1 Setyembre 2023
Biyernes ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
1 Tesalonica 4, 1-8/Salmo 96/Mateo 25, 1-13
SCREENSHOT: #QuiapoChurch Official 6PM #OnlineMass - 18 August 2023 (FRIDAY) #QuiapoDay #ArawNgQuiapo (Facebook and YouTube)
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Panginoong Hesukristo, ang Nazareno, ay nakasentro sa paghahanda para sa buhay na walang hanggan sa piling ng Mahal na Poon sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit. Tanging sa piling ng Mahal na Poon sa langit lamang natin matatagpuan at masusumpungan ang biyaya ng buhay na walang hanggan. Walang magpakailanman dito sa mundong ito. Katunayan, dito sa mundong ito, ang lahat ng bagay ay may hangganan. Pansamantala lamang ang mga bagay na nakikita sa mundong ito. Maging ang mismong planetang ito ay mayroong hangganan, katapusan, o wakas.
Isinalaysay ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang talinghaga tungkol sa sampung dalaga upang ituro ang halaga ng oras. Habang namumuhay at naglalakbay tayo sa mundong ito, huwag nating kakalimutang limitado ang oras. Sa unang tingin, mukhang matagal-tagal na panahon ang lilipas bago tayo malagutan ng hininga. Ang bawat isa sa atin ay tila mayroong mahahabang buhay. Taliwas nito ang itinuro ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Para sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, hindi dapat pairalin ang ganyang pag-iisip sapagkat iyon rin mismo ang uri ng pag-iisip at lohika ng limang hangal na dalaga sa talinghagang Kaniyang isinalaysay sa Banal na Ebanghelyo. Dahil sa ganitong uri ng pag-iisip at lohika, ang limang dalagang hangal ay napahamak at hindi nakasama sa kasalan sa kahuli-hulihan.
Bilang mga Kristiyano, bilang isang Simbahan, ano ba ang dapat maging lohika, pag-iisip, o mentalidad ng bawat isa sa atin? Paano nga ba tayo dapat mag-isip? Itinuro sa atin ng Panginoong Jesus Nazareno sa mismong talinghagang isinalaysay Niya sa Ebanghelyo kung paano tayo dapat mag-isip. Ang lohika, mentalidad, at pag-iisip na dapat nating tularan at pairalin ay ang mismong lohika, pag-iisip, at mentalidad ng limang matatalinong dalaga. Inilarawan ni Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa kung paano ba natin ito matutularan. Sabi ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa Unang Pagbasa na dapat tayong magpakabanal dahil ito ang ibig ng Diyos para sa atin. Nais ng Panginoong Diyos na lagi nating pagsikapang mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin habang pansamantala tayong namumuhay at naglalakbay sa daigdig na ito. Gaya ng nasasad sa isa sa mga taludtod sa Salmong Tugunan: "Ang matuwid ang gawain ay galak ay masusumpong" (Salmo 96, 12). Hindi mahahanap sa mundong ito ang biyayang ito. Bagkus, sa piling lamang ng Diyos sa walang hanggan at maluwalhati Niyang kaharian sa langit ito masusumpungan.
Mahalaga ang bawat oras at pagkakataong ibinibigay sa atin ng Panginoong Diyos upang maihanda natin ang ating mga sarili para sa pagtamasa ng biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit. Nais ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na makapiling tayo sa langit upang matamasa natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan na Kaniyang kaloob sa atin. Bilang mga tapat na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, habang namumuhay at naglalakbay tayo sa mundong ito, lagi nating pagsikapang mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin upang ang bawat isa sa atin ay maging handang makapiling Siya sa langit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento