Sabado, Agosto 5, 2023

MANHID AT WALANG PUSO?

20 Agosto 2023 
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 56, 1. 6-7/Salmo 66/Roma 11, 13-15. 29-32/Mateo 15, 21-28 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1590s) Christ and Canaanite woman by Annibale Carracci (1560–1609), as well as the actual work of art itself from the Palazzo Comunale, Parma, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1609. 

Tila isang kabalintunaan ang mga unang salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno bilang tugon sa hiling ng isang Cananeang babae na pagalingin ang kaniyang anak sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ito ay dahil ang ipinangakong Mesiyas ay ipinakilala sa Unang Pagbasa at sa Salmong Tugunan bilang isang biyaya ng Panginoong Diyos para sa lahat ng tao. Ang biyaya ng kaligtasan ay ipagkakaloob ng Diyos sa lahat ng mga tao dito sa mundong ito, anuman ang lahi, lipi, wika, bayan, o bansang kanilang kinabibilangan, sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Nakasentro rin sa katangiang ito ng Mesiyas na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ang pangaral ni Apostol San Pablo, ang apostol at misyonero sa mga Hentil, sa Ikalawang Pagbasa. Maitatanong natin, bakit gayon na lamang ang naging tugon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa babaeng Cananeang nagmamakaawa sa Kaniya bago Niyang pinagbigyan ang kaniyang hiling o dalangin sa huling bahagi ng Ebanghelyo? 

Oo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay para sa lahat. Dumating Siya upang ang buong sangkatauhan ay iligtas. Ang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Mahal na Poon sa pamamagitan ng Krus Niyang Kabanal-Banalan at Muling Pagkabuhay ay para sa lahat ng mga tao sa mundo. Subalit, tila hindi Niya pinansin o dinedma ang hiling o dalangin ng babaeng Cananea bago Niya pagbigyan ang hiling nito sa huling bahagi ng tampok na salaysay sa Ebanghelyo sapagkat nais Niyang ituro sa mga apostol ang kapangyarihan ng pananalig sa Kaniya. Dahil sa laki at kapangyarihan ng kaniyang pananalig, ang babaeng taga-Canaan ay hindi tumigil sa pagmamakaawa sa Poong Jesus Nazareno. Bagamat tila hindi siya pinansin ni Jesus Nazareno noong una, hindi tumigil sa pagmamakaawa ang babaeng taga-Canaan. 

Isa lamang ang nais ipaalala sa atin ng Poong Señor sa atin sa Linggong ito. Huwag tayong mawalan ng pananalig sa Kaniya. Ang ating pagmamakaawa, paninikluhod, at pananalangin para sa katuparan ng ating mga hiling, pangarap, at naisin sa buhay ay Kaniyang pinakikinggan. Oo, sa una, tila hindi Niya tayo pinapakinggan o kaya naman ay tinatakpan Niya ang Kaniyang pandinig. Subalit, kahit kailan, hindi tinatakpan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang pandinig sa atin. Pinakikinggan Niya ang lahat ng ating mga hiling at dalangin. Batid ng Señor kung ano ang nilalaman ng ating mga puso at loobin. Nais lamang Niya malaman kung nananalig tayo sa Kaniya nang buong-buo at taos-puso bago Niya tugunan ang ating mga kahilingan at dalangin. 

Huwag nating isiping manhid at walang puso ang Poong Jesus Nazareno. Manalig tayo sa Kaniya. Ipagkakaloob Niya sa atin ang ating pangangailangan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento