Biyernes, Agosto 4, 2023

LAYUNIN NG MGA BOKASYON

18 Agosto 2023 
Biyernes ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon [I] 
Josue 24, 1-13/Salmo 135/Mateo 19, 3-12 

SCREENSHOT: #QuiapoChurchOfficial Official 9AM #OnlineMass - 30 July 2023 17th Sunday in Ordinary Time (Facebook and YouTube

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Panginoon sa ilalim ng Kaniyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay nakasentro sa tema ng mga bokasyon ng bawat isa sa atin. Sa pamamagitan ng ating mga bokasyon at misyon sa buhay na ibinigay sa atin ng Panginoong Diyos, tayong lahat ay nagsisilbing mga salamin at daluyan ng Kaniyang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob. Ito ang dahilan at layunin ng ating mga misyon at bokasyon. Magsilbing mga salamin ng katapatan ng Panginoong Diyos. Kung paanong naging tapat ang Panginoong Diyos sa lahat, dapat rin tayong maging tapat sa ating pag-ibig sa Kaniya at sa kapwa. 

Nakasentro ang pahayag ni Josue sa mga Israelita sa Unang Pagbasa sa misteryo ng walang hanggang katapatan ng Panginoong Diyos. Walang sandaling tinalikuran at pinabayaan ng Diyos ang Kaniyang bayang hinirang na walang iba kundi ang bayang Israel. Sa kabila ng kanilang mga kahinaan na kanilang ipinamalas noong ipinasiya nilang sambahin ang rebulto ng bakang gawa sa ginto at ang kanilang kakulangan ng pananalig sa Kaniya na inihayag nila sa pamamagitan ng kanilang mga pagrereklamo sa Kaniya nang paulit-ulit, ang Diyos ay naging tapat pa rin sa kanila. Kahit na may mga pagkakataong hindi naging tapat sa Kaniya ang Kaniyang bayan, nanatili pa ring tapat ang Panginoong Diyos. Hindi Niya sinukuan ang Kaniyang bayan. Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan, ang pag-ibig ng Panginoong Diyos "ay pangwalang-hanggan at mananatili" (Salmo 135, 1). 

Sa Ebanghelyo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagsalita tungkol sa dahilan kung bakit mayroong mga bokasyon ang bawat isa sa atin. Isa lamang ang layunin ng mga bokasyon - maging mga salamin ng walang hanggang katapatan, pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos. Dahil dito, malakas na inihayag ni Jesus Nazareno sa mga Pariseo sa unang bahagi ng Ebanghelyo para sa araw na ito na labag sa mga utos ng Diyos ang diborsyo. Layunin ng diborsyo ang ipawalang-bisa ang mga kasal. Gaya ng sabi ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Ebanghelyo: "Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao" (Mateo 19, 6). Ang mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa ikalawang bahagi ng Banal na Ebanghelyo ay tungkol naman sa bokasyon at misyon ng mga taong hindi nag-aasawa katulad na lamang ng mga pari at madre at maging ng mga nagtalaga ng sarili sa Diyos. 

Hindi lamang tungkol sa pagpapari o pagmamadre ang salitang "bokasyon." Tungkol rin ito sa buhay mag-asawa. Dapat mag-ibigan nang buong katapatan ang mga mag-asawa hanggang sa huli. Kapag ang isang tao ay nakipag-isang-dibdib, hindi na siya dapat maghanap ng iba. Ito ang dahilan kung bakit ang "Kasal" ay tinatawag rin ng Simbahan bilang "Pag-iisang-dibdib." Ang puso at kalooban ng mga magkabiyak ng puso ay nagiging isa. Dahil dito, hindi dapat maghanap ng iba ang mga mag-asawa. Bilang mga magkabiyak ng puso, dapat maging tapat sila sa isa't isa, gaya ng Diyos na nagpasiyang maging tapat sa sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit sagrado rin ang bokasyon ng mga mag-asawa. 

Bilang mga tapat na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, mayroon tayong mga bokasyon sa buhay. Ang mga bokasyon na ito ay ang mga misyong ibinigay Niya sa atin. Sa pamamagitan ng ating mga bokasyon sa buhay, ang Kaniyang tapat na pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob para sa atin na siyang dahilan kung bakit Niya ipinasan ang Banal na Krus na pinagpakuan sa Kaniya sa bundok ng Kalbaryo ay ating isinasalamin. Kung tunay tayong tapat sa ating debosyon sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, tutuparin natin nang buong katapatan ang ating mga bokasyon sa buhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento