Biyernes, Agosto 11, 2023

HINDI TAYO ANG MAY-ARI

27 Agosto 2023 
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 22, 19-23/Salmo 137/Roma 11, 33-36/Mateo 16, 13-20 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1481-82), Christ Handing the Keys to St. Peter by Pietro Perugino (1448–1523), as well as the actual work of art itself in the Cappella Sistina in the Vatican, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 


Maaari nating ilarawan ang paksa o temang nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa Linggong ito gamit ang mga salitang binigkas nang malakas at nang buong pananalig at tiwala ni Job matapos ang pagpanaw ng kaniyang mga anak at ang lahat ng kaniyang mga kayamanan ay maubos: "Ang Panginoon ang nagbibigay, Siya rin ang kukuha. Purihin ang Panginoon!" (Job 1, 21). Nakasentro sa mga salitang ito ang mga Pagbasa para sa Linggong ito. Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay tungkol sa kapangyarihan ng Panginoong Diyos na magbigay at bumawi ng lahat. Isa lamang ang dahilan nito - Siya mismo ang may likha at may-ari ng lahat. 

Nakasentro ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa sa dahilan kung bakit ang Panginoong Diyos ay mayroong kapangyarihang magbigay at bumawi ng mga biyayang kaloob Niya. Sabi ni Apostol San Pablo sa huling bahagi ng kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa: "Sapagkat mula sa Kaniya at sa pamamagitan Niya at sa Kaniya ang lahat ng bagay" (Roma 11, 36). Katulad ng pahayag ni Job, ang mga salitang ito ni Apostol San Pablo ay isang mahalagang paalala para sa ating lahat. Hindi tayo ang may-ari ng mga bagay na nakikita natin sa mundong ito. Bagkus, ang tunay na may-ari ay walang iba kundi ang Diyos. Tayo'y mga katiwala lamang. Dahil dito, ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang Kaniyang mga biyaya. Siya ang may-ari ng lahat ng ito, hindi tayo. Katiwala lamang tayo ng mga biyayang ito. 

Inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias na Kaniyang hirang sa Unang Pagbasa na aalisin Niya si Sabna na katiwala ng palasyo ng hari ng Israel noon na si Haring Ezequias. Ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Panginoong Diyos na gawin iyon ay ang pag-abuso ni Sabna ng kaniyang kapangyarihan bilang katiwala ng palasyo ng hari ng Israel na si Haring Ezequias. Iyon ang parusa sa kaniya ng Diyos. Bilang parusa, aalisin ng Diyos si Sabna mula sa kaniyang posisyon at itatalaga bilang kaniyang kapalit si Eliaquim na anak ni Helcias (Isaias 22, 20). Katiwala ng palasyo ng hari lamang si Sabna, ngunit dinaig pa niya ang mismong hari ng Israel kung kumilos at umasta. Nagagawa naman ng pagiging sakim. Ito ang dahilan kung bakit binawi ng Diyos mula kay Sabna, ang katiwala sa palasyo ng hari ng Israel na si Ezequias, ang lahat ng mga kayamanan at kapangyarihan kaakibat ng kaniyang posisyon. 

Sa Ebanghelyo, ipinagkatiwala ng Panginoong Jesus Nazareno kay Apostol San Pedro ang mga susi sa kaharian ng langit. Ito ay tanda ng kapangyarihang ibinigay ng Poong Jesus Nazareno kay Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahang Siya mismo ang nagtatag. Sa pamamagitan nito, pinagkalooban ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro at ang mga hahalili sa kaniya bilang Santo Papa ng Simbahan ng kapangyarihan bilang Kaniyang kinatawan o bikaryo sa mundong ito. Ipagpapatuloy ng Simbahan sa pangunguna ng Bikaryo ni Kristo Hesus na walang iba kundi ang Santo Papa ang Kaniyang misyon na ipalaganap sa lahat ang Mabuting Balita tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa tanan sa pamamagitan mismo ng Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. 

Bakit tayo binibigyan ng Diyos ng mga pagkakataong maging mga katiwala ng mga kaloob Niyang biyaya? Ipinaliwanag sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit ito ipinasiyang gawin ng Diyos. Sabi sa Salmo, "Pag-ibig Mo'y di kukupas, gawain Mo'y magaganap" (Salmo 137, 8bk). Dahil sa pag-ibig ng Diyos, niloob Niyang bigyan ng pagkakataon ang bawat isa sa atin na maging mga katiwala ng mga biyayang kaloob Niya sa atin. Ang buhay natin dito sa mundo na pansamanta lamang ay isang halimbawa nito. Kahit hindi tayo karapat-dapat sa dakilang biyayang ito, ipinasiya pa rin sa atin ng Diyos na ipagkaloob at ipahiram sa atin ang biyayang ito. Gamitin natin sa mabuti ang biyayang ito ng ating buhay sapagkat iyon ang ating papel, misyon, at tungkulin bilang mga katiwala ng Diyos. 

Ang lahat ng mga bagay na nakikita at hindi natin nakikita ay pag-aari ng Diyos. Siya mismo ang tunay na may-ari ng lahat ng ito. Tanging Siya lamang at wala nang iba. Huwag nating kakalimutan ang katotohanang ito sapagkat tayong lahat ay mga katiwala lamang ng Diyos. Pag-aari ng Diyos ang lahat ng ito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento