Sabado, Agosto 26, 2023

DAHILAN NG PAGSILANG

8 Setyembre 2023 
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria 
Mikas 5, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 (o kaya: 1, 18-23) 


This faithful photographic reproduction of the painting The Birth of the Virgin by Giuseppe Bartolomeo Chiari (1654–1727), as well as the actual work of art itself from the National Trust Collection via Art UK, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1727. 

Hindi lamang sa Pilipinas ginugunita at ipinagdiriwang nang buong galak at halaga ang araw ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria. Oo, kinikilala ang Pilipinas bilang isang Pueblo Amante De Maria ("Bayang Sumisinta kay Maria"), subalit hindi lamang sa Pilipinas idinadaos at ipinagdiriwang ang Kapistahang itinakda sa araw na ito. Ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay pandaigdigan dahil Ina rin ng buong Simbahan ang Mahal na Birheng Maria. Ito ang dahilan kung bakit sabi sa Pambungad na Antipona para sa Misa sa Kapistahang ito: "Halina't ipagdiwang ang maligayang pagsilang ni Mariang Birheng Mahal . . ." 

Tandaan, hindi sinabi sa Pambungad na Antipona para sa araw na ito "Halina, mga Pilipinong Katoliko! Ipagdiwang natin ang maligayang pagsilang ni Mariang Birheng Mahal . . ." Bagkus, ang sabi ay "Halina't ipagdiwang . . ."  Walang sinabing lahi o lipi o bansa sa Pambungad na Antipona. Patunay lamang ito na hindi lamang Ina si Maria ng mga Pilipinong Katoliko kundi ng pandaigdigang Simbahan. Anuman ang lahi, lipi, wika, bayan, o bansang kinabibilangan ninuman, inaanyayahan pa rin silang gunitain at ipagdiwang ang Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. 

Bakit pa nga ba pinapahalagahan ng Simbahan ang araw na ito? Hindi pa ba sapat ang araw ng pagsilang ng Panginoong Hesukristo, ang Nazareno? Kung tutuusin, sa pananaw ng marami, hindi naman mahalaga ang araw ng pagsilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Hindi naman siya ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos kundi ang kaniyang Anak na si Kristo Hesus. Hindi ba dapat ang pagsilang lamang ng Mahal na Poong Jesus Nazareno lamang ang dapat gunitain at ipagdiwang? Totoo namang mas mahalaga ang araw ng pagsilang ng Poong Jesus Nazareno sapagkat Siya mismo ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng buong sangkatauhan. Pero, hindi ito nangangahulugang walang saysay ang araw ng pagsilang ng Mahal na Ina dahil siya mismo ang nagluwal sa Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno, gaya ng nasasaad sa Pambungad na Antipona para sa araw na ito. 

Mayroong dahilan kung bakit ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay isinilang dito sa mundong ito. Isinilang ang Mahal na Birheng Maria sa mundong ito upang maging Ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno, ang Bugtong na Anak ng Diyos. Kung tutuusin, ang mga Pagbasa para sa Pistang buong galak na ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay nakasentro sa biyaya ng kaligtasang ipinangakong ipagkakaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni Mikas na propetang Kaniyang hirang na isisilang sa Betlehem ang ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, inilahad ang mga kaganapang kaugnay ng pagsilang ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Gaya ng Mahal na Birheng Maria, mayroon ring dahilan kung bakit isinilang tayo sa mundong ito. Mayroong misyon at tungkuling ibinigay ang Diyos sa atin. Inihayag ni Apostol San Pablo sa alternatibong Unang Pagbasa na tayong lahat ay tinawag at itinalaga ng Diyos upang maging Kaniya. Kung tutuparin natin ito, isinasabuhay natin nang buong katapatan at pananalig ang mga salita sa Salmo para sa Kapistahang buong galak na ipinagdiriwang ng buong Simbahan sa araw na ito: "Ang lubos kong kasiyahan ay magalak sa Maykapal" (Isaias 61, 10). Dagdag pa sa isa sa mga taludtod sa Salmo: "Lubos akong nananalig sa pag-ibig Mong matapat" (Salmo 12, 6a). Ito ay taos-puso nating maipapahayag kapag ang mga misyon at papel na bigay sa atin ng Diyos ay ating tinupad, katulad ng Mahal na Birheng Maria. 

Isinilang ang Mahal na Birheng Maria sa mundong ito upang maging Ina ng Bugtong na Anak ng Diyos at ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Mayroon ring dahilan kung bakit isinilang sa mundong ito ang bawat isa sa atin. Tayong lahat ay binigyan rin ng misyon, bokasyon, at tungkulin ng Diyos. Habang buong galak nating ginugunita at ipinagdiriwang bilang Simbahan ang kapanganakan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, hilingin natin sa Diyos na bigyan tayo ng lakas ng loob upang maisakatuparan natin ang bigay Niyang misyon, papel, at tungkulin na siyang dahilan kung bakit tayo isinilang sa mundo, gaya ng Mahal na Ina. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento