4 Agosto 2023
Paggunita kay San Juan Maria Vianney, pari
Levitico 23, 1. 4-11. 15-16. 27. 34b-37/Salmo 81/Mateo 13, 54-58
Screenshot: #QuiapoChurchOfficial - 10 AM #OnlineMass - 16 July 2023, 15th Sunday in Ordinary Time (Facebook Live and YouTube)
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata kay Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, ay nakasentro sa tapat at taos-pusong pagtanggap sa Kanya. Nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na magkaroon tayo ng isang malalim at tapat na ugnayan sa Kanya. Bagamat tayong lahat, bilang tao, ay mga hamak na nilalang na mamamatay rin balang araw habang si Jesus Nazareno naman ay tunay na Diyos na walang hanggan, nais pa rin Niyang magkaroon ng isang malalim at tapat na relasyon sa atin. Hinahangad ng Panginoong Jesus Nazareno ang tapat at taos-puso nating pagtanggap, pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Kaniya bilang Diyos, Panginoon, at Manunubos. Kahit hindi naman Niya ito kailangan sapagkat Diyos naman Siya habang tayo naman ay mga makasalanan, hangad pa rin Niya ito sapagkat tunay Niya tayong kinahahabagan at minamahal.
Sa Unang Pagbasa, inilahad ng Panginoong Diyos kay Moises na Kanyang lingkod ang mga dapat niyang ipahayag sa mga Israelita tungkol sa mga araw ng pagsamba sa Kanya at kung paano Siya sasambahin ng mga Israelita Inilahad ng Diyos kay Moises ang Kanyang mga utos at alituntunin tungkol sa gagawin ng lahat ng mga Israelita pagsapit ng Araw ng Pamamahinga at pati na rin sa iba pang mga araw na itinakda o inilaan para sa pagsamba sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas bilang bayang hinirang at binuklod Niya mismo. Sa pamamagitan nito, inihahayag ng bayang Israel nang taos-puso ang kanilang pagtanggap, pananalig, pag-ibig, at pagsamba para sa Diyos na Panginoon at Manunubos.
Pagtanggap, pagpaparangal, pananalig, pag-ibig, at pagsamba sa Panginoong Diyos ang temang pinagtuunan ng pansin sa Salmong Tugunan. Inanyayahan ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang lahat na buong galak at siglang mag-alay sa Diyos ng mga awit ng papuri, parangal, at pagsamba sa Kanya (Salmo 81, 2a). Ito ay isang napakagandang pagkakataon para sa atin upang ipahayag nang malakas ang taos-puso at dalisay nating pananalig, pag-ibig, parangal, pagtanggap, at pagsamba sa Panginoong Diyos na Siyang nagdulot ng kaligtasan sa atin.
Taliwas nito ang isinalaysay sa Mabuting Balita para sa araw na ito. Sa Ebanghelyo, inilarawan kung paanong ang Poong Jesus Nazareno ay hindi tinanggap ng Kaniyang mga kababayan sa Nazaret. Bagamat Siya'y taga-Nazaret (na siyang tanging dahilan kung bakit kilala Siya bilang Nazareno), ang Poong Jesus Nazareno ay hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Ang mga kababayan ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay hindi nagbukas ng kanilang mga puso sa Kaniya. Dahil dito, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay labis na nasaktan.
Nais ng Panginoong Diyos na magkaroon ng isang malalim na ugnayan sa atin. Tayo ba, hangad rin ba nating magkaroon ng isang malalim at tapat na ugnayan sa Kaniya? Buong puso at katapatan nga ba natin Siyang tatanggapin, pararangalan, pupurihin, at sasambahin?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento