6 Oktubre 2023
Biyernes ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Baruc 1, 15-22/Salmo 78/Lucas 10, 13-16
SCREENSHOT: #QuiapoChurch Official 6PM #OnlineMass | 24 Sept 2023 - 25th Sunday in Ordinary Time (Facebook and YouTube)
Mga malalakas na salita ang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pagninilay sa Kaniyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus na Banal, gaya ng inilalarawan ng sagradong imahen ng Poong Jesus Nazareno. Sabi ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na mapapahamak ang mga bayang Kaniyang binanggit sa Ebanghelyo dahil hindi tunay ang kanilang pagtanggap sa Kaniya. Panlabas lamang ang kanilang pagtanggap sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hindi naman tunay at tapat ang pagtanggap sa Kaniya ng mga tagaroon noong kapanahunang yaon.
Nananatili pa rin ang saysay ng mga salitang Kaniyang binigkas sa Ebanghelyo para sa araw na ito sa kasalukuyang panahon. Hindi lamang Niya ito binigkas para sa mga bayan ng Corazin, Betsaida, Capernaum, at iba pa. Bagkus, ang mga salitang ito ay para sa lahat ng tao, anuman ang panahon. Isa lamang ang nais sabihin ng Poong Jesus Nazareno. Ang pagtanggap sa Kaniya ay dapat maging taos-puso, tunay, at tapat. Mapapahamak ang mga hindi tumatanggap sa Kaniya nang taos-puso, tunay, at tapat. 'Di natin madadaanan sa pagbabalat-kayo ang pagtanggap at pagsunod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Paano nga ba magiging tunay at tapat ang pagtanggap sa Poong Jesus Nazareno? Isa lamang ang dapat nating gawin. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang mga pagkukulang at kasalanan ng bayang Israel laban sa Panginoong Diyos. Katunayan, ang pahayag na ito ay iniutos na ipahayag ng mga Israelita. Sa pamamagitan nito, inaamin ng mga Israelita ang kanilang mga pagkukulang at kasalanan laban sa Panginoong Diyos at taos-puso silang humihingi ng habag at awa mula sa Kaniya. Nakatuon rin sa awa ng Diyos ang Salmong Tugunan para sa araw na ito. Katunayan, isa itong dalangin kung saan humihingi ng habag at awa mula sa Diyos ang umaawit at nagdarasal.
Isa lamang ang aral na nais ituro sa atin sa araw na ito. Ang tunay na pagtanggap sa Poong Jesus Nazareno ay pagtalikod sa makasalanang pamumuhay at pagtanggap sa biyaya ng bagong buhay na Kaniyang kaloob sa mga taos-pusong nagpasiyang tanggapin at sundin Siya. Kinakailangan nating pahintulutan natin Siyang baguhin ang ating mga buhay kung tunay natin Siyang tinatanggap. Hindi ito madadaanan sa mga salita lamang. Mayroon itong kaakibat na gawa - pagsisihan at talikdan ang lahat ng ating mga kasalanan at makasalanang pamumuhay at tanggapin ang biyaya ng bagong buhay na Kaniyang kaloob sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento