17 Setyembre 2023
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Sirak 27, 33-28, 9/Salmo 102/Roma 14, 7-9/Mateo 18, 21-35
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1629) Parable of the Unforgiving Servant, formerly called Croesus Receiving Tribute from a Lydian Peasant, by Claude Vignon (1593–1670), as well as the actual work of art from the Musée des Beaux-Arts de Tours, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Inihayag sa mga Pagbasa para sa Linggong ito ang dahilan kung bakit tayo dapat magpatawad. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Sirak na papatawarin rin ng Panginoong Diyos ang mga nagpapatawad ng kapwa (28, 2). Ang pagiging mahabagin ng Diyos ay ang pangunahing tema o larawang binibigyan ng pansin sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito (Salmo 102, 8). Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan ay dapat mabuhay para sa Panginoon sapagkat tayong lahat ay Kaniya (Roma 14, 8). Isinalaysay naman ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, sa Ebanghelyo ang talinghaga tungkol sa lingkod na hindi marunong magpatawad upang ituro ang halaga nito.
Mahirap ngang magpatawad. Katunayan, walang sinabi ang Poong Jesus Nazareno na madali itong gawin. Batid Niya kung gaano kahirap para sa atin na magpatawad. Hindi natin kailangang magrekalmo sapagkat batid Niya ito. Subalit, sa kabila nito, itinuturo pa rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na dapat tayong magpatawad. Ito ay dahil ang pagiging Kristiyano ay tungkol sa pagtupad sa kalooban ng Diyos nang buong kababaang-loob at pananalig sa Kaniya, gaano man kahirap itong gawin.
Hindi naging madali para sa Panginoong Diyos na iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Mas madali para sa Kaniya na manatili lamang sa langit at hayaan na lamang tayo mapahamak dahil sa kasalanan. Subalit, ipinasiya pa rin ng Diyos na iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kahit hindi Niya kailangang gawin iyon sapagkat napakahirap naman talaga gawin iyon, ipinasiya pa rin Niya itong gawin. Bagamat mas madaling magpakasarap sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit, ipinasiya pa rin ng Diyos na gawin ang pinakamahirap na gawain - iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahan, dapat nating ipalaganap ang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa ng Diyos. Dapat tayong maging mga salamin nito. Ito ang kalooban ng Diyos para sa atin. Hindi ito madaling gawin, subalit, ito ang dapat nating gawin. Kung tunay at tapat ang ating pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Diyos, handa tayong gawin ito nang buong kababaang-loob at pananalig sa Kaniya, kahit napakahirap itong gawin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento