15 Setyembre 2023
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35)
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 16th century) Pieta by Willem Key (circa 1515/1516–1568), as well as the work of art itself from the Sothebys collection, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 70 years or fewer due to its age.
Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay muling ipinakilala ng Simbahan sa araw na ito bilang Inang Nagdadalamhati o Ina ng Hapis. Malayong-malayo ito sa ibang mga titulo ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na 'di hamak na mas maringal ang tunog kaysa sa tunog ng nasabing titulo. Kung tutuusin, walang sinumang ina o babae sa daigdig na ito ang nangarap o naghangad na sa kaniya igawad ang titulong Ina ng Hapis o Inang Nagdadalamhati. Bilang mga tao, pinapangarap nating maging masaya sa buhay dito sa mundong ito, kahit pansamantala lamang ito.
Nakasentro sa katotohanang ito tungkol sa pagmamahal ang mga Pagbasa para sa araw na ito. Inilarawan sa Unang Pagbasa kung gaano kasakit para sa Panginoong Jesus Nazareno ang Kaniyang ipinasiyang gawin dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kaisa ng Ama at ng Espiritu Santo, ipinasiya Niyang iligtas ang sangkatauhan. Buong kababaang-loob at pananalig na tinupad at sinunod ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang planong ito na Kaniyang binuo kaisa ng Ama at ng Espiritu Santo bago Siya dumating sa mundo hanggang sa huli (Hebreo 5, 7). Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin, ipinasiya Niyang maging masunurin sa kalooban ng Diyos nang buong kababaang-loob at pananalig, gaano man ito kasakit para sa Kaniya. Inilahad sa Ebanghelyo ang pinakamasakit na sandali sa buhay ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Sa bundok na tinatawag na Golgota o Kalbaryo, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay napuno ng matinding dalamhati at hapis sapagkat kaniyang nasilayan ang minamahal niyang Anak na unti-unting binabawian ng buhay sa Banal na Krus.
Gaya ng sabi ni Simeon sa kaniyang propesiya tungkol sa buhay ni Jesus Nazareno sa alternatibong Ebanghelyo: "Dahil diyan, ang puso mo'y para na ring tinarakan ng isang balaraw" (Lucas 2, 35). Bagamat ang mga salitang ito na binigkas niya sa Mahal na Inang si Mariang Birhen ay tungkol sa mga matitinding hirap, pagdurusa, sakit, at kamatayan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, mayroon ring aral para sa atin ang mga salitang ito ni Simeon sa alternatibong Ebanghelyo. Ang pag-ibig ay hindi isang landas o daan na maaari nating tahakin upang makatakas tayo mula sa mga hirap, sakit, pagdurusa, tukso, at pagsubok sa buhay. Ito ay pinatunayan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno at ng Mahal na Inang si Mariang Birhen.
Sa masakit na katotohanan ring ito nakasentro ang Salmong Tugunan. Ang hiling at dalangin ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ay: "Poong D'yos na maibigin, ako ay Iyong sagipin" (Salmo 30, 17b). Ipinasiya ng Panginoong Diyos na tuparin ang hiling na ito ng Kaniyang bayan na inilahad ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kahit napakasakit para sa Diyos na ipagkaloob ang Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno bilang handog upang tayong lahat ay masagip at maligtas, ipinasiya pa rin Niya itong gawin alang-alang sa atin dahil tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan.
Walang sinumang umibig na hindi nasaktan. Ang lahat ng mga umiibig ay nakaranas ng hirap, luha, sakit, at dalamhati. Ito ang nagpapatunay na tunay at wagas ang ating pag-ibig. Pinatunayan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno at ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang Ina ng Hapis, ang katotohanang ito tungkol sa pag-ibig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento