29 Hulyo 2023
Paggunita kina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro
1 Juan 4, 7-16/Salmo 33/Juan 11, 19-27 (o kaya: Lucas 10, 38-42)
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1514 and 1519) The Resurrection of Lazarus by Juan de Flandes (1450–1519), as well as the actual work of art itself from the Museo del Prado, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, due to its age.
Mayroong dalawang Pagbasa na maaaring gamitin para sa Ebanghelyo sa Misa para sa araw na ito, ang araw na inilaan ng Simbahan upang gunitain ang magkapatid na taga-Betania na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro. Sa isa sa dalawang Pagbasa para sa Ebanghelyo, inilahad ang pag-uusap ng Panginoong Jesus Nazareno kay Santa Marta kung saan ipinakilala Niya sa kaibigan Niyang ito na nagdadalamhati dahil sa pagpanaw ng kanyang kapatid na lalaki na si San Lazaro ang Kaniyang sarili bilang Muling Pagkabuhay at Buhay (Juan 11, 25). Ang pagdalaw ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa bahay ng mga kaibigan Niya sa Betania ay isinalaysay naman sa alternatibong Ebanghelyo para sa araw na ito.
Bagamat nakatuon sa dalawang magkaibang kaganapan sa buhay ni Jesus Nazareno ang dalawang salaysay na ito na itinatampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito, isa lamang ang puntong nais isalungguhit, talakayin, at pagnilayan. Ang aral o puntong nais bigyan ng pansin ay walang iba kundi ang pananalig at pagsunod sa kalooban ng Diyos bilang pagpapahayag ng pagtanggap sa paanyaya ni Kristo upang maging mga tapat na tagasunod at kaibigan Niya.
Inilahad sa Unang Pagbasa ang dahilan kung bakit ipinasiya ni Jesus Nazareno na lagi tayong bigyan ng pagkakataong maging Kanyang mga tagasunod at kaibigan. Dahil sa Kanyang pag-ibig, ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na anyayahan tayo maging Kanyang mga tagasunod at kaibigan. Habang patuloy na namumuhay at naglalakbay dito sa mundong ito nang pansamantala lamang ang bawat isa sa atin, lagi tayong binibigyan ng pagkakataong tanggapin ang paanyaya ng Panginoong Jesus Nazareno upang maging Kanyang mga tapat na tagasunod at kaibigan.
Paano natin maipapahayag nang malakas ang ating pagtanggap sa paanyayang ito sa atin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno? Sabi sa Unang Pagbasa, ibigin ang Diyos at ibigin rin ang kapwa. Mag-ibigan tayo sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Kapag ito ang ating ipinasiyang gawin, binibigyan natin ng pahintulot at pagkakataon ang Diyos na manahan sa atin (1 Juan 4, 7. 13. 16). Gaya ng sabi ng Panginoong Jesus Nazareno sa alternatibong Ebanghelyo, ito ang "lalong mabuti" (Lucas 10, 42). Mayroon pa ngang pangako ang Poong Jesus Nazareno sa isa sa dalawang Ebanghelyo para sa araw na ito: "Ang [mga] nananalig sa Akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa Akin, kahit mamatay ay mabubuhay kailanman" (Juan 11, 25-26). Ipinapahayag natin sa pamamagitan ng ating pananalig na isinasalamin ng taos-puso nating pakikinig at pagtalima sa mga utos at loobin ng Diyos ang taos-puso nating pagtanggap sa paanyayang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging Kaniyang mga tagasunod at kaibigan. Kapag ito ay ipinasiya nating gawin, ang biyaya ng bagong buhay na mula lamang sa Nuestro Padre Jesus Nazareno ay Kanyang ipagkakaloob sa atin.
Tinanggap nina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ang paanyaya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na magkaroon ng isang malalim na relasyon o ugnayan sa Kaniya bilang Kaniyang mga minamahal na kaibigan. Katulad nila, binibigyan tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging Kanya ring mga tagasunod at kaibigan. Ano ang ating pasiya?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento