Huwebes, Setyembre 21, 2023

PAALALA O SAGISAG NG ATING MISYON

28 Setyembre 2023 
Dakilang Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Simbahan ng Quiapo 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 4, 19-24 


Sa lahat ng mga Simbahan sa Pilipinas, ang ika-28 ng Setyembre ay inilaan para sa espesyal na pagdiriwang ng Paggunita sa Unang Pilipinong Santo at Martir na si San Lorenzo Ruiz. Ang Paggunitang ito na ipinagdiriwang taun-taon tuwing sasapit ang ika-28 ng Setyembre ay ipinagdiriwang sa lahat ng mga Simbahan sa bansa, lalung-lalo na sa mga Simbahang si San Lorenzo Ruiz ay ang Titular na Patron kung saan ito ay ipinagdiriwang bilang isang Dakilang Kapistahan, maliban lamang sa isa. Espesyal rin ang araw na ito para sa isang makasaysayan at masikat na Simbahan sa Pilipinas, na walang iba kundi ang Basilika Menor at Pambansang Dambana ng Mahal na Poong Jesus Nazareno at Parokya ni San Juan Bautista na mas kilala ng marami bilang Simbahan ng Quiapo. Ito ay dahil ang araw na ito ay ang araw na inilaan upang gunitain ang Pagtatalaga ng Dambana ng Simbahan ng Quiapo. 

Batid naman ng marami, pati na rin ang mga 'di Katoliko, na dinarayo ng maraming mga deboto at mananampalataya ang Simbahan ng Quiapo. Kahit na ang Titular na Patron ng Simbahan ng Quiapo ay si San Juan Bautista, ang Poong Jesus Nazareno ay ang dahilan kung bakit dinarayo ng maraming mga deboto at mananampalataya ang Simbahan ng Quiapo. Maulan man o maaraw, mayroon mang bagyo o wala, ang lahat ng mga deboto at mananampalataya ay tumutungo pa rin sa Simbahan ng Quiapo upang magpuri, magpasalamat, at sumamba sa Poong Jesus Nazareno. Hindi sila tumutungo sa Simbahan ng Quiapo upang sambahin ang imahen o rebulto ng Poong Jesus Nazareno. Bagkus, ang imahen ng Poong Jesus Nazareno ay pinararangalan at binibigyan ng galang ng mga deboto at mananampalataya sapagkat sinasagisag nito ang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos na inihayag Niya sa lahat sa pamamagitan ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos, ipinasiya Niya nang kusang-loob na iligtas ang sangkatauhan. Upang ganap Niyang mailigtas ang sangkatauhan, ipinagkaloob Niya ang Kaniyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Alang-alang sa atin, ang Bugtong na Anak ng Diyos ay naghandog ng sariling buhay sa Banal na Krus. Ito ang sinasagisag o ipinapaalala sa atin ng banal na imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Inilarawan ang Simbahan sa mga Pagbasa bilang isang batis. Mula sa batis, ang tubig ay dumadaloy at umaagos. Ang Simbahan ay naiiba sa lahat ng mga batis sapagkat mula sa mismong batis na ito ang tubig ng buhay na walang iba kundi ang dakilang biyaya ng Diyos. Sa lahat ng mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa atin, isa lamang sa mga ito ang namumukod-tangi at naiiba sa lahat - ang biyaya ng kaligtasan sa pamamagitan mismo ni Jesus Nazareno na Siyang pinakadakilang biyayang ibinigay ng Diyos sa atin. 

Ang pangitain ni Propeta Ezekiel sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay nakatuon o nakasentro sa larawan ng Templo bilang daluyan ng mga biyaya ng Panginoon. Sa larawan ring ito nakasentro ang Salmong Tugunan para sa araw na ito. Mula sa batis na ito, dumadaloy ang biyaya ng Diyos. Ito'y nagdudulot ng tuwa sa lahat ng mga bumubuo sa bayan ng Diyos na bumubuo rin sa Kaniyang Templo (Salmo 45, 5). Ang pangaral ni Apostol San Pablo ay nakasentro rin sa larawang ito. Tayong lahat ay ang Simbahan o Templo ng Diyos. Dapat maging daluyan tayo ng Kaniyang biyaya, pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Sa Ebanghelyo, inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa babaeng Samaritana na hindi mananatili sa loob ng mga bahay-dalanginan o mga gusaling itinayo para sa pagsamba sa Panginoon ang pagsamba sa Kaniya. Isa lamang ang ibig sabihin nito - ang Simbahang itinatag ni Kristo ay hindi mga gusaling gawa sa iba't ibang uri ng bato. Bagkus, ang Simbahang tatag ni Kristo ay binubuo ng mga tunay na nananalig at sumasamba sa Diyos. Ang mga Simbahang katulad na lamang ng makasaysayang Simbahan ng Quiapo ay mga paalala nito. 

Tayong lahat ang bumubuo sa tunay na Simbahan. Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang tatag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, dapat nating ibahagi at ipalaganap ang Kaniyang biyaya, pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Ang lahat ng mga bahay-dalanginan gaya ng Simbahan ng Quiapo ay paalala o sagisag ng katotohanang ito tungkol sa ating misyon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento