Biyernes, Agosto 25, 2023

KATAPATAN SA PANGINOON

3 Setyembre 2023 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Jeremias 20, 7-9/Salmo 62/Roma 12, 1-2/Mateo 16, 21-27 

SCREENSHOT: Quiapo Church Facebook and YouTube 

Katapatan sa Panginoon ang tema ng mga Pagbasa para sa Linggong ito. Hindi biro ang pagiging tapat sa Panginoong Diyos. Ang pagiging tapat sa Panginoon ay hindi naihahayag at napapatunayan sa pamamagitan ng mga salita lamang. Bagkus, dapat rin itong ipakita sa pamamagitan ng mga gawa. Dahil sa katotohanang ito tungkol sa pagiging tapat sa Panginoon, napakahirap itong gawin, lalung-lalo na dahil sa mga matitindi at mabibigat na mga tukso, pagsubok, at pag-uusig sa buhay dito sa mundong ito. 

Ang Poong Jesus Nazareno mismo ang nagsabi sa Ebanghelyo para sa Linggong ito na napakahirap maging Kaniyang mga tagasunod. Katunayan, ang misyon ng Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay napakahirap rin para sa Kaniya, gaya ng Kaniyang inilarawan sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Hindi basta-basta lamang magagawa ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kagustuhan upang mailigtas ang sangkatauhan. Bagkus, bilang Mesiyas at Manunubos, kinailangan ng Poong Jesus Nazareno na harapin at tiisin ang maraming hirap, sakit, pag-uusig, at kamatayan sa Krus na Banal bago ang Kaniyang matagumpay na pagbangon mula sa libingan sa ikatlong araw kung kailan ang Kaniyang Muling Pagkabuhay ay naganap. Gaya ng Poong Jesus Nazareno, maraming hirap, tiisin, sakit, pagdurusa, at pag-uusig sa buhay dito sa daigdig ang haharapin at titiisin natin bilang mga tapat na tagasunod Niyang sumasamba sa Kaniya nang buong pananalig at katapatan. 

Inilarawan ni Propeta Jeremias sa kaniyang pahayag at dalangin sa Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito sa katotohanan ng kaniyang mga karanasan bilang propeta. Bilang propeta ng Diyos, si Propeta Jeremias ay hindi tinanggap ng nakararami sa lipunan noon. Katunayan, laging nanganganib ang buhay ni Propeta Jeremias dahil binalak siyang ipapatay ng marami mula sa mayroong matataaas na antas at posisyon sa lipunan noon dahil ang katotohanang nagmumula sa Diyos ay walang takot niyang ipinapahayag at ipinangangaral sa lahat. 

Katulad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo at ni Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nakaranas rin ng maraming hirap, sakit, at tiisin sa bawat sandali ng kaniyang misyon bilang apostol at misyonero. Subalit, ang pakiusap ni Apostol San Pablo sa lahat ng mga Kristiyano sa Ikalawang Pagbasa ay manatiling tapat sa Diyos. Gaano mang kahirap gawin ito, kailangan pa rin natin itong gawin sapagkat sa pamamagitan nito ay naipapahayag natin ang tunay at taos-puso nating pananabik para sa Diyos, gaya ng inilalarawan sa Salmong Tugunan (Salmo 62, 2b). 

Ang pagiging tapat sa Panginoon ay napakahirap. Subalit, kung tunay nating iniibig, pinananaligan, sinasampalatayanan, at sinasamba ang Panginoon, magiging tapat tayo sa Kaniya. Sisikapin nating maging tapat sa Kaniya hanggang sa huling sandali ng ating buhay sa mundo. Gaano mang kahirap itong gawin, gagawin pa rin natin iyon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento