Biyernes, Setyembre 8, 2023

PAGPILI AT PAGTANGGAP SA TUNAY NA HARI

22 Setyembre 2023 
Biyernes ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
1 Timoteo 6, 2k-12/Salmo 48/Lucas 8, 1-3 

SCREENSHOT: #QuiapoChurch Official 6PM #HealingMass | 07 Sept 2023 THURSDAY of the 22nd Week in Ordinary Time (Facebook and YouTube)

Mahaba ang Unang Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno. Subalit, isa lamang ang nais isalungguhit ng mahabang pangaral ni Apostol San Pablo kay San Timoteo sa Unang Pagbasa para sa araw na ito, at ito ay walang iba kundi ang pagpili at pagtanggap sa Panginoong Diyos bilang tunay na Hari. Nakasentro sa tema o aral na ito ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes. 

Sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito na halaw sa isa sa mga Beatitudo na itinuro ng Poong Jesus Nazareno sa simula ng Kaniyang pampublikong ministeryo o pangangaral: "Mapalad ang mga aba, tanging D'yos ang Hari nila" (Mateo 5, 1). Ito ang dahilan kung bakit ang mga aba ay pinagpapala at dinadakila ng Diyos. Sa kabila ng mga hirap, tukso, at pagsubok sa buhay, ipinasiya pa rin nilang maging tapat sa Diyos. Ipinasiya pa rin nilang ibigay sa Panginoong Diyos ang kanilang taos-pusong katapatan at pananalig. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahan na tatag mismo ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ito ang dapat maging ating pasiya. 

Isinalungguhit ni Apostol San Pablo sa kaniyang mahabang pangaral at mensahe kay San Timoteo sa Unang Pagbasa kung paano natin maipapahayag ang ating pasiyang taos-pusong piliin, paglingkuran, at sambahin ang Panginoong Diyos bilang tunay at walang hanggang Hari nang buong kababaang-loob, pananalig, at pag-ibig para sa Kaniya. Umiwas sa kasalanan. Piliin ang kabanalan. Ang landas ng kabanalan ay dapat nating piliin araw-araw. Sa pamamagitan nito, naipapahayag natin ang ating pagpili, pananalig, pag-ibig, at pagsamba sa Panginoon na ating Diyos at Hari. Sa Ebanghelyo, ipinakilala ang mga babaeng nagpasiyang sumunod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Buong kababaang-loob at taos-puso nilang ipinasiyang tanggapin at sundin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang maipahayag at mapatunayan ang pananalig at pag-ibig nila para sa Kaniya. 

Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan, dapat nating piliin at tanggapin ang Poong Jesus Nazareno bilang ating Panginoon, Diyos, at Hari. Siya lamang at wala nang iba. Ang tanong, ito ba ang hangarin ng ating mga puso? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento