Sabado, Setyembre 16, 2023

DAHIL SA KANIYANG KAGANDAHANG-LOOB

24 Setyembre 2023 
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 6-9/Salmo 144/Filipos 1, 20k-24. 27a/Mateo 20, 1-16a 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1573/1574) The Vineyard of the Lord by Lucas Cranach the Younger (1515–1586), as well as the actual work of art itself, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 70 years or fewer due to its age. 


Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay muling nakasentro sa mga pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos. Habang tayong lahat ay namumuhay at naglalakbay dito sa mundong ito nang pansamantala, lagi tayong binibigyan ng Panginoong Diyos ng pagkakataong tanggapin at tumalima sa Kaniyang kalooban. Sa pamamagitan nito, binibigyan tayo ng pagkakataong tahakin ang landas ng kabanalan. Isa lamang ang dahilan kung bakit lagi ito ginagawa ng Diyos para sa atin habang namumuhay at naglalakbay tayo dito sa mundo - ang Kaniyang kagandahang-loob. 

Inihayag ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito na hindi Siya katulad ng tao mag-isip. Ang Kaniyang lohika ay hindi katulad ng lohika ng tao. Tunay nga Siyang naiiba sa tao pagdating sa pag-iisip at lohika. Isinalamin ng talinghaga ni Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang mga salitang ito. Ang kagandahang-loob ng Diyos ay para sa lahat. Kahit ang mga hindi inakalang tatanggap ng biyaya ng Panginoon, biniyayaan rin Niya. Sa kasalukuyang panahon, patuloy pa rin Niya itong ginagawa. Katunayan, tayong lahat ay minarapat Niyang pagkalooban ng Kaniyang mga biyaya sa kabila ng ating mga kahinaan at kasalanan. Lagi Niya itong ginagawa para sa atin. Habang tayong lahat ay patuloy na namumuhay at naglalakbay sa mundong ito nang pansamantala, tayong lahat ay lagi Niyang binibigyan ng pagkakataong tanggapin at ipalaganap ang Kaniyang biyaya. Tayong lahat ay pinagindapat Niyang tanggapin ang biyayang ito. Ito ang dahilan kung bakit lagi tayong binibigyan ng Panginoong Diyos ng pagkakataong tanggapin at ipalaganap ang Kaniyang biyaya. Subalit, tayo mismo ang magpapasiya kung tatanggapin natin ang mga pagkakataong ito na ibinibigay ng Diyos sa atin. Mayroong paalala si Apostol San Pablo para sa lahat ng mga Kristiyano tungkol sa mga pagkakataong ibinibigay sa atin ng Panginoon upang tanggapin ang Kaniyang biyaya at ipalaganap ito sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo na dapat tayong mamuhay ayon sa Mabuting Balita sapagkat hindi na magiging katulad ng mga dati nating buhay ang ating mga buhay kapag ang biyaya ng Panginoong Diyos ay ating ipinasiyang tanggapin. Kapag tapat at taos-puso nating tinatanggap ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Panginoong Diyos na makinabang at ipalaganap ang Kaniyang biyaya, tinatanggap rin natin ang biyaya ng bagong buhay bilang Kaniyang mga tagasunod at anak na Kaniyang kaloob. 

Bagamat hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kahinaan at kasalanan bilang tao, ipinasiya pa rin ng Panginoong Diyos sa atin ang Kaniyang kagandahang-loob. Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "D'yos ay tapat at totoo sa dumadalanging tao" (Salmo 144, 18a). Dahil sa Kaniyang kagandahang-loob para sa atin, ipinasiya ng Panginoong Diyos na maging tapat sa atin. Ito ang tanging dahilan kung bakit lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong tanggapin, pakinabangan, at ipalaganap sa kapwa ang Kaniyang biyaya. 

Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, lagi Niya tayong binibiyayaan. Tayong lahat ay lagi rin Niyang binibigyan ng pagkakataong tanggapin, pakinabangan, at ipalaganap ang Kaniyang biyaya habang namumuhay at naglalakbay tayo sa mundong ito. Kahit hindi tayo karapat-dapat sa kagandahang-loob, katapatan, at biyaya ng Diyos dahil tayong lahat ay mga makasalanan, ipinasiya pa rin Niya itong ibigay at ipakita sa atin. Bukod pa riyan, ibinigay pa rin sa atin ng Diyos ang kapangyarihang magpasiya para sa ating mga sarili. Niloob ng Diyos na tayo mismo ang magpasiya kung tatanggapin nga ba natin ang mga pagkakataong ibinibigay Niya sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento