25 Agosto 2023
Biyernes ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Ruth 1, 1. 3-6. 14b-16. 22/Salmo 145/Mateo 22, 34-40
Pag-ibig ang temang nais pagtuunan ng pansin ng mga Pagbasa para sa araw na ito, ang araw na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Tiyak na maraming ulit na nating pinagnilayan ang temang ito bilang Simbahan. Iyon nga lamang, ito ang katotohanan sa likod ng Banal na Krus ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagamat ayon sa tradisyon ay tatlong ulit Siyang nasubasob sa daang patungong Kalbaryo dahil sa bigat ng Krus, hindi Siya sumuko at nagpatalo sa bigat nito. Sa halip na sumuko at magpatalo sa kabigatan ng Krus, alang-alang sa atin, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na pasanin pa rin ito hanggang sa makarating Siya sa bundok ng Kalbaryo na kilala rin sa tawag na Golgota kung saan Siya ipinako sa mismong Krus na pinasan Niya mula sa pretoryo.
Sa Unang Pagbasa, inilahad ang kuwento nina Noemi at Ruth. Noong ipinasiya ng iba pang mga manugang na umuwi sa sarili nilang bayan, tanging si Ruth lamang ang nagpasiyang sumama sa kaniya hanggang sa makabalik sila sa Betlehem. Ipinakita ni Ruth sa pamamagitan ng kanyang pasiyang ito ang kaniyang tapat na pag-ibig para kay Noemi na kaniyang biyenan. Sa pamamagitan rin nito, inihayag rin ni Ruth ang tapat niyang pag-ibig, pagtanggap, pagpanig, at pagsamba sa Panginoong Diyos. Sa Ebanghelyo, ang pinakamahalagang utos ay inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno bilang tugon sa tanong ng mga Pariseo tungkol sa nasabing paksa. Ito ay walang iba kundi ibigin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip at ibigin ang kapwa gaya ng sarili (Mateo 22, 38-39). Inihahayag sa pamamagitan ng pagtupad sa mga utos na ito ang tapat na papuri, pagmamahal, pagpanig, pananalig, at pagsamba sa Diyos. Ito ang tunay na pagpuri sa Diyos, gaya ng inilarawan sa Salmong Tugunan.
Bakit nga ba natin laging pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos? Ano ang saysay nito at bakit lubos natin itong pinapahalagahan? Tila lahat na lamang ay bumabalik sa misteryo ng pag-ibig ng Panginoong Diyos. Isa lamang naman ang dahilan kung bakit. Kung hindi dahil sa pag-ibig ng Diyos, walang kaligtasan para sa atin. Hindi tayo maliligtas mula sa kasalanan at kamatayan kung hindi maibigin at mahabagin ang Diyos. Dahil lamang sa dakilang pag-ibig ng Diyos, dumating sa daigdig na ito ang Poong Senor, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Banal na Krus na pinasan Niya mula sa pretoryo patungong Kalbaryo at pinagpakuan sa Kaniya sa nasabing bundok at ang maluwalhati Niyang Muling Pagkabuhay. Niloob Niyang mangyari ang lahat ng iyon dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig.
Nakaugat ang lahat ng mga utos at loobin ng Panginoong Diyos sa Kaniyang dakilang pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay lagi Niyang inaanyayahang maging mga tagapagpalaganap ng Kaniyang pag-ibig. Ano ang ating pasiya?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento