13 Agosto 2023
Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
1 Hari 19, 9. 11-13a/Salmo 84/Roma 9, 1-5/Mateo 14, 22-33
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1590s) St Peter Walking on the Water by Alessandro Allori (1535–1607), as well as the actual work of art from the Uffizi Gallery via the Web Gallery of Art is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
"Sagipin Ninyo ako, Panginoon!" (Mateo 14, 30). Ito ang mga salitang binigkas ng unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro habang nalulunod sa tubig sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Bagamat ang mga salitang ito ay binigkas ni Apostol San Pedro dahil sa takot habang unti-unting nalulunod sa tubig, ang mga salitang ito ay mayroong ugnayan sa mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Banal na Ebanghelyo. Katunayan, ang pagninilay ng Simbahan para sa Linggong ito ay nakasentro sa mga salitang binigkas ni Kristo sa Ebanghelyo. Una, "Huwag kayong matakot, si Hesus ito" (Mateo 14, 27). Pangalawa, "Napakaliit ng iyong pananalig . . . Bakit ka nag-alinlangan?" (Mateo 14, 31)
Nakasentro sa pagiging maaasahan ng Diyos sa lahat ng oras ang mga Pagbasa para sa Linggong ito. Walang oras o sandali na binigo ng Panginoong Diyos ang sinumang tao sa mundong ito, lalung-lalo na yaong mga taong naglilingkod sa Kaniya nang may buong pusong pananalig, pagsamba, pagtalima, pagmamahal, at katapatan sa Kanya. Kung mayroong mga oras na hindi maaasahan ang tao o kaya naman mga taong hindi dapat asahan, ang Panginoon ay tunay ngang maaasahan ng lahat sa lahat ng oras. Tunay ngang maaasahan ang Panginoong Diyos sa lahat ng oras.
Ang pagiging maaasahan ng Diyos sa lahat ng oras ay pinatotohanan ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito. Isinalungguhit ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito na dahil sa Kaniyang pag-ibig at kagandahang-loob, inililigtas ng Diyos ang lahat. Ang pagiging maaasahan ng Diyos ay tanda o sagisag ng Kaniyang pag-ibig para sa atin. Tunay ngang maaasahan ang Diyos sa lahat ng oras at panahon sapagkat tunay Niya tayong minamahal at kinahahabagan.
Ipinakita ng Panginoong Diyos ang Kaniyang pag-ibig kay Propeta Elias sa bundok ng Horeb sa Unang Pagbasa. Matapos magtungo sa bundok ng Horeb dahil sa takot kay Reyna Jezebel, ipinaramdam ng Panginoong Diyos kay Elias ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa pamamagitan ng isang banayad na tinig na sinundan naman ng propetang ito na Kaniyang hinirang. Sa pamamagitan nito, pinalakas ng Diyos ang loob ng Kaniyang Propetang si Elias. Ginawa Niya ito dahil sa Kaniyang pag-ibig na siyang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang ipakilala ang Kanyang sarili sa tanan bilang maaasahang Panginoon at Manunubos kahit na may mga oras at sandaling ang mga tao ay hindi maaasahan dahil sa kanilang mga pagkukulang, kahinaan, at kasalanan.
Pinatotohanan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung paanong pinalakas ng Diyos ang kaniyang puso at loobin. Ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng lahat ng mga pag-uusig at pagsubok sa kaniyang buhay bilang apostol at misyonero sa mga Hentil ay nanatili pa rin siyang tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa huli. Dahil dito, ipinahayag ni Apostol San Pablo ang kanyang kalungkutan para sa kanyang mga kababayan sapagkat nais niyang maranasan rin nila kung paano pinalakas ng Diyos ang kanyang puso at loobin. Sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kaniyang puso at loobin, lalo lamang namangha si Apostol San Pablo sa katapatan ng Panginoon. Ang tanging naisin ni Apostol San Pablo ay mamulat at mamangha rin ang kaniyang mga kababayan sa walang maliw na katapatan ng Diyos.
Bagamat nag-alinlangan si Apostol San Pedro noong una, ipinasiya pa rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na iligtas ang alagad Niyang ito sa Ebanghelyo. Ipinakita ni Jesus Nazareno sa pamamagitan nito na kahit sa mga mahihina o mayroong mga maliliit na pananalig ay makikinabang rin sa pagiging maaasahan ng Panginoon. Ang pagiging maaasahan ng Panginoong Diyos ay hindi Niya ipagkakait sa mga mahihina o maliliit ang pananalig. Bagkus, ipapakita pa rin ito sa kanila ng Panginoong Diyos upang sa pamamagitan nito ay lalo pang lumalim, lumago, at lumakas ang pananalig at pag-asa nila sa Kanya. Sa gayon, ipinapakilala o ipinapaalala ng Mahal na Poon ang Kaniyang sarili sa kanila bilang maaasahang Panginoon at Manunubos.
Tayong lahat ay tunay na mapalad sapagkat ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay maaasahan natin sa lahat ng oras. Habang tayo'y namumuhay at naglalakbay nang pansamantala sa mundong ito, mayroon tayong Panginoon, Diyos, at Manunubos na tunay nga nating maaasahan. Hindi Niya bibiguin kailanman dahil tunay Niya tayong minamahal at kinahahabagan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento