginoong Diyos na manatiling mga alipin ng mga Ehipsiyo ang mga Israelita magpakailanman, ipinasiya pa rin Niya silang iligtas at palayain dahil sa Kaniyang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob. Dahil sa pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob ng Panginoon na tunay nga namang dakila't walang kapantay, ang mga biyaya ng kaligtasan at kalayaan ay ipinagkaloob Niya sa mga Israelita. Ito rin ang inilarawan sa Salmong Tugunan. Ang Panginoong Diyos ay tunay ngang mahabagin at mapagpala. Isinasalamin ng mga biyaya ng Panginoong Diyos ang Kanyang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob.

Ang pahayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay isang pahayag ng pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob ng Diyos. Katunayan, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno mismo ay ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos. Ito ay dahil sa pamamagitan mismo ng Panginoong Jesus Nazareno, ang sangkatauhan ay iniligtas ng Diyos. Hindi ito nangangahulugang si Jesus Nazareno ay kumukunsinti sa lantarang paglabag sa mga utos. Bagkus, ipinapakita ng Panginoong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pahayag na ito na batid Niya ang pangangailangan ng lahat ng mga tao. Dahil dito, pinahintulutan Niya ang mga alagad na mangitil ng mga uhay at kainin ang mga butil nito. Kung tutuusin, araw-araw nga itong ginagawa ng Poon sa tuwing ipinagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya o Misa. Ang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ay Kaniyang ibinibigay sa atin sa Banal na Misa bilang espirituwal na pagkain at inumin ng lahat. 

Maraming ulit na nating pinagnilayan bilang mga Katoliko ang biyaya, pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos. Subalit, ang katotohanang ito ay ipinapaalala sa atin muli ng Simbahan sapagkat ito ang dahilan kung bakit iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Tayong lahat ay iniligtas ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno dahil ang Diyos ay mapagpala, mapagmahal, at mahabagin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento