Biyernes, Setyembre 1, 2023

HUWAG LIMUTIN ANG PINAKADAKILANG GAWA NG DIYOS

14 Setyembre 2023 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1570) El Descendimiento ("The Descent from the Cross") by Pedro de Campaña (1503–1580), as well as the actual work of art itself from the Museo del Prado collection, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

Inilahad sa Salmong Tugunan ang temang nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan nang buong kataimtiman ng Simbahan sa araw na ito na inilaan para sa maringal na pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal. Nasusulat sa Salmong Tugunan: "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D'yos" (Salmo 77, 7k). Subalit, mayroong pagkakaiba sa pagkakasalin ng salin ng mga salitang ito sa Ingles. Ang sabi sa opisyal na salin sa Ingles: "Do not forget the works of God" (Huwag limutin ang mga gawa ng Diyos). Maituturing na isang paalala para sa lahat ang salin ng mga katagang ito sa wikang Ingles. 

Bagamat mayroong pagkakaiba ang salin sa Ingles at ang salin sa Tagalog, iisa lamang ang nais ipaalala sa tanan. Tunay ngang kahanga-hanga at dakila ang mga gawa ng Diyos. Subalit, sa lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na tunay nga namang dakila, isa lamang ang namumukod-tangi sa lahat. Ang gawang ito ay walang iba kundi ang pagkakaloob ng Diyos ng biyaya ng kaligtasan sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. Isinasagisag ng Banal na Krus ang pinakadakilang gawang ito ng Panginoong Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, ipinasiya ng Panginoong Diyos na ipakita ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa sa mga Israelita sa kabila ng kanilang mga pagrereklamo sa Kaniya. Kahit napakalinaw na kinalimutan nila ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa kanila, ipinasiya ng Panginoong Diyos na ipakita pa rin ang dakila Niyang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa sa kanila noong si Moises ay ipinasiya nilang lapitan at hilingin sa kaniya nang buong kababaang-loob na manalangin sa Diyos na iligtas sila. Pinarusahan sila ng Panginoon, subalit noong ipinasiya nilang magsisi at magbalik-loob sa Kaniya, ipinasiya Niya silang iligtas. Iyan ang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa ng Diyos. Lagi pa rin Siyang handang magpatawad, gaano mang kalaki ang kasalanang ginawa ng bawat isa. Oo, walang sinuman sa atin ay hindi karapat-dapat sa biyayang ito ng Diyos, subalit, sa kabila nito, hindi Niya ipagkakait sa atin ang biyayang ito kapag buong kababaang-loob at taos-puso nating hihingin ito sa Kaniya. Ito ang dahilan kung bakit inutusan Niya si Moises na gumawa ng isang ahas na tanso upang gumaling ang lahat ng mga tinuklaw ng mga makamandag na ahas na tumingin sa ahas na tanso. 

Nakasentro sa pinakadakilang gawa ng Diyos na tunay ngang namumukod-tangi at kahanga-hanga sa lahat ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo na ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na ialay ang buo Niyang sarili sa kalooban ng Diyos nang buong kababaang-loob hanggang sa huling sandali ng Kaniyang buhay sa Krus na Banal (Filipos 2, 8). Dahil sa kababaang-loob ng Poong Jesus Nazareno, naligtas ang sangkatauhan. Ang Krus na Banal ay ang tanda o sagisag ng pagsunod ng Poong Jesus Nazareno sa kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob hanggang kamatayan. 

Ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na gawin ang pinakadakilang gawang ito na tunay nga namang namumukod-tangi at kahanga-hanga ay inihayag sa Ebanghelyo. Katunayan, ang talatang ito ay isa sa mga pinakamasikat na talaga sa Bibliya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos na tunay nga namang dakila, ipinasiya Niyang isugo sa mundong ito ang Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno upang maging ipinangakong Manunubos ng sangkatauhan (Juan 3, 16-17). Ito ang isinasagisag ng Banal na Krus ng Poong Señor na si Jesus Nazareno na lagi nating pinararangalan bilang Simbahan. 

Dahil isinasagisag ng Banal na Krus ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang dakilang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan, labis natin itong pinahahalagahan bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang Siya mismo ang nagtatag. Ang Krus na Banal ay tunay ngang mahalaga sapagkat ito ang paalala ng dakilang pag-ibig ng Diyos na inihayag Niya sa tanan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. 

Hindi natin dapat limutin ang pinakadakilang gawa ng Diyos na tunay nga namang namumukod-tangi at kahanga-hanga. Bagkus, bilang Simbahan, ang pinakadakilang gawang ito ng Diyos ay dapat nating alalahanin, pahalagahan, at ipalaganap sa lahat. Dapat lamang makilala ng lahat na ang Diyos ay tunay ngang maawain, mahabagin, at mapagmahal. Ang dakilang patunay nito ay ang Banal na Krus ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento