Sabado, Setyembre 23, 2023

HINDI TAYO SINUSUKUAN NG DIYOS

1 Oktubre 2023 
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ezekiel 18, 25-28/Salmo 24/Filipos 2, 1-11 (o kaya: 2, 1-5)/Mateo 21, 28-32 

This image from Richard Gunther (www.richardgunther.org) via FreeBibleimages (FreeBibleimages.org) is made available under a Creative Commons Attribution-NonCommercial 4.0 International License (CC BY-NC 4.0)

Tayong lahat ay hindi sinusukuan ng Diyos. Ito ang aral na nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan sa mga Pagbasa para sa Linggong ito. Dahil dito, tayong lahat ay lagi Niyang binibigyan ng pagkakataong upang magsisi at magbalik-loob sa Kaniya upang matahak natin ang landas ng kabanalan, ang landas patungo sa Kaniya. Gaano mang karami at kabigat ang ating mga kasalanan laban sa Panginoong Diyos at kapwa, hindi Niya tayo susukuan. Habang patuloy tayong namumuhay at naglalakbay nang pansamantala sa mundong ito, lagi Niya tayong bibigyan ng pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin nang sa gayon ay makapiling natin Siya sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit magpakailanman. 

Malakas na inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Propetang si Ezekiel sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito na pagkakalooban ng buhay ang mga taos-pusong nangagsisisi at nagbalik-loob sa Kaniya. Gaano man karami o kasama ang kanilang mga kasalanan, kapag taos-puso nilang ipinasiyang pagsisihan at talikdan ang kanilang makasalanang pamumuhay, magbalik-loob sa Kanya, at mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, pagkakalooban Niya sila ng buhay na walang hanggan. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung paanong ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay namuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Ama hanggang kamatayan sa Krus. Ang kababaang-loob ng Panginoong Jesus Nazareno na Siyang bukal ng lahat ng kabanalan ay nagdulot ng kaligtasan sa ating lahat. Sa pamamagitan ng kababaang-loob ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na naghayag ng Kaniyang kabanalan at nagdulot ng kaligtasan sa lahat, inihayag ng Diyos sa lahat na hindi Niya tayo susukuan habang pansamantala tayong namumuhay at naglalakbay dito sa mundong ito. Lagi Niya tayong bibigyan ng pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin upang Siya'y ating makasama sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit magpakailanman. Sa Ebanghelyo, ang kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa ng Diyos ay inilarawan ng Poong Jesus Nazareno nang buong linaw sa talinghagang Kaniyang isinalaysay sa mga saserdote at matatanda ng bayan na walang iba kundi ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak. Noong una, pinili ng unang anak na huwag gawin ang ipinagawa ng kaniyang ama, ngunit nagbago ang kaniyang isip at ginawa niya iyon habang ipinasiya naman ng ikalawang anak noong una na gawin iyon ngunit hindi naman niya iyon ginawa sa huli. 

Sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Poon, Iyong gunitain wagas Mong pag-ibig sa 'kin" (Salmo 24, 6a). Lagi itong ginagawa ng Diyos para sa atin. Hindi Niya tayo sinusukuan. Kahit hindi tayo karapat-dapat dahil sa dami at bigat ng ating mga kasalanan, hindi Niya tayo sinusukuan. Lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Nais Niya tayong baguhin at pagindapating makasama Siya sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit sa wakas ng ating buhay sa daigdig na ito. Iyon nga lamang, binigyan rin Niya tayo ng kalayaan upang makapagpasiya tayo para sa ating mga sarili. Hindi Niya tayo pipiliting gawin iyon kung hindi iyon ang ating nais. Igagalang Niya ang anumang ating ipasiya. Nais man Niya tayong isama sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit, hindi tayo pipiliting sumama sa Kaniya. Tayo mismo ang magapapasiya para sa ating mga sarili. Subalit, hindi ito nangangahulugang susukuan tayo ng Diyos. Hindi madaling sumuko ang Diyos. Lagi Niya tayong bibigyan ng pagkakataong maging banal. 

Kung ang tao ay madaling sumuko, hindi basta-basta susuko ang Panginoon. Habang patuloy tayong namumuhay at naglalakbay dito sa mundong ito nang pansamantala, may pag-asa para sa bawat isa sa atin dahil hindi tayo susukuan ng Diyos. Lagi Niya tayong bibigyan ng pagkakataong pagsisihan at talikdan ang kasalanan, magbalik-loob sa Kaniya, at tahakin ang landas ng kabanalan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento