Huwebes, Agosto 31, 2023

PANANAGUTAN BILANG SIMBAHAN

10 Setyembre 2023 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ezekiel 33, 7-9/Salmo 94/Roma 13, 8-10/Mateo 18, 15-20 

SCREENSHOT: #QuiapoChurch Official 5AM #OnlineMass - 30 August 2023 WEDNESDAY of the 21st Week in Ordinary Time (Facebook and YouTube

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay muling nakasentro sa ating misyon bilang mga Kristiyano. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, mayroon tayong misyong kailangang tuparin. Inilarawan ang ating misyon bilang Simbahan sa mga Pagbasa bilang isang pananagutan o responsibilidad na ibinigay ng Diyos. Kapag hindi natin tinupad ang misyong ibinigay sa atin ng Diyos, mananagot tayo sa Kaniya. Dahil dito, dapat nating gamitin natin nang mabuti ang bawat pagkakataong bigay sa atin ng Panginoong Diyos upang tuparin ito.

Sa Unang Pagbasa, malakas na inihayag ng Diyos kay Ezekiel na propetang Kaniyang hinirang na mananagot ang lingkod Niyang ito kapag hindi niya tinupad ang misyong ipinagagawa sa kaniya. Ipinaalala ng Diyos kay Propeta Ezekiel na ang misyon niya bilang propeta ay ang kaniyang pananagutan sa Diyos. Binalaan ng Diyos na kapag ang misyong ito ay hindi tinupad ni Propeta Ezekiel, sa Kaniya mismo mananagot ang propetang ito. Hindi lamang sa mga tao magkukulang si Propeta Ezekiel kundi pati na rin sa Diyos. Ang hindi pagtupad ni Propeta Ezekiel sa misyong ibinigay ng Diyos sa kaniya ay magiging isang napakalaking pagkukulang at kasalanan sa Diyos. 

Inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung bakit ipinasiya ng Diyos na ibigay ang Kaniyang mga utos at bigyan rin ng misyon ang bawat isa sa atin na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Panginoong Jesus Nazareno. Sabi ni Apostol San Pablo na "pag-ibig ang kabuuan ng kautusan" (Roma 13, 10). Ang dahilan kung bakit ibinigay sa atin ng Diyos ang Kaniyang mga utos at binigyan rin tayo ng misyon ay dahil sa Kaniyang pag-ibig. Nais rin ng Diyos na bigyan tayo ng pagkakataong ihayag ang ating pag-ibig sa Kaniya. Dahil dito, inihayag sa atin ng Diyos ang Kaniyang mga utos upang ating masunod at tayo'y binigyan rin Niya ng misyon upang ating matupad. 

Nakasentro sa misyon natin bilang Simbahan ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Ang ating misyon ay maging mga tagapagpalaganap at salamin ng pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa ng Panginoong Diyos sa lahat. Sa bawat sandali ng ating pansamantalang buhay at paglalakbay dito sa mundong ito, ang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa ng Diyos ay dapat ipalaganap. Ito ang misyon na ibinigay sa atin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Gaano man ito kahirap tuparin at gawin, dapat pa rin natin itong tuparin at gawin sapagkat ito ang misyon at pananagutan natin bilang mga Kristiyano. Kapag ito ang ipinasiya nating gawin, inihahayag natin ang tapat nating pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa unang umibig sa atin na walang iba kundi ang Panginoong Diyos. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo S'yang salungatin" (Salmo 94, 8). Ito ang panawagan sa atin para sa Linggong ito. Kung tunay nating minamahal ang Diyos, tutuparin at susundin natin ang Kaniyang mga utos at loobin. Ang misyon at pananagutang Kaniyang ibinigay sa bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahan ay buong kababaang-loob, katapatan, at pananalig nating yayakapin at tatanggapin. 

Mayroon tayong pananagutan sa Diyos bilang Simbahan. Kung tunay nating iniibig, pinananaligan, at sinasamba ang Diyos, tutuparin natin ang ating pananagutan bilang Simbahan. Ito ang pagkakataong ibinigay ng Diyos upang ipahayag sa lahat ang ating tapat na pag-ibig, pananalig at pagsamba sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento