29 Agosto 2023
Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, martir
Jeremias 1, 17-19/Salmo 70/Marcos 6, 17-29
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1520) The Decollation of Saint John the Baptist by anonymous - Austrian (Tyrolean) School, as well as the actual work of art itself from the Fitzwilliam Museum via Art UK, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Isang napakahalagang kaganapan sa kasaysayan ng pagligtas ng Panginoong Diyos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay ang pagkamatay ni San Juan Bautista na hinirang upang maging tagapaghanda ng Kaniyang daraanan. Bagamat mayroon ring kahabaan ang agwat sa pagitan ng panahong bininyagan niya si Kristo sa Ilog Jordan at ng mga huling sandali ng kaniyang buhay bilang isang bilanggo sa palasyo ni Herodes Antipas bago siya ipinapatay sa pamamagitan ng pagpugot sa kaniyang ulo, ang kaganapang ito ay mahalaga pa rin. Katunayan, may isang napakahalagang aral na maaari nating matutunan sa mula sa sandaling ito na napakalungkot habang taimtim natin itong pinagninilayan at ginugunita sa araw na ito.
Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nagbigay ng isang babala sa propetang hinirang Niya na si Propeta Jeremias. Katunayan, ang babalang ito ng Panginoong Diyos kay Propeta Jeremias ay isang maikling buod ng katotohanan tungkol sa mga papel, tungkulin, at misyon ng Kaniyang mga lingkod na hinirang katulad na lamang ng mga propeta sa Lumang Tipan. Bagamat mula sa Panginoong Diyos ang kanilang mga pahayag, hindi sila tatanggapin ng marami. Sa halip na maging bukas sa mga pahayag na ito, mga masasamang balak, naisin, at hangarin ang igaganti nila sa mga sugo ng Diyos. Hindi delikado kundi nanganganib ang buhay ng mga propeta gaya ni Jeremias araw-araw. Kaliwa't kanan ang mga panganib at banta laban sa kanila. Isa lamang ang dahilan nito - hindi nila matanggap ang mga mensaheng galing sa Diyos na ipinapahayag sa kanila ng mga propetang gaya ni Jeremias.
Hindi malayo ang naging karanasan ni San Juan Bautista sa mga naging karanasan ng mga propetang gaya ni Jeremias. Katunayan, ang kaganapang pinagninilayan at ginugunita ng Simbahan sa araw na ito na isinalaysayay sa Banal na Ebanghelyo ay ang wakas ng pagdurusa ni San Juan Bautista. Humantong ang lahat sa kaniyang pagkamatay sa kamay nina Haring Herodes Antipas at Herodias. Dahil sa sayaw ng dalagang anak ni Herodias, pinagbigyan ni Herodes Antipas ang kaniyang hiling na walang iba kundi ang ulo ni San Juan Bautista sa isang pinggan, bagamat labis niya itong ikinalungkot gawin.
Mahirap ngang manindigan para sa Diyos. Hindi tatanggapin ng marami ang mga tapat na naglilingkod sa Diyos. Subalit, ang tapat na paninindigan para sa Panginoong Diyos sa kabila ng mga pag-uusig, pagsubok, at tukso sa buhay ay tanda ng tunay na kagitingan. Ito ang ipinamalas ni San Juan Bautista. Bagamat marami ang nagbanta laban sa kaniya, gaya ni Herodias, hindi nagpadaig si San Juan Bautista. Ang mga banta at pag-uusig laban sa kaniya ay hindi naging hadlang o dahilan para sa kanya na tumigil sa paninindigan para sa Diyos. Dahil sa taos-puso niyang pag-ibig para sa Panginoong Diyos, ipinasiya ni San Juan Bautista na manindigan at manatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli. Sa pamamagitan nito, buong katapatang isinabuhay ni Juan Bautista ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "Patuloy kong isasaysay ang dulot Mong kaligtasan" (Salmo 70, 15a).
Bagamat napakahirap manindigan para sa Diyos nang buong katapatan hanggang sa huli dahil sa lahat ng mga tukso, pagsubok, at pag-uusig sa buhay, dapat pa rin natin itong gawin sapagkat ito ang ating misyon, tungkulin, at responsibilidad bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan. Hindi tayo tatanggapin ng marami dahil sa ating paninindigan para sa ating Panginoong Diyos, subalit hindi ito ang dapat maging dahilan upang tuluyang bitawan ang ating pag-ibig, pananalig, at pananampalataya sa Kaniya. Sa halip na tuluyang bitawan at isuko ito, tularan natin si San Juan Bautista na hindi nagpatalo sa lahat ng mga tukso, pagsubok, at pag-uusig sa buhay at nanatiling tapat sa Panginoong Diyos hanggang kamatayan. Ang dakilang biyaya ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay ating pinatotohanan sa pamamagitan nito.
Tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataong isabuhay ang ating taimtim na debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, dapat tayong tumindig at manindigan para sa Kaniya nang buong katapatan at pananalig hanggang sa huli. Sa pamamagitan nito, ipinapakilala natin Siya bilang tunay na maawain at mapagmahal na Panginoon at Manunubos na iniibig, pinananaligan, sinasampalatayanan, at sinasamba nang taos-puso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento