Huwebes, Agosto 3, 2023

INSTRUMENTO NG DIYOS

16 Agosto 2023 
Paggunita kay San Roque, nagpapagaling 
Deuteronomio 34, 1-12/Salmo 65/Mateo 18, 15-20 

This faithful reproduction of the painting (c. Between 1600 and 1610) San Roque by Francesc Ribalta (1565–1628), as well as the actual work of art itself from Museu de Belles Arts de València in Valencia, Spain, is in the Public Domain ("No Copyright") in its area of origin as well as other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Kilala si San Roque bilang Pintakasi laban sa mga salot at peste. Ayon sa kaniyang talambuhay, isinilang siyang may tanda o sagisag ng Banal na Krus sa dibdib. Bukod pa riyan, noong magkaroon ng isang malaki at malubhang salot o peste sa kaniyang bayan, gumagaling ang lahat ng kaniyang mga nilalapitan o lumalapit sa kaniya. Hindi ito dahil sa sariling kapangyarihan ni San Roque mismo. Bagkus, ito ay dahil sa tanda o sagisag ng Banal na Krus. Tanda ito na hinirang siya ng Panginoong Diyos bilang isa Niyang instrumento para sa ikabubuti ng lahat. 

Ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa pagiging mga instrumento ng Panginoong Diyos. Gaya ni San Roque, mayroon rin tayong pagkakataong maging mga instrumento ng Diyos. Katunayan, ito ang nais ng Diyos para sa atin. Nais ng Diyos na mahayag at maipalaganap sa pamamagitan ng bawat isa sa atin ang Kaniyang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob. Sabi nga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo, dapat nating sikaping tulungang makapagbalik-loob sa Ama ang ating mga kapatid at kapuwang nagkasala laban sa Panginoong Diyos at sa atin (Mateo 18, 15). Dapat tayong maging mga salamin at instrumento ng Diyos. Ipaalam natin sa kanila sa pamamagitan ng ating pakikipag-usap sa kanila nang masinsinan na mahabagin at mapagmahal ang Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang pagpanaw ni Moises sa lupain ng Moab at ang pagpalit sa kaniya ni Josue habang ipinagpapatuloy ng mga Israelita ang napakahaba nilang paglalakbay patungo sa Lupang Ipinangako. Si Moises ay hindi pinahintulutang makapasok sa Lupang Pangako sapagkat nilabag niya ang mga utos ng Diyos na kausapin lamang ang mga bato upang bumukal ang tubig para sa mga tao. Sa halip, hinampas ni Moises ang mga bato gamit ang kaniyang tungkod upang bumukal ang tubig (Mga Bilang 20, 6-13). Subalit, sa kabila ng kaniyang kaninaan noong sandaling yaon, ipinagluksa at inaalala pa rin ng lahat ng tao ang kaniyang pagsisikap sa bawat oras at sandali ng kaniyang buhay maging tapat at masunurin sa Panginoong Diyos bilang Kaniyang instrumento at propeta. 

Ito ang hangarin ng Panginoong Diyos para sa atin. Sa kabila ng ating mga kahinaan dahil sa ating pagiging mga makasalanan, hangad pa rin Niyang gamitin tayo bilang Kaniyang mga instrumento. Kalooban Niyang maging Kaniyang mga instrumento ang bawat isa sa atin. Dahil dito, lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataon upang ating matanggap ang Kaniyang paanyaya sa atin na maging Kaniyang mga instrumento sa pamamagitan ng ating pagsisikap araw-araw na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin, gaya ng niloloob Niya para sa atin. 

Nais ng Diyos na gawin Niya tayong mga instrumento. Ano ang ating pasiya? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento