Huwebes, Oktubre 5, 2023

DAPAT NATING PAHALAGAHAN

8 Oktubre 2023 
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 5, 1-7/Salmo 79/Filipos 4, 6-9/Mateo 21, 33-43 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1580 and 1590) Parable of the wicked husbandmen (October) by Marten van Valckenborch (1535-1612), as well as the actual work of art itself from the Kunsthistorisches Museum in Vienna, Austria, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas. including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Ang Ebanghelyo para sa Linggong ito ay nakasentro sa mga pagkakataong ibinibigay ng Panginoong Diyos upang ang lahat ay makapagbagong-buhay at makapagbalik-loob sa Kaniya. Lagi Niya itong ginagawa para sa atin habang tayo'y nabubuhay nang pansamantala dito sa mundo. Nais ng Diyos na tayong lahat ay isama sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. Sa katotohanang ito ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang talinghagang Kaniyang isinalaysay sa Ebanghelyo. 

Sa talinghaga ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo, napakalinaw kung paanong paulit-ulit na binigyan ang mga kasama sa ubasan ng napakaraming pagkakataong ibigay sa may-ari nito ang kaniyang parte pagsapit ng panahon ng pagpipitas. Iyon nga lamang, maraming ulit nila itong isinayang sa pamamagitan ng pananakit, pag-abuso, at pagpatay sa mga lingkod at pati na rin sa mismong anak ng may-ari ng ubasan. Pinili nilang maging mga alipin ng kasakiman. 

Ginamit rin ang larawan ng ubasan sa pahayag sa Unang Pagbasa upang ilarawan ang mga pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa lahat upang magsisi sa kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya. Sa pahayag ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa, inilarawan kung gaano nasaktan ang Diyos sa pasiya ng Kaniyang bayan na huwag bigyan ng halaga ang lahat ng mga pagkakataong Kaniyang ibinigay sa kanila upang magsisi at tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya. Inilarawan sila bilang mga "ubas na ligaw" (Isaias 5, 4). Dahil dito, sila'y pinarusahan ng Diyos. 

Inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang dahilan kung bakit dapat nating pahalagahan ang mga pagkakataong ito na ibinibigay sa atin ng Diyos na pagsisihan at talikdan ang kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya habang patuloy tayong namumuhay at naglalakbay nang pansamantala sa mundong ito. Sabi niya na sa pamamagitan nito'y ipinapahayag natin ang ating taos-pusong papuri, pagsamba, pasasalamat, at pagtanggap sa biyaya ng Panginoong Diyos. Kapag ipinasiya nating gawin ito, mapupuspos tayo ng mga bagay na ikatutuwa at ikalulugod ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay kalulugdan ng Panginoong Diyos dahil ang ating mga puso at isipan ay magiging puno ng mga bagay na Kaniyang ikinalulugod. 

Katulad ng nasusulat sa Salmo para sa Linggong ito: "Panginoon, Iyong tanim ang ubasan Mong Israel" (Israel 5, 7a). Katunayan, ang mga salita sa mga taludtod ng Salmo para sa Linggong ito ay mga salita ng mga taong dumadalanging kahabagan at patawarin sila ng Panginoong Diyos. Ang mga salita sa mga taludtod sa Salmo para sa Linggong ito ay dapat nating gawing dalangin araw-araw nang sa gayon ay maipahayag natin ang ating pagtanggap at pasasalamat para sa biyaya ng Diyos na nagdudulot ng bagong buhay para sa atin bilang Kaniyang mga anak. 

Hindi tayo mabubuhay sa mundong ito magpakailanman. Ang buhay natin dito sa mundong ito ay pansamantala lamang. Sa kabila lamang matatagpuan ang tunay na walang hanggan. Isa lamang ang maaari nating piliin - buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos o kaparusahan at kapahamakang walang hanggan sa impiyerno. Kung nais nating makapiling ang Panginoong Diyos sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit magpakailanman, ngayon  pa lamang, pahalagahan natin ang bawat sandaling ibinibigay Niya sa atin upang baguhin ang ating mga buhay at gawin tayong banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento