Huwebes, Hulyo 6, 2023

MALAPIT SA KANYANG MGA LINGKOD NA TAPAT

14 Hulyo 2023 
Biyernes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Paggunita kay San Camilo ng Lellis, pari 
Genesis 46, 1-7. 28-30/Salmo 36/Mateo 10, 16-23 

Screenshot: #QuiapoChurch Official 5PM #OnlineMass - 28 June 2023 (Wednesday)
(Quiapo Church Facebook Live and YouTube)

"Nasa D'yos ang kaligtasan ng mga matuwid at banal" (Salmo 36, 39a). Inilarawan sa mga salitang ito sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ang temang nais talakayin at pagnilayan ng Simbahan sa araw na ito. Ang temang ito ay walang iba kundi ang pagiging malapit ng Panginoong Diyos sa Kanyang mga tapat na lingkod. Tunay nga Siyang malapit at maaasahan ng lahat ng mga deboto at mananampalatayang buong katapatang maglilingkod sa Kanya hanggang sa huli. Sa pamamagitan nito, muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan kung sino nga ba talaga ang dapat nating panigan at paglingkuran nang buong katapatan hanggang sa huli - ang Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nagbitiw ng isang pangako kay Jacob na kilala rin bilang si Israel. Ipinangako ng Diyos kay Jacob na tinatawag ring Israel na lagi Niya silang sasamahan sa kanilang paglalakbay patungong Ehipto upang doon ay makapiling muli ang kanyang anak na si Jose matapos magkahiwalay sila sa loob ng napakahabang panahon at makaligtas rin mula sa taggutom. Hindi lamang iyon ang ipinangako ng Diyos kay Jacob. Ipinangako rin ng Diyos na si Jose ay makakapiling ni Jacob sa sandali ng paglisan ni Jacob sa mundong ito. Tinupad nga ng Diyos ang mga pangakong ito na Kanyang binitiwan kay Jacob. 

Isang pangako para sa mga apostol ang binitiwan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Kung tutuusin, ang pangakong binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay hindi lamang para sa mga apostol kundi para sa buong Simbahan. Ang sabi ng Panginoong Jesus Nazareno ay hindi pababayaan ng Espiritu Santo ang Simbahan. Hindi pababayaan ng Diyos ang tunay na Simbahan sa panahon ng matitinding krisis, pag-uusig, at pagsubok. Laging kasama ng Simbahan ang Panginoong Diyos sa lahat ng oras. Patunay lamang ito na maaasahan ngang tunay at totoo ang Panginoong Diyos sa lahat ng pagkakataon. 

Kung naghahanap tayo ng tunay na maaasahan sa lahat ng oras, ang Diyos ay laging nariyan. Lagi Niya tayong sasamahan, tutulungan, papatnubayan, ipagsasanggalang, at ililigtas sa bawat sandali ng ating buhay dito sa mundong ito. Hinding-hindi Niya tayo bibiguin at pababayaan kailanman. Ang dapat lamang natin gawin ay pumanig sa Kanya at paglingkuran Siya nang taos-puso at nang buong katapatan hanggang sa huli. Ihandog natin ang ating mga sarili sa Kanya bilang Kanyang mga lingkod. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento