Huwebes, Hulyo 13, 2023

HINDI SIYA NAWAWALAN NG PAG-ASA PARA SA ATIN

23 Hulyo 2023 
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Karunungan 12, 13. 16-19/Salmo 85/Roma 8, 26-27/Mateo 13, 24-43 (o kaya: 13, 24-30) 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1604) Landscape with Herdsmen and Satan Sowing Darnel by Abraham Bloemaert (1564–1651), as well as the actual work of art itself from the Hermitage Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States of America, due to its age. 

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakasentro sa habag at awa ng Diyos. Tila pinaalalahanan tayo ng Simbahan tungkol sa katotohanang ito. Bagamat ilang ulit na nating tinalakay at pinagnilayan ang misteryong ito tungkol sa Panginoong Diyos, ipinasiya ng Simbahan na muling bigyan ng pansin at pagnilayan ang misteryong ito upang ipaalala sa atin ang katangiang ito ng Diyos. Katunayan, ipinapaalala sa atin ng Simbahan ang dahilan kung bakit nabubuhay pa tayo sa kasalukuyan. Patuloy tayong humihinga at namumuhay sa mundong ito dahil niloob ito ng Diyos. Niloob Niya ito dahil tunay nga Siyang mahabagin, maawain, at mapagmahal sa atin. 

Tiyak na maraming ulit na nating narinig ang kasabihang "Matagal mamatay ang mga masasamang damo." Ibig sabihin, mahahaba ang buhay ng mga taong lubos-lubos ang kasamaan. Marahil minsan ay naitanong rin natin ang ating mga sarili kung bakit ganyan ang buhay sa mundong ito. Bakit nga ba mahahaba ang buhay ng mga taong ubod ng kasamaan habang ang buhay ng mga taong mabubuti at busilak ang puso, budhi, o loobin ay tila maiikli? Dahil sa katotohanang ito, tila nawawalan na tayo ng ganang magsikap maging mabuti at banal. Ano pa nga ba ang saysay o kabuluhan ng pagpapakabuti at pagpapakabanal kung mahahaba naman ang buhay ng mga taong lubos-lubos at sobra-sobra ang kasamaan? Bakit pa natin pahihirapan ang ating mga sarili kung iyon naman ang katotohanan ng buhay sa mundong ito? 

Isinasalamin ng hikayat o himok ng mga alipin ng puno ng sambahayan na naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid sa talinghagang isinalaysay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang uri ng pag-iisip at lohika natin bilang mga tao sa mundong ito. Nais nating mawala sa mundo ang lahat ng mga taong walang ibang ginawa kundi magpalaganap ng kasamaan. Subalit, parang wala namang nangyayari sa kanila. Malakas pa rin sila, kahit mayroong ilan sa kanila na may edad na, at buong laya pa silang nakakalakad at nakakapagpunta sa mga lugar na nais nilang puntahan. Parang wala na talagang katarungan o kaya isa na lamang kathang-isip, guni-guni, o teorya. 'Di hamak na mas nakakalungkot na isiping teorya o konsepto lamang ang katarungan dahil ang ibig sabihin nito ay nabigo tayo sa pagbuo ng teoryang ito at ang ating pagpapagal at pagsisikap buuin ito ay nauwi sa wala. Ang ating mga pawis, hininga, lakas, at luha ay inaksaya natin para sa wala. 

Bakit nga ba tila mahahaba ang buhay ng mga taong masasabi nating maiitim ang loobin? Ipinapaliwanag sa mga Pagbasa, lalung-lalo na sa Ebanghelyo, ang dahilan kung bakit. Ang Diyos ay hindi nawawalan ng pag-asa para sa lahat ng tao. Gaano mang kasama ang isang tao, may pag-asa pa rin siyang magbalik-loob sa Diyos at tahakin ang landas ng kabutihan at kabanalan habang nabubuhay at naglalakbay dito sa mundong ito. Patuloy na nagbibigay ng mga pagkakataon sa bawat tao ang Diyos upang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya habang nabubuhay pa tayo sa daigdig na ito.

Kung susundin ang ating lohika bilang tao, na isinasalamin ng mga alipin ng puno ng sambahayan sa talinghagang isinalaysay ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Linggong ito, wala tayo sa mundong ito. Walang taong mamumuhay dito sa mundong ito kung ang lohikang ito ay masusunod. Tandaan, biyaya, pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob ng Diyos ay ang dahilan kung bakit namumuhay tayo sa daigdig na ito, kahit pansamantala lamang ito. Gaya nga ng sabi ng Panginoong Jesus Nazareno sa isa sa Kanyang mga pangaral sa mga tao: "Pinasisikat ng Diyos Ama ang araw sa mga masasama at mabubuti, at pinapatak Niya ang ulan sa mga banal at mga makasalanan" (Mateo 5, 45). Iyan ang Panginoong Diyos. Dahil sa Kanyang pag-ibig, biyaya, awa, habag, at kagandahang-loob, patuloy Niya tayong pinagkakalooban ng pagkakataong magbagong-buhay, magbalik-loob sa Kanya, at maging mabuti at banal. Isinasalamin ito ng mga salita ng puno ng sambahayan sa talinghaga ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Linggong ito: "Huwag . . . Baka mabunot pati trigo. Hayaan na'ng lumago kapwa hanggang anihan" (Mateo 13, 29-30). 

Nakasentro sa biyaya, pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob ng Diyos ang mga salitang inilahad sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito. Dahil sa biyaya, pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob ng Diyos, pinagkakalooban Niya ng pagkakataong makapagsisi at magbalik-loob sa Kanya ang Kanyang bayan (Karunungan 12, 19). Ito rin ang pinatotohanan ng mang-aawit sa Salmong Tugunan nang kanyang ipahayag: "Poon, Ikaw ay mabuti sa lahat ng nagsisisi" (Salmo 85, 5a). Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na lagi tayong tinutulungan ng Espiritu Santo, lalung-lalo na sa mga sandali ng kahinaan. Ang dakilang biyaya, pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob ng Diyos ay buong linaw na inilarawan sa talinghagang inilahad ni Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. 

Dahil sa biyaya, pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob ng Diyos, patuloy Niya tayong pinagkakalooban ng pagkakataong maging mabuti, banal, at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Hindi Siya magsasawang gawin ito habang ang bawat isa sa atin ay patuloy na namumuhay at naglalakbay nang pansamantala dito sa mundong ito. Ito ay dahil hindi Siya nawawalan ng pag-asa para sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento