29 Setyembre 2023
Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel, at San Rafael
Daniel 7, 9-10. 13-14 (o kaya: Pahayag 12, 7-12a)/Salmo 137/Juan 1, 47-51
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1516) Altarpiece of the three archangels by Marco d'Oggiono (1470–), as well as the actual work of art from the Pinacoteca di Brera via the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author (its painter) died in 1530. This work of art is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.
Ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan upang magpasalamat sa Paginoong Diyos sa biyaya ng mga Arkanghel na sina San Miguel, San Gabriel, at San Rafael. Hindi natin sila sinasamba kundi pinararangalan at binibigyan ng galang. Katulad ng mga taong kabilang sa kasamahan ng mga banal, itinuturo tayo ng mga Arkanghel na sina San Miguel, San Gabriel, at San Rafael sa tunay na Diyos na dapat nating sambahin. Isa lamang ang tunay na Diyos na binubuo ng Tatlong Persona - ang Ama, ang Anak na si Jesus Nazareno, at ang Espiritu Santo.
Sa mga Pagbasa para sa araw na ito, inilarawan ang tungkulin ng mga Arkanghel at ang iba pang pangkat ng mga anghel sa langit. Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Propeta Daniel ang kaniyang mga nakita sa isang pangitain. Sa pangitaing yaon, nakita niya kung paanong ang Anak ng Tao na walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas ay pinaglingkuran ng lahat ng nilalang, kasama na rito ang mga Arkanghel at pati na ang iba pang mga pangkat ng mga anghel at hukbo sa kaharian ng Panginoong Diyos sa langit. Sa alternatibong Unang Pagbasa para sa araw na ito, inilarawan kung paanong nagtagumpay ang mga anghel ng Panginoon sa pangunguna ng Arkanghel na si San Miguel laban sa mga rebeldeng anghel na pinagunahan ni Lucifer na mas kilala natin bilang si Satanas na tumalikod at naghimagsik laban sa Diyos. Ang mga anghel na ito na pinagunahan ng Arkanghel na si San Miguel ay nagpasiyang manatiling tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa huli sa halip na talikuran, suwayin, at maghimagsik laban sa Kaniya. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay inilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Banal na Ebanghelyo para sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang Anak ng Tao, na walang iba kundi Siya, ay paglilingkuran ng lahat, kabilang na ang mga anghel.
Inilarawan sa Salmong Tugunan ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos araw-araw habang nagpapatuloy ang ating buhay at paglalakbay nang pansamantala sa mundong ito. Sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "Poon, Kita'y pupurihin sa harap ng mga anghel" (Salmo 137, 1k). Katunayan, ang mga salitang ito ay isang pangako para sa lahat ng mga magpapasiyang manatiling tapat sa Diyos. Tayong lahat ay maaaring maging kabilang at kasama sa mga nagpupuri at sumasamba sa Diyos magpakailanman sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit kung pipiliin nating maging tapat sa Kaniya hanggang sa huli. Ang dapat lagi nating piliin ay ang kabutihan at kabanalan upang mapabilang rin tayo sa lahat mga nag-aalay ng taos-pusong papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Panginoong Diyos sa langit sa wakas ng ating buhay sa mundong ito.
Tayong lahat na naglalakbay sa mundong ito nang pansamantala lamang ay laging ginagabayan ng mga Arkanghel na sina San Miguel, San Gabriel, at San Rafael at ang lahat ng mga anghel at banal sa langit patungo sa dapat nating ibigay ang ating taos-pusong katapatan at pananalig. Susunod ba tayo sa kanila?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento